Kilalang Tirador ng May Asawa ang Babaeng Ito, Pati Nobyo ng Sariling Bespren ay Hindi Niya Pinalagpas
“Girl! Totoo ba ‘yung tsismis na may nangyari sa inyo ni Rommel nung nakaraang Sabado?” pabulong na tanong ni Jepay kay Janica habang dumadaan si Rommel kasama ang kanyang mag-ina sa tapat ng bahay nila Janica kung saan sila nag-iinuman.
“Sabi ko naman sa inyo. Kahit ganito ang peslak ko, kaya kong makuha lahat ng mga kalalakihan dito sa lugar natin,” pagmamalaking sagot ng dalaga.
“Ssshhh! Ang mga bunganga n’yo. Baka madinig kayo ng asawa ni Rommel. At hindi ba kayo nahihiya kay Aileen. Unang beses pa lang natin siyang nakainuman nagpakilala na agad kayo,” saway ng isa pa nilang kainuman na si Roman.
Umalis na ang tatay ni Aileen mula sa kanyang pinagtatrabahuhan sa loob ng apatnapung taon sapagkat nakatapos na sa pag-aaral ang kanyang nag-iisang anak. Dahil dito, nakabili sila ng isang malaking bahay at lupa sa Kalookan.
Nagtayo ng isang maliit na grocery si Aling Aurora sa kanilang lugar kaya marami na agad itong nakilalang kapitbahay. Isa na dito si Janica na madalas bumili ng alak at sigarilyo sa kanilang tindahan. Isang bahay lang kasi pagitan ng kanilang bahay.
“Aling Aurora, anak n’yo po ba ‘yong babaeng nakasakay sa kotseng pula kanina?” tanong ni Janica habang binabalot ng ginang ang binili nitong instant noodles at softdrinks.
“Oo, siya si Aileen. Ang aming unica hija. Nagtatrabaho siya sa Ortigas. Kakatapos lang niya sa pag-aaral. Napakasipag nga at nagtrabaho kaagad. Sinabihan nga namin ng Daddy niya na magpahinga muna ngunit ayaw. Baka daw tamarin na siyang magtrabaho,” pagmamalaki ni Aling Aurora.
“Magkasing edad pala kami ng anak n’yo. Puwede ko ba siyang maging kaibigan? Papayag ba siya? Office girl kasi siya samantalang ako, taong bahay lang. Nakaasa lang sa mga ipinapadala ng mga magulang ko,” nahihiyang wika ng dalaga.
“Oo naman. Gusto niya nga magkaroon ng kaibigan. Naiinip kasi siya kapag wala siyang pasok,” natutuwang sagot ni Aling Aurora.
Naging matalik na magkaibigan sina Aileen at Janica. Aliw na aliw si Aileen sapagkat ipinakilala sa kanya ng kaibigan ang mga kabarkada nitong binabae. Nakaugalian na nilang mag-inuman tuwing Sabado ng gabi. Ang mga magulang nito ay nagtatrabaho sa ibang bansa kaya madalas ay sa bahay ni Janica sila nag-iinuman.
Naging panatag ang loob ng mga magulang ni Janica nung sila ay nagbakasyon sa Pilipinas sapagkat mayroon nang kaibigan ang kanilang anak na matino. Halos lahat kasi ng kaibigan nito ay pulos mga walang trabaho at palaging inaaya kung saan-saan ang kanilang anak.
“Salamat at hindi na kami kakabahang mag-asawa para sa aming anak. Kayo na po ang bahalang magbantay kay Janica,” bilin ng mga magulang ni Janica kay Aling Aurora. Dumaan ito sa grocery nila bago umalis patungo sa ibang bansa.
Mabait na bata si Janica. Matulungin sa mga nangangailangan at masayahin. Ang tanging problema lamang dito ay palainom at mahilig sa mga lalaki. Wala siyang pakialam kung may nobya o asawa man ang lalaking nakursunudahan.
“Girl, jowa mo ba ‘yung lalaking kasama mo sa Facebook? Ang guwapo. Kailan mo papakilala sa amin?”, panunuksong sabi ni Roman kay Aileen isang Sabado ng gabi habang sila ay nag-iinuman.
“Sige, ipapakilala ko siya sa inyo sa isang Linggo. Mag-inuman tayo. Pero behave lang kayo ha? Baka kung ano-ano sabihin n’yo dun. Iwan ako bigla,” nakatawang biro ni Aileen sa mga kaibigan.
Dumating ang sumunod na linggo at ipinakilala ni Aileen si Gerald sa mga kaibigan. Nakasundo naman nila agad ang nobyo ng kaibigan.
“Ang lagkit ng tingin ni Janica sa nobyo mo. Mag-iingat ka. Bakit kasi dinala mo pa dito si Gerald. Parang hindi mo kilala ang kaibigan mo”, text ni Jepay kay Aileen kinabukasan.
Sinagot naman ito ni Aileen, “Baliw! Kaya ko nga ipinakilala kasi kilala ko ang kaibigan ko. Hindi ako papatusin nun.”
