Inday TrendingInday Trending
Alamin Kung Paanong ang Sunog na Tocino ang Sikreto sa Matagal na Pagsasama ng Mag-Asawang Ito

Alamin Kung Paanong ang Sunog na Tocino ang Sikreto sa Matagal na Pagsasama ng Mag-Asawang Ito

Masayang naghintay ang mag ama sa hapag kainan, maayos na nakaupo ang batang si Raj habang ang kanyang papa naman ay maya’t maya ang lingon sa kanyang mama na nasa tapat ng kalan. “Mahal, malapit na bang maluto iyan?” tanong nito sa kanyang ina. Pagod ang kanyang ama sa trabaho at ayon dito kanina ay hindi raw nakapag-meryenda kaya gutom na gutom ito. “Eto na,” sagot naman ng mama niya, maya maya ay lumabas ito na dala ang kanilang ulam, sunog na tocino. “P-pasensya kana, nasunog kasi.” sabi nito. Inaasahan ng batang si Raj na magagalit ang papa niya, dahil kahit siya mismo ay napangiwi ang amoy sunog na tocino, hindi tostado kung hindi sunog talaga. “Wow, masarap kaya ang sunog,” sabi ng papa niya habang nakangiti. Nahihiya namang napangiti nalang din ang kanyang ina. “Halika na, kumain na tayo.” hinawakan pa ng papa niya ang kamay ng kanyang ina at iginawi ito upang maupo sa tabi niya. Takang taka naman si Raj, bakit nagsisinungaling ang papa niya? Sunog naman talaga ang tocino, at hindi iyon masarap kundi mapait! Lumipas ang hapunan at oras na para matulog, inihatid si Raj ng papa niya sa kanyang kwarto at bago siya humiga ay hindi nakatiis ang bata na usisain ang ama. “Pa, nagustuhan mo po ba talaga yung sunog na tocino?” sabi niya rito. Natawa ang kanyang ama at inakbayan siya. “Raj, pagod din ang mama mo sa trabaho. Marami naman din akong maling nagagawa katulad ng bubong natin, may butas pa rin diba?Nakakalimutan ko pa minsan ang anniversary namin ng mama mo. Tandaan mo, maiksi lang ang buhay para silipin pa natin ang mali ng isa’t isa, magpasalamat na lang tayo anak at nandyan si Mama para asikasuhin tayong dalawa kahit pagod siya. Tsaka, hindi naman nakakasakit ang sunog na tocino, alam mo kung ano ang nakakasakit? Salita, hindi na makakalimutan yun ng tao kapag nasabi mo na,” mahabang paliwanag ng ama sa bata. Naintindihan ito ni Raj at dinala niya hanggang sa kanyang pagtanda. Ngayon ay maligaya siyang namumuhay kasama ang misis habang baon niya ang payo ng ama. Ang dalawang matanda naman ay masaya pa ring magkapiling, ngayon ay may mga apo na.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement