Laking Pagkadismaya ni Misis Dahil Umiral Daw ang Kakuriputan ni Mister kahit Anibersaryo Nila; Grabe ang Pagsisisi Niya Matapos nang Malaman ang Tunay Nitong Sorpresa

Laking Pagkadismaya ni Misis Dahil Umiral Daw ang Kakuriputan ni Mister kahit Anibersaryo Nila; Grabe ang Pagsisisi Niya Matapos nang Malaman ang Tunay Nitong Sorpresa

HeartbreakingLoveStories

“Mukhang may lakad ka, Mother ah. Ano’t bigla kang napasugod dito sa salon ko, eh hindi mo naman schedule?” tanong ng parloristang si Panying kay Arrianne, 30 taong gulang, isang career woman.

“Anniversary kasi namin ng mister ko. Sabi niya may surprise daw siya sa akin ngayon. Baka lalabas kami for dinner or what,” masayang sabi ni Arrianne. Matapos ang trabaho, nagsadya siya sa paboritong salon upang magpaayos ng buhok.

Magdiriwang sila ng ika-limang taong wedding anniversary ng mister na Fred. Nanibago siya sa asawa nang sabihin nitong umuwi siya nang maaga dahil may sorpresa ito sa kaniya. Alam niya ang ugali ni Fred. Kuripot ito. Mas makunat pa ito sa suwelas ng sapatos. Hindi kagaya niyang maluho at magastos. Kaya nang i-text siya nito at pinauuwi siya nang maaga, nakaramdam siya ng pagkasabik.

“Ay sige, bobonggahan natin ang look mo, para fresh na fresh, yung parang virg*in ka ulit. Tiyak na may mamumulaklak at madidiligan na namang rosas mamayang gabi,” biro ni Panying na siyang paboritong hairdresser ng salon na iyon.

Matapos ang ilang oras ay nagawa na rin ang pagpapaayos ng buhok ni Arrianne. Nilagyan pa siya nito ng make-up. Bago umuwi, bumili muna ng anniversary cake si Arrianne.

Nagkakilala sina Arrianne at Fred sa hindi inaasahang pagkakataon. Niligawan siya nito. Noong una, ayaw niya kay Fred. Hindi kasi ito ang tipikal na lalaking gusto niya. Hindi ito mayaman, at saksakan ng sinop sa pera. Subalit nahulog ang kaniyang loob dito dahil likas na makarinyo ito at sweet.

Napatunayan ni Arrianne na talagang masinop sa pera si Fred. Malaki ang sinusuweldo nito sa pinagtatrabahuhang kompanya subalit iniipon lamang nito. Hanggang ngayon, ni hindi nito mapalakihan ang kanilang bahay. madalas ay nagtatalo sila dahil maraming mga bags at sapatos na gustong bilhin si Arrianne para sa kaniyang sarili, subalit hindi siya pinapayagan ni Fred na bilhin ito. Sa limang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, hindi pa sila binibiyayaan ng anak.

At nang magtext nga ang mister na umuwi siya nang maaga upang maipagdiwang nila ang ikalimang anibersaryo, biglang nasabik si Arrianne. Pakiramdam niya, lalabas sila ni Fred at dadalhin siya nito sa mamahaling restaurant, o baka naman bibigyan ng alahas, at marami pang iba.

Kaya pagdating niya sa bahay, agad siyang pumulupot kay Fred at ginawaran ito ng halik sa labi.

“Happy 5th anniversary, hon!” pagbati ni Arrianne.

“Ang ganda naman ng honey ko… happy 5th anniversary!” ganting bati ni Fred.

Napansin ni Arrianne na nakapambahay lamang si Fred.

“Bakit nakapambahay ka pa lang, honey? Hindi ba aalis tayo?” tanong ni Arrianne.

Ngumiti lamang si Fred. Nagtungo ito sa kusina. May kinuha. Pagkalabas, may bitbit itong lutuan ng patok na samgyeopsal.

“Bakit kailangan pa nating lumabas, hon? Puwede naman tayong mag-celebrate dito sa bahay? Bumili na lang ako nito para tipid. Hindi ba’t gusto mo ang samgyeopsal?” sabi ni Fred.

Meal - Samgyeopsal Gui (Meal)

Labis na nadismaya si Arrianne. Hindi siya makapaniwala sa labis na kakuriputan ng mister.

“Ano ka ba naman, Fred. Hindi mo ba nakita? Nag-effort ako para sa anniversary natin. Akala ko naman lalabas tayo, kaya gumastos pa ako at nagpaayos. Tapos dito lang pala tayo sa bahay? Hindi mo man lang ako ipapasyal o ilalabas man lang?” asik ni Arrianne sa asawa.

Nagulat naman si Fred sa reaksyon ng kaniyang misis.

“Ayaw mo ba ang effort na ito? Paglulutuan naman kita eh… ito ang sorpresa ko sa iyo…”

“Ayoko. Bahala ka diyan. Magluto ka mag-isa mo!” sabi ni Arrianne at lumabas siya ng bahay. Ayaw niyang masayang ang kaniyang ayos. Kaya naman, nagtungo siya sa bar na dati na niyang pinupuntahan kasama ang mga kaibigan niyang babae noong dalaga pa siya.

