Kahit Walang Ipon ay Umalis ang Babae Mula sa Kanyang Pinagtatrabahuhan; Ano Kaya ang Dahilan?
Mag-iisang taon nang nagtatrabaho si Jane sa kompanyang napili niyang pasukan matapos niyang grumadweyt. Kahit pa maraming kompanya ang nagsubok na siya ay kuhanin, dito niya napili na pumasok dahil sa mataas nitong pasahod.
Kahit pa marami siyang naririnig na hindi maganda ukol sa kompanyang iyon, hindi niya ito pinansin dahil para sa kanya ay iyon na ang may pinakamagandang alok at kompensasyon na ibinibigay.
Sa unang ilang buwan, hindi alintana ni Jane ang pagod na kapalit ng malaki niyang sahod. Bukod pa roon, ang kanyang boss at ang kanyang mga ka-opisina ay nakikitaan niya na ng mga kakaibang ugali.
“Jane! Maaga akong uuwi ngayon. Ikaw na ang bahala sa lahat,” bilin ni Sir Rick, ang boss nila.
Imbis na mainis sa dagdag na trabaho, natuwa pa ang dalaga dahil naisip niyang siya lang ang nakakayanan ang mga gawaing iniiwan ng kanyang boss. Maaaring siya na ang susunod na ma-promote sa kanilang trabaho.
Lumipas pa ang mga araw, at maging ang ilan niyang mga katrabaho ay nag-iiwan na ng mga gawain sa kanya.
“Siguro napakalaki lang ng tiwala nila sa’kin. ‘Di naman nila ito ipagagawa sa’kin kung alam nilang hindi ko kaya e,” bulong ni Jane sa sarili habang mag-isa na lamang siyang nagtatrabaho alas diyes ng gabi sa kanilang opisina.
Ala una na ng madaling araw nang mapagdesisyunan ni Jane na umuwi. Kailangan pa rin naman niyang matulog dahil alas singko ay gigising na siyang muli upang pumasok.
Kinabukasan, takang-taka siya sa mga bulungan ng ilan sa kanyang mga kasamahan. Hindi na lamang niya ito pinansin, ngunit nang siya ay gumamit ng banyo, hindi inaasahang marinig niya ang usapan ng mga ito.
“Huy! Napaka-uto-uto ni Jane ‘no? Saksakan pa ng sipsip kay boss. Akala mo naman kung sinong magaling,” wika ng isang babae.
“Kaya nga! ‘Di niya alam e ginagamit lang naman siya ni sir. Siyempre kung may promotion, uunahin niya tayong mas matagal nang namamalagi dito. Ayos na rin ‘yon at gumagaan ang trabaho natin,” nakangising sabi ng isa.
Kahit lubos na nasaktan si Jane, hindi na lamang niya pinansin ang mga kasamahan at hinintay na makalabas bago siya lumabas ng cubicle.
“Tss. Inggitera lang sila. Palibhasa hindi sila pinagkakatiwalaan ni sir e,” pagpapalakas ni Jane ng kanyang loob.
Ilang buwan pa ang lumipas at patuloy na dumarami ang trabaho ni Jane. Pansin na rin ng kanyang ama’t ina na halos hindi na ito nakakauwi sa kanilang bahay dahil sa pagkasubsob sa trabaho.
“Anak, ayos ka lang ba? Puyat na puyat ka. Aanhin mo ang pera, kung wala ka nang pahinga?” nag-aalalang tanong ni Nanay Terry sa kanya.
“Oo nga, anak. Nag-aalala lang naman kami ng nanay mo,” sabat ng amang si Rolando.
“Huwag po kayong mag-alala. Bukas po kasi ay ia-announce na kung sino ang bagong assistant manager sa amin. Malakas po ang loob ko na ako po iyon dahil malaki ang tiwala sa akin ng boss ko,” nakangiting sagot ni Jane.
