Inday TrendingInday Trending
Sinwerte ang Working Student na Tomboy Matapos Siyang Huthutan ng Nobya at Ipagpalit sa Lalaking Tinuring Niyang Kapatid

Sinwerte ang Working Student na Tomboy Matapos Siyang Huthutan ng Nobya at Ipagpalit sa Lalaking Tinuring Niyang Kapatid

Pagod na nagligpit ng gamit si Gillian, saglit niyang sinulyapan ang orasan sa dingding ng pinapasukan niyang tindahan ng pizza at nakaramdam siya ng kaba nang makitang malapit nang mag alas siyete ng gabi. Alas otso ang klase niya at uuwi pa siya sa inuupahan niyang boarding house para kumuha ng gamit, hindi siya pwedeng ma-late. Mayroon siyang dalawang trabahong pinagsasabay, isa siyang crew sa fast food chain at tindera sa bilihan ng pizza, sa gabi naman ay estudyante siya. Buti na nga lang ay nakapasa siya bilang scholar, akala niya ay na-kurta na ang utak niya dahil sa kakatrabaho, 26 years old na rin kasi siya.

Ang pamilya niya ay nasa probinsya, parehong magsasaka ang magulang niya kaya naman sa kanya talaga nakaatang ang responsibilidad na suportahan ang sarili, may mga kapatid rin siyang umaasa sa kanya. Sa kabila ng hirap ng buhay ay nagagawa niya pa ring ngumiti dahil kay Shaina, ang kanyang girlfriend. Oo, tomboy siya.

“O? Ang tagal mo, buti wala pa si Mr. Henson,” sabi ni Shaina dahil hinihingal pa siya nang umupo sa tabi nito sa eskwelahan, buti na lang ay nakaabot siya.

“Pinag-OT ako ni boss eh, may sakit kasi yung ka-relyebo kong magtinda sa pizza,” sabi niya. Ah, makita niya pa lang ngumiti ang babae ay gumagaan na ang loob niya.

“Nga pala babe, bukas na pala yung Starbucks sa tapat hanggang 2am ng madaling araw. Sakto kasi ang tapos ng klase natin 11pm diba, bili naman tayo.” ungot nito, na ang tinutukoy ay ang mamahaling bilihan ng kape.

“H-Ha? Magkano ba ang kape doon mahal?” sabi niya at kinuha ang kanyang pitaka, mayroong 200 pesos doon. Pagkakasyahin niya na sanang pamasahe sa tatlong araw.

“May 150..may 175, masarap yun tapos picturan mo ako ha para mai-post ko,” sabi nito sa kanya. Medyo nag-a-alangan man ay pumayag na rin si Gillian, basta para sa ikaliligaya ni Shaina. Pagkatapos ng kanilang klase ay pumunta nga sila sa coffee shop at bumili ng isang kape para sa babae. Medyo inirapan pa siya nito at tinarayan sa harap ng cashier dahil hindi niya alam ang isasagot dito nang tanungin kung ano’ng klaseng kape ang kanyang bibilhin.

“Diba sabi ko, white chocolate mocha, iced, double shot ng espresso, bakit di mo matandaan?” sabi nito sa kanya, medyo naiilang naman ang cashier dahil sa harap pa nito sila nagdiskusyon.

“Pasensya na, first time ko kasi sa ganito mahal.” bulong naman niya. Kahit na antok na antok na siya dahil sa pagod sa maghapong pagtatrabaho ay pinilit niyang gumising dahil magagalit ang nobya niya kung papikit-pikit siya sa harap nito, ginawa rin siyang taga-picture ng babae habang hawak hawak nito ang mamahaling kape.

“Bukas pala, dadaanan nalang kita sa work mo ha. Hindi pa kasi nakakapagpadala sina mama ng money, wala akong pang-lunch at pamasahe,” sabi nito sa kanya.

“Sige, i-text mo nalang ako kapag malapit ka na ha,” nakangiting sabi niya. Parang mababawasan talaga ang kanyang budget ngayong Linggo.

Kinabukasan ay maagang pumasok si Gillian sa pinapasukan niyang fast food chain. Hindi niya maiwasang mapapikit habang nagma-mop ng sahig.

“Best, parang ginabi ka ng uwi ah?” bati ni Ron, ang lalaki na ang itinuturing niyang bestfriend. Bago pa siya nakasagot sa lalaki ay dumating na si Shaina, wala nang sabi sabi pa, inilahad na nito ang kamay sa harapan niya para humingi ng pera.