Masamang-masama ang loob niya sa mister. At habang nasa bar siya, nanariwa sa kaniya ang buhay-dalaga. Naramdaman niya sa sariling namimiss niya ang buhay na hawak pa niya ang lahat.

Hindi pinansin ni Arrianne ang mga tawag ni Fred. In-off niya ang kaniyang smartphone. Ilang oras lamang, lasing na siya. Nagtungo siya sa dance floor at nagsayang na parang walang bukas. Parang walang asawa. Hanggang sa maramdaman niyang may isang lalaking napakaguwapo at mukhang mayaman ang humawak sa kaniyang likod.

“Are you alone, lovely lady?” masuyong tanong nito. Hindi niya kilala ang lalaki subalit nahumaling siya rito, hanggang sa hindi na niya namalayang nagsasayaw na sila.

Hindi rin malaman ni Arrianne kung paano siya nito nadala sa isang motel. Paggising niya, wala na siyang mga saplot. Gulat na gulat siya. Hindi niya matandaan ang mga nangyari. Natutulog pa ang lalaking nakilala niya sa bar. Agad siyang nagbihis at umuwi sa kanilang bahay. Naabutan niya si Fred na nasa sala. Hinihintay nito ang kaniyang pagdating.

Hindi niya kinausap si Fred hindi dahil sa galit siya rito, kundi hindi siya makatingin nang diretso dahil sa kasalanang nagawa niya rito. Sa isang iglap lamang, nagawa niyang pagtaksilan ito.

Lalong tumindi ang guilty feeling na naramdaman ni Arrianne nang matuklasan niyang nagdadalantao siya. Dalawang buwan makalipas ang kaniyang pakikipagtalik sa estrangherong lalaki, na ni hindi niya matandaan ang mukha, o hindi man lamang nalaman ang pangalan. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin kay Fred. Pero naisip niya, mag-asawa naman sila ni Fred, kaya magiging madali lamang ang pagtatakip na gagawin niya. Iisipin ng lahat na anak nila ang kaniyang pinagbubuntis.

Subalit nagulat si Arrianne sa naging reaksyon ni Fred nang ipagtapat niya rito ang kaniyang pagbubuntis. Ang akala niya, magiging masaya si Fred sa sorpresang ibinalita niya. Nakatahimik lamang ito.

“H-hindi ka ba masaya na magkakaanak na tayo?” tanong ni Arrianne kay Fred. Kitang-kita niya ang pagkalungkot sa mga mata ng mister.

Saglit itong umalis. Nagtungo sa kanilang kuwarto. May dala itong dalawang envelope. Iniabot nito sa kaniya ang isa sa mga envelope. Binuksan niya ito. Tumambad sa kaniya ang titulo ng isang bahay at lupa.

“Iyan sana ang sorpresa ko sa iyo two months ago. May sarili na tayong bahay at lupa, Arrianne. Sorpresa ko sa iyo iyan para sa ating anniversary. Alam ko, matagal mo nang inaasam-asam na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Iyan ang dahilan kung bakit nagtipid ako nang sobra. Alam ko, magiging masaya ka sa sorpresa ko,” emosyunal na paliwanag ni Fred.

Parang sinampal nang mag-asawang sampal si Arrianne. Kung ‘di pala siya nagtampo at umalis noon, malalaman niya ang tunay na sorpresa ni Fred sa kaniya.

“Pero imbes na ikaw ang masorpresa, ako ngayon ang sinorpresa mo. Matagal ko nang alam na baog ako, Arrianne. Hindi ako magkakaanak. Nagpakonsulta ako sa espesyalista. Nahihiya akong sabihin sa iyo kaya inilihim ko. Iyan ang kasalanan ko sa iyo. Pero, ipaliwanag mo sa akin… bakit ka nagdadalantao ngayon? Sino ang ama?”

Hindi na napigilan ni Arrianne ang matinding kurot ng kaniyang konsensya. Sa kaniyang paghagulgol, ipinagtapat niya ang lahat kay Fred. Napakalaking kasalanan ang kaniyang ginawa at hindi niya alam kung mapapatawad pa siya ng mister. Sinabi niya rito na one night stand lamang ang nangyari, at wala na siyang kaugnayan sa ama ng kaniyang dinadala.

Akala ni Arrianne, hihiwalayan na siya ni Fred. Subalit masuyo siyang pinatawad ng asawa. Tinanggap nito ang kaniyang anak sa sinapupunan. Hindi makapaniwala si Arrianne sa kabutihan ng kaniyang mister. At doon niya napagtantong napakapalad niya sa kaniyang pinakasalan; sa napagdesisyunan niyang makasama habambuhay.

At tinanggap nga ni Fred ang anak na pinagbubuntis ni Arrianne at itinuring na sariling dugo at laman. Pangako sa sarili ni Arrianne, aalagaan at mamahalin niya ang mister habang siya ay nabubuhay.

More Stories