
Nakita ng Babae na Inaapi ng Kaniyang Among Babae ang Ina ng Kinakasama Nito; Maglalakas-loob Kaya Siyang Magsabi ng Totoo?
“Napakapahirap mo talagang matanda ka! Dahil sa ’yo, hindi kami matutuloy ng asawa ko sa pangingibang bansa namin! Ayaw niya kasing pumayag na hindi ka kasama, e, sinabi na nga sa airport na hindi p’wedeng bumiyahe ngayon ang mga katulad mong malubha ang kalagayan dahil sa stroke!” galit na galit na anas ni Madam Allena sa ina ng kaniyang kinakasama at mariin nitong ibinabaon sa mukha ng matanda ang kaniyang kuko habang pinakakain niya ito, at iyon ang inabutang senaryo ng katulong na si Judith.
Halos mapasinghap naman sa gulat ang katulong kaya naman nagtago siya sa isang sulok upang hindi mapansin ng kaniyang mga amo na naroon lang siya’t nakikita niya ang buong pangyayari. Bukod doon ay naisipan niya ring kunan ng video ang ginagawa ni Madam Allena sa matanda, bilang proteksyon na rin ni Judith sa kaniyang sarili kung sakaling may mangyaring masama ulit dito gayong kagagaling lamang nito sa isang atake sa puso.
Ang hindi nga lamang niya alam ay kung paano siya magkakaroon ng lakas na loob na ipakita ito sa kaniyang among lalaki gayong si Judith ay kilalang isang mahiyaing babae. Noon pa man ay hindi na siya gaanong nakikipag-usap sa mga tao dahil lumaki siya sa bundok kasama ang kaniyang lolo’t lola na siyang nagpalaki sa kaniya, hanggang sa sinubukan niyang bumaba roon upang makipagsapalaran sa Maynila.
Patuloy pa rin ang ginagawang pananakit ng kaniyang among babae sa matanda na wala namang magawa kundi ang umungot lang at lumuha nang tahimik dahil ni hindi nito magawang ikilos ang kaniyang sariling mga kamay. Dahil doon ay hindi na napigil pa ni Judith ang sarili na magpakita sa mga ito upang matigil na ang ginagawa ng kaniyang amo.
Tumikhim siya upang kunin ang atensyon ng mga ito. Kunwari ay kadarating lamang niya at hindi niya nakita ang buong pangyayari kaya naman mabilis na pumulas ang kaniyang amo at inayos din nito ang lagay ng biyenan nitong hilaw.
“Mama, kumain na po kayo nang kumain d’yan, ha? Magpagaling po kayo,” biglang anito sa matanda na kunwari ay biglang bumait at umamong parang tupa bago siya hinarap nito. “Ikaw na ang bahala sa mama, ha? Alagaan mo siyang mabuti.”
Gustong masuka ni Judith sa mga narinig mula kay Madam Allena. Talagang ipinagtataka niya kung paano nito naaatim na magbalat-kayo, na animo hunyango, sa harap mismo ng taong ginawan nito ng kalupitan! Napapailing na lamang si Judith sa galing nito sa pagpapanggap.
Matapos iyon ay inayos niya ang hitsura ng matandang hanggang ngayon ay wala pa ring tigil sa impit na pag-iyak. Animo gusto nitong magsumbong sa kaniya ngunit hindi nito magawa kaya naman minabuti ni Judith na sabihin dito ang totoo.
“Huwag po kayong mag-alala dahil nakita ko po ang buong pangyayari. Hindi ko alam kung tama po ba ang desisyon ko pero napagpasiyahan kong sabihin sa anak n’yo ang ginagawa sa inyo ni Madam Allena. Hindi ko po kasi kayang basta na lang itong palampasin lalo na at nakikita ko sa inyo ang lola kong sumakabilang buhay na,” nayuyukong sabi ni Judith na lalong nakapaghatid ng luha sa mga mata ng matanda. Nguint sa pagkakataong ito ay nakita niyang umangat ang isang sulok ng labi nito na animo pinipilit nitong ngitian siya.
Sunod-sunod ang reply na ginawa ng kaniyang among lalaki sa chat matapos niyang i-send dito ang video ng nangyari kanina. Galit na galit ito kaya naman napauwi ito nang maaga.
“O, honey, ang aga mo yatang umuw—”
Bago pa man matapos ni Allena ang kaniyang sasabihin ay isang malakas na sampal na ang dumapo sa kaniyang mukha. Halos mapaupo siya sa lakas n’on kaya naman tiningnan niya nang masama ang kinakasama.
“Mabuti na lang at hindi pa huli ang lahat. Mabuti na lang at hindi pa kita pinakakasalan, dahil isa ka palang traydor! Paano mo naaatim na saktan ang mama ko gayong alam mong nanghihina siya?! Wala kang puso!”
Hindi alam ni Allena ang gagawin lalo na nang ipakita sa kaniya ng kinakasama ang video niya habang sinasaktan niya ang ina nito kanina. Lalo pa siyang nataranta nang biglang pumasok ang mga pulis sa kanilang tahanan at dinakip siya!
Laking pasasalamat naman ng kaniyang among lalaki kay Judith, na bagama’t napakamahiyain at hindi palasalita ay hindi naman nito pinabayaan ang kaniyang ina. Dahil doon ay binigyan niya ito ng isang malaking gantimpala na maaari nitong gamitin sa pag-uumpisa nito ng negosyo. Matapos iyon ay naging mas maayos na muli ang kalagayan ng pamilya ng kaniyang amo, at lahat ng iyon ay dahil sa tulong at malasakit ni Judith.