Makalipas ang isang taon ay mas naging malalim ang pagsasamahan nila Aileen at Gerald. Mabait at magalang na binata si Gerald kaya nagustuhan naman ito ng magulang ng dalaga. Madalas na itong nagpupunta sa bahay nila at paminsan-minsan ay natutulog ito sa kanilang bahay gamit ang kanilang guest room.
Dumalo ng reunion ang mga magulang ni Aileen sa Laguna. Malaki ang tiwala ng mag-asawa sa nobyo ng anak kaya pinakiusapan nila si Gerald na doon na lamang matulog para may kasama si Aileen.
Alas kuwatro pa lamang ng hapon ay nagsimula nang mag-inuman ang mga magkakaibigan sa bahay nila Aileen. Ginamit pa nila ang bagong bili na videoke ni Aling Aurora noong isang linggo. Alas diyes pa lamang ng gabi ay natapos na sila sa kanilang inuman. Nagsiuwi na ang mga kaibigan nila Aileen.
“Wala ang mga mommy at daddy mo. Puwede ba akong matulog sa kuwarto mo?” pabulong na sabi ni Gerald sabay yakap sa kasintahan.
“Alam mo namang hindi puwede, mahal. Bawal, ‘di ba?”, malambing na sagot ni Aileen.
Lagpas isang taon na silang magkasintahan ngunit wala pang nangyayari sa kanilang dalawa. Nais kasi ni Aileen na isuko ang kanyang pagkababae sa lalaki sa unang gabi ng kanilang kasal.
Pagkatapos maglinis ng kanilang pinag-inuman ay pumasok na sila ng bukod sa kanilang silid at natulog.
Nagising ng madaling araw si Aileen at bumaba ng sala upang kumuha ng tubig. Pabalik na siya sa kanyang silid nang maisipang silipin ang nobyo sa silid na tinutulugan nito. Laking gulat niya nang makita ang kanyang nobyo at kaibigan na parehong hubo’t hubad na magkapatong pagkabukas niya ng pintuan. Hindi malaman ng dalaga ang gagawin at bigla niyang nabitawan ang hawak na baso.
Dali-daling naghiwalay ang dalawa at nagbihis. Walang ibang sinabi si Janica sa kaibigan kundi patawad, ang nobyo raw nito ang nangunang lumapit sa kanya. Si Gerald naman ay lumuhod sa harap ng nobya at humingi ng tawad dahil dala lang daw ito ng kalasingan.
Pinalayas ng pobreng dalaga ang dalawa. Nakipaghiwalay siya kay Gerald at hindi na niya pinansin pang muli si Janica.
Hindi matanggap ni Aileen na pinagtaksilan siya ng kanyang kaibigan. Naalala niya tuloy ang sinabi sa kanya ni Jepay dati na bakit niya pinakilala ang nobyo kay Janica. Kung maibabalik lang daw niya ang nakaraan ay hindi na niya ito pinakilala sa kaibigan.
Ilang beses na nakiusap kay Aileen ang kaibigan upang makipagkita at palagi namang tumatanggi ang dalaga. Hanggang isang araw ay pumayag na rin siya. Hindi na niya tinanong ang kaibigan kung ano nangyari at bakit niya iyon nagawa sa kanya.
Ito lamang ang kanyang nasabi, “Magbago ka na Janica. Pasalamat na lang ako at hindi pa kami mag-asawa ni Gerald. Wala kang sinirang pamilya sa akin. Isipin mo na lang ‘yung ibang lalaking pinatulan mo. Maawa ka sa pamilya nila. Maawa ka rin sa sarili mo at mga magulang mo na nagpapakahirap magtrabaho sa ibang bansa. Huwag mo na akong kausapin. At sana, umiwas ka na lang kapag magkakasalubong tayo. Siguro, mapapatawad lang kita kapag nakita kong maayos na ang buhay mo,” pigil na pigil ang galit ni Aileen habang kausap ang dating kaibigan.
Sising-sisi si Janica sa nagawa sa kaibigan. Si Aileen lang kasi ang kaibigan niyang naging totoo sa kanya ngunit nagawa niya pa itong lokohin. Naisip niya kung gaano kabuti ang puso ng nilokong kaibigan. Inahas na niya ito ngunit hiniling pa nito na maging maayos ang buhay niya.
Dahil dito nagpursigi si Janica na magbago. Iniwasan na niya ang alak at lalaki. Bumalik siya sa pag-aaral at sa awa ng Diyos ay nakatapos ito.
Nakapagtrabaho ito sa isang malaking kumpanya sa Makati at doon niya nakilala ang kaniyang nobyo.
Makalipas ang tatlong taon ay napagkasunduan na ni Janica at kanyang nobyo na ikasal. Naglakas loob siyang pumunta sa bahay ni Aileen para imbitahan ito sa kanyang kasal at sabihin na siya ang gusto niyang maging Maid of Honor.
Maluwag na tinanggap ni Aileen ang imbitasyon ng kanyang kaibigan at ito na ang naging simula ng bagong yugto ng kanilang pagkakaibigan.