“Siya pala yung girlfriend mo best,” bati ni Ron.

“Ay sorry. Oo, Shaina bestfriend ko, si Ron.” pinakilala niya sa isa’t isa at nagkamay ang mga ito. Lingid sa kaalaman ni Gillian, iyon na ang magiging simula ng panloloko sa kanya ng dalawa.

Simula kasi noon, lihim nang nagkikita ang mga ito. May nangyayari rin sa kanila, pera na lang talaga ang gusto ni Shaina sa kanya. Kahit na konti lang naman ang nahihingi nito dahil salat siya, pera pa rin iyon. Si Ron naman ay tila nakakakuha ng kaligayahan sa isipin na nagawa nitong mang agaw ng nobya ng isang tao, ang sarap sarap noon sa pride nito bilang lalaki.

Isang araw ay problemado si Gillian dahil na-assign siya sa fast food sa loob ng isang mall. Biglaan iyon, hindi niya napaghandaan ng pamasahe dahil di hamak na mas malayo iyon sa kanyang tinitirhan kaysa sa dating branch kung saan siya nakatalaga.

Babe lapit na ko sa mall, baka ma-late ako sa klase d2 ako na-assign e. Work nako, love u, text niya sa nobyang si Shaina. Hindi naman nagreply ito pero umasa na lamang siya na na-receive nito ang text.

Dagsa ang mga tao sa mall dahil showing rin ng isang isang na palabas, kaya naman pagud na pagod si Gillian. Cashier pa man din siya. Ang ganda ganda pa ng ngiti niya upang i-welcome ang susunod na magbibigay sa kanya ng order pero agad na napawi iyon nang mamukhaan niya ang dalawa.

“Good day Ma’am may I take your or-” di niya na natapos pa ang sasabihin. Napatitig siya sa mga ito, magkaakbay pa..ang sweet sweet. Mahal na mahal talaga ang isa’t isa..

Si Shaina at Si Ron.

“Isang chicken with spaghetti, tapos s1, lagyan mo ng large fries. Tapos sa akin naman burger, parehong pineapple ang drinks.” sabi ni Shaina na parang hindi man lang nanginig na nahuli niya ang mga ito. Si Ron naman ay may nakakalokong ngisi sa mga labi.

Tumutulo ang luha ni Gillian habang ibinibigay ang order ng mga ito, gustung gusto niyang tumakbo palayo pero lalo lamang siyang magmumukhang kawawa.

“O-order’s complete po..” mahinang sabi niya. Pero bago tumalikod ang mga ito ay di niya natiis na itanong, “Shaina..Ron..bakit?” halos nanghihina na siya.

“Tomboy ka kasi,” sabi ni Ron. Humagikgik nang nakakaloko si Shaina at sumagot rin, “Walang asenso sa’yo. Habangbuhay ka nang mahirap.” sabi nito, niyaya na nito ang lalaki na tumalikod.

Bagamat wasak ang puso ni Gillian ay pinili niya pa ring pumasok sa kanyang klase nang gabing iyon, laking pasasalamat niya na lamang na hindi niya nakita si Shaina. Hindi alam ni Gillian kung gaano katagal siyang umiiyak, basta alam niya nagising nalang siya isang araw na wala na ang lahat ng sakit. Tila ba narinig ng Diyos ang panaghoy ng kanyang puso at hinilom na ang sugatan niyang damdamin.

Lalo pang nagsipag si Gillian, nang makaipon siya ng sapat ay nagtayo siya ng maliit na tindahan ng siomai sa tapat ng eskwelahan at nag resign siya sa dalawang trabaho upang tutukan ang negosyo. May mga pagkakataong abonado pa siya at nagdududa sa desisyon niya pero di siya sumuko, pawis at luha ang naging puhunan niya.

Ngayon ay may 16 branches na ng tindahan ng siomai si Gillian sa iba’t ibang lugar. Sinubukang makipagbalikan ni Shaina sa kanya dahil binuntis lang ito ni Ron at iniwan na, ngiti na lamang ang isinukli ni Gillian sa babae- wala na siyang nararamdaman para rito. Inabutan niya na lamang ito ng kaunting tulong pinansyal para muli itong magsimula sa buhay.

Advertisement