Matalik na Magkaibigan ang Dalawa; Dahil Lamang sa Lalaki, Sisirain Iyon ng Isa

Matalik na Magkaibigan ang Dalawa; Dahil Lamang sa Lalaki, Sisirain Iyon ng Isa

InspiringLoveStories

“Best friends forever!”” parehas na sigaw ni Alyssa at Hazel sa isa’t isa. Magkahawak kamay nilang nilalampasan ang problema. Higit pa sa pagkakaibigan ang turingan nila dahil kapatid na ang nakikita nila sa isa’t isa.

Halos kambal na rin kung isipin ng ibang tao ang relasyon ng dalawa. Simula kasi sa ulo hanggang paa ay magkatulad ang mga ito. Hindi malayo na malito minsan o hindi kaya magkamali ang isang tao sa kanila.

Parehas din ang kanilang mga kinakain, ang paboritong artista at iba pa ay magkatulad talaga.

Nick Christopher Lopez, kinatitilian sa buong campus at lihim na tinatangi ni Hazel samantalang tutok si Alyssa sa pag-aaral.

Naging madalang ang pagsasama ng dalawa. Unti-unti ay nagbago si Hazel kay Alyssa. Iniiwasan siya nito at halos hindi na kausapin simula ng makilala ang Nick na iyon.

Tinanggap ni Alyssa ang pangyayari. Lagi pa rin siyang nakasunod sa kaniyang kaibigan, siya ang gumagawa ng assignment nito para hindi tuluyang bumaksak hanggang sa kausapin niya si Nick.

“I like you,” iyon agad ang ibinungad ng lalaki kay Alyssa na ikinapuyos nito ng galit.

Sa isip-isip ni Alyssa ay nais na niyang tirisin ng buhay ang malanding lalaki na nasa harapan niya.

“Seryoso ka ba kay Hazel?” diretsahang tanong niya na siyang tinawanan ng lalaki.

“Ako? Magseseryoso? Pinapatawa mo ba ako? Hindi ang katulad niyang pangit ang seseryosohin ko dahil—” hindi na siya pinatapos pa ni Alyssa na magsalita. Mabilis nitong pinadapo ang kaniyang palad sa kanang pisngi nito at hindi pa nakuntento at pinangalawahan pa sa kaliwang pisngi.

“Ayan! Baka hindi ka pa nahihimasmasan na hindi laruan ang babae… at lalong hindi laruan ang kaibigan ko!” Naglakad na paalis si Alyssa at saka pinuntahan ang kaibigan.

Bihis na bihis si Hazel ng madatnan niya sa bahay nito. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa. Naaawa siya sa kaibigan na ang tanging ginawa lang ay magmahal ng maling tao.

“Hiwalayan mo siya, Hazel.” Napatingin si Hazel ng sabihin ni Alyssa iyon. Bahagya pa itong natawa habang ang mata ay nakatutok sa malaking salamin.

“Hindi ako nagbibiro, sasaktan ka lang niya, Hazel!” sa pagkakataong iyon ay lumalakas na ang boses ni Alyssa.

“Alam kong kaibigan kita pero hindi kita nanay! I have my own life at ikaw rin. Look, Ly, sa kaniya lang ako naging masaya, wag mo siyang siraan sa akin.” Parang sinasaksak si Alyssa ng mga sinabi ni Hazel. Paulit-ulit sumagi sa utak niya ang sinabi ng kaibigan na siyang dahilan ng kaniyang pagluha.

Lalong naghiwalay ang landas ni Hazel at Alyssa. Patuloy ang pag-aaral ni Alyssa at si Hazel naman ay halos napariwara na ang buhay. Si Alyssa na ang nagtatakip sa lahat ng pagkukulang ni Hazel sa mga output, projects and assignmnet.

Hanggang sa umiiyak na lumapit si Hazel kay Alyssa.

“Ly, sinaktan niya ako! Sinaktan niya lang ako.” Niyakap ni Alyssa ang kaawa-awang kaibigan. Napakalaki talaga ng pinagbago nito.

Pinagmasdan ni Alyssa ang suot nito. Ang dating mga jeans na suot nito ay napalitan na ng napakaiiksing shorts na ang sagwa tingnan para sa babae. Napakanipis ng tela ng pang-itaas na suot ni Hazel. Hindi niya nga malaman kung damit pa nga bang maituturing iyon. Napailing na lang si Alyssa.

Binigyan niya ito ng pamalit saka pinaghanda ng makakain. Matapos ay nahiga sila sa dating kwarto na okupado nila palagi.

“Sorry, Ly. Sorry sa lahat,” malungkot na hinging paumanhin ni Hazel. Nagsisisi siyang iniwan si Alyssa noon para sa Nick Lopez na walang ibang ginawa kung hindi saktan siya paulit-ulit.

“Hush, magkaibigan tayo. Hindi kita pababayaan at iiwan. Hinalikan ni Alyssa ang noo ni Hazel tulad ng ginagawa nila noon upang iparamdam na nasa tabi lang nila ang isa’t isa.

“Sorry kung hindi ko pinili ang pagkakaibigan natin noon at nagpabulag sa pagmamahal na ibinigay ni Nick.” Niyakap naman ni Hazel si Alyssa.

“Pero bumalik ka. We are best friend forever, hindi ba?” Ngiti lang ang itnugon nila sa isa’t isa.

Masaya nilang ipinagpatuloy ang buhay at parehas nakatapos ng may honors. Naging isang inspirasyon nila ang nangyari na mas dapat piliin ang pag-aaral, ang pagkakaibigan at sarili bago ang ibang tao dahil hindi lang doon mahahanap ang ikakasaya ng puso— sa totoong taong handang damayan ka sa kahit anong problema.

More Stories