Inday Trending

Inday Trending

Niloko ang Dalaga ng Nakilala Niya sa Chat at Muntik Pang May Gawing Masama sa Kanya, Isang Misteryosong Lalaki ang Sumagip sa Buhay Niya

Niloko ang Dalaga ng Nakilala Niya sa Chat at Muntik Pang May Gawing Masama sa Kanya, Isang Misteryosong Lalaki ang Sumagip sa Buhay Niya
InspiringMysteryStories

Mahilig makipagkaibigan si May kaya marami siyang friends sa Facebook. Araw-araw ay iba-iba lagi ang ka-chat niya. Minsan ay may nakilala siya…

“Hello, kumusta ka?” sabi ng nag-chat.

“Hi, magkakilala ba tayo?” aniya.

“Hindi pa. Pero willing akong maging kaibigan mo!

Tiningnan ng babae kung nasa listahan ng mga kaibigan niya sa Facebook ang Gerald Mendoza na nakikipagkilala sa kanya ngunit hindi niya ito mahanap. Dahil sa kuryosidad ay hinanap niya iyon at nakita naman niya ang account nito.

“Gerald Mendoza nga ang pangalan niya at ang guwapo,” wika niya sa sarili.

Ini-stalk niya ang lalaki at nalaman niya na estudyante rin pala ito sa isang State University.

Habang nawiwiling tingnan ang mga litrato na nakapost sa account ng lalaki ay bigla ulit itong nag-chat sa kanya.

“Kita naman tayo, puwede ba?” anito.

Sa isip ni May ay hindi pa nga sila magkakilala nito ay gusto na agad nitong makipagkita sa kanya. Pero dahil nakita niyang guwapo ang lalaki ay nagkaroon siya ng interes rito. Agad niyang nireplyan ang chat nito.

“Pag-iisipan ko,” aniya.

Kinaumagahan ay ikinuwento niya sa kaibigang si Monette ang lalaking naka-chat niya.

“Totoo bang guwapo iyong naka-chat mo kagabi?” ‘di makapaniwalang sabi ng kaibigan.

“Oo sabi, e! Gusto mo tingnan mo pa, o!”

Ipinakita niya kay Monette ang facebook account ng lalaki at nanlaki ang mga mata nito.

“Ang guwapo nga, besh! Artistahin at mukhang Korean star!” sigaw ng dalaga.

“Ano naniniwala ka na? Ano sa tingin mo, makikipagkita ba ako?”

“Wala naman masama, pero besh iba na kasi ang panahon ngayon, e. Hindi ka ba natatakot dun sa mga nababalita sa TV na mga napagsasamantalahan dahil sa pakikipag-eye ball?”

“Natatakot, pero iba kasi ito, e! Mukhang mabait naman siya at gaya natin ay estudyante rin kaya hindi naman siguro masamang tao.”

Nang i-check niya ulit ang chat box ay may mensahe na naman sa kanya ang misteryosong lalaki.

“Busy ka ba?” anito.

“Nasa school ako, e. Mamaya na tayo usap!” sabi niya sa lalaki.

“Okay. Maghihintay ako.”

Nang makauwi sa kanilang bahay ay nagmamadali siyang nagbihis para makapag-facebook. Nakita niya na naka-online pa rin ang lalaki. Nag-send siya ng mensahe rito.

“Hi, anong ginagawa mo?” sabi ni May.

Agad namang sumagot ang lalaki.

“Ito, hinihintay ang chat mo.”

May kung anong kilig na naramdaman si May sa sinabi ng kausap.

“Ano, kailan ba tayo magkikita?” tanong nito.

Nag-isip na mabuti si May kung tama nga bang makipagkita na siya sa lalaking iyon. Mayamaya ay sinagot niya ang tanong nito.

“Kailan ka ba puwede?” wika niya rito.

“Anytime! Ikaw kailan ka available?”

“Hmmm… sa Friday night na lang. Ayos ba iyon sa iyo?”

“Okay sige. Excited na akong makita ka.”

Pinamulahan ng pisngi ang dalaga. Iniisip niya na sana ay dumating na ang araw ng Biyernes para makilala na niya si Gerald. I-chinat nito sa kanya ang lugar at oras ng kanilang pagkikita.