Hindi na nakasagot ang mag-asawa. Ang gusto lang naman din nila ay suportahan ang kagustuhan ng nag-iisang anak.
Kinabukasan, maagang pumasok si Jane dala ng labis na pagkasabik sa gagawin announcement ng bagong nilang assistant manager. Nagbihis pa ng magara si Jane upang maging presentable siya sa harap ng mga kaopisina.
“Magandang umaga sa inyong lahat!” bati ni Sir Rick habang nasa gitna ng nagtipon-tipong mga empleyado.
“Ngayon ay iaanunsyo ko na kung sino ang bago nating assistant manager. Dahil sa kanyang dedikasyon, walang humpay na pagpapakita ng galing, at sa labis na kasipagan. Walang iba kung hindi…”
Iniayos na ni Jane ang kanyang sarili. Handa na siyang tawagin ng kanyang boss ang kanyang pangalan.
“Si Charmaine Tan!” anunsyo ni Sir Rick.
Gumuho ang mundo ni Jane. Buong akala niya ay siya na ang tatawagin. Lahat ay nagpalakpakan habang papunta sa harapan ang bagong pasok lamang na empleyadong si Charmaine. Wala pa itong anim na buwan sa kompanya, kaya labis ang pagtataka ni Jane kung bakit ito ang napili.
Bukod pa roon, hindi rin namumukod-tangi ang galing ng babae. Ang tanging kapansin-pansin sa kanya ay ang naglalakihan nitong dibdib at ang mahahaba at makikinis niyang binti.
Ilang oras ang lumipas at hindi pa rin mapalagay si Jane. Naisipan niyang puntahan ang kanyang boss upang magtanong lamang kung ano ang naging batayan ng pagpili. Agad siyang pumunta sa silid ni Sir Rick at nalimutan nang kumatok.
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang halos wala nang saplot na si Charmaine na nakapaibabaw na sa pulang-pulang matanda.
“Anong ginagawa mo rito?! Get out!” sigaw ng gulat na gulat na si Sir Rick.
“Kaya pala siya ang napili?! Nakakadiri!” sagot ng nanlalaban na si Jane.
“Ano? Ang sabi ko, lumabas ka! Hindi ka man lang kumatok. Bastos ka! Labas! At isa pa, hindi ikaw ang napili kasi hindi ka karapat-dapat! You are fired, Ms. Jane!”
“Fired? Excuse me. I quit! Hindi mo na ako kailangang tanggalin dahil ako na mismo ang aalis. Hindi ko na kayang magtagal sa kompanyang ganito. Kadiri kayo!” sigaw ni Jane habang naglalakad palayo. Iniwan niya ring bukas ang pinto dahilan upang makita ng iba ang nangyayari.
Tuluyan na nga siyang umalis sa kompanya. Kahit wala pang kapalit na ibang trabaho, hindi na siya nagdalawang-isip na iwanan ang kompanyang iyon dahil sa sistemang umiiral doon. Sa totoo lang ay dati niya pa naririnig ang mga ganoong chismis, ngunit ngayon lang siya naniwala nang siya na mismo ang makaranas nito.
Mabuti na lamang at dahil sa galing, sipag, at talino ni Jane ay madali siyang nakahanap ng ibang papasukan. Ngayon ay naging mas matalino na siya sa pagpili ng papasukang kompanya. Hindi lamang ang sweldo ang kanyang tiningnan kundi ang pakikisama ng magiging boss niya at mga ka-trabaho.
Para kay Jane, limang beses sa isang linggo ka papasok sa iyong trabaho. Kaya piliin mong pumasok sa isang kompanya na may paggalang, respeto, at higit sa lahat ay pantay na pagtrato. Magmula noon ay hindi na siya bumalik sa dati niyang pinapasukan, at sinwerteng mahanap ang kompanya kung saan nababagay ang kanyang sipag, tiyaga, at galing sa trabaho.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!