Pinaghandaan niya ang pakikipagkita sa lalaki. Nagpagupit pa siya ng buhok para maayos ang pagharap niya rito kapag nagkita na sila.

Mabilis na dumaan ang mga araw at sumapit na ang Biyernes. Habang nasa klase ay maya’t maya niyang tinitingnan ang oras sa kanyang wristwatch, gusto na niyang mag-alas siyete na ng gabi.

Nang mag-uwian na ay dumiretso siya sa sakayan ng jeep at pinuntahan ang pagkikitaan nila ng lalaki. Walang pang isang oras ay narating na niya ang lugar. Nakaramdam ng takot si May dahil ang pinuntahan niya ay isang liblib na lugar kung saan maraming talahib at layo-layo ang mga bahay. Wala rin siyang napansing dumadaan na sasakyan.

“Grabe, nakakatakot naman dito, bakit pa kasi dito niya naisipang magkita kami?” sabi niya sa sarili.

Napatingin siya sa wristwatch ay lampas alas siyete na ng gabi at wala pa ring dumadating na Gerald Mendoza, kaya dinukot niya ang kanyang cell phone sa bag at i-chinat ang lalaki.

“Nasaan ka na?” tanong niya rito.

Ilang minuto pa ang lumipas bago sinagot ng lalaki ang chat niya.

“Narito na ako!” anito.

Nagpalinga-linga sa paligid si May nang may makita siyang paparating na lalaki.

“Teka siya na yata ito,” aniya.

Nilapitan niya ang lalaki ngunit laking gulat niya nang makita ang hitsura nito. Malayong-malayo ang hitsura nito sa guwapong nakilala niya sa chat. Balbas-sarado ang lalaki at mukhang sanggano.

“Sino ka?”

“Hi, miss nainip ka ba?” sagot ng lalaki sabay labas sa dala nitong lanseta at itinutok sa kanyang tagiliran.

“Natakot si May dahil niloko lang pala siya ng kausap niya sa Facebook.

“Huwag kang maingay! Sumama ka sa akin, bilisan mo!” utos nito.

Sa labis na takot ay napilitang sumama ni May sa lalaki. Habang naglalakad sila hindi napigilan ng lalaking himas-himasin ang kanyang braso.

“Ang kinis mo pala sa personal!” tatawa-tawang sabi nito.

Maluha-luha na ang dalaga sa ginagawa sa kanya ng lalaki. Tangkang yayakapin pa siya nito nang may marinig siyang ingay ng motorsiklo na paparating sa kinaroroonan nila.

Nagulat ang dalawa nang makita ang parating na motorsiklo na may sakay na lalaking naka-helmet. Hindi ito humihinto at balak na sagasaan sila.

Napaatras si May at hindi niya namalayan na napatid ang kanan niyang paa sa nakausling bato kaya napasalampak siya sa semento. Maya-maya ay kitang-kita niya ang pagsagasa ng motorsiklo sa armadong lalaki. Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ito at sumalpok ang ulo nito sa semento.

Huminto sumandali ang lalaking naka-helmet at tiningnan ang dalaga bago muling pinaandar ang motorsiklo at tuluyang umalis.

Naiwang nakatulala si May. Hindi makapaniwalang iniligtas ng lalaki naka-motorsiklo ang kanyang buhay.

“S-salamat, kung sino ka man!” bulong niya sa sarili.

‘Di nagtagal ay may dumaan na Tanod at nakita siya sa gilid ng daan.

“Aba, ineng! Anong ginagawa mo dito, may nangyari ba sa iyo?” tanong ng matandang Tanod.

“Buti po at dumating kayo, pinagtangkaan po ako ng masama ng lalaking iyon kanina!” sabay turo sa nakahandusany na lalaki.

“Nilapitan ng Tanod ang armadong lalaki at pinagmasdang mabuti.

“Dyusko, wala nang buhay ang lalaking ito!” gulat na wika ng matanda.

“S-sinagasaan po siya nung lalaking naka-motorsiklo! Niligtas po ng lalaking iyon ang buhay ko!” aniya.

Nanlaki ang mga mata ng Tanod sa sinabi niya.

“N-nagpakita siya sa iyo?”

“Kilala niyo po ba ang lalaking iyon?”

“Hindi, pero sa tuwing sasapit ang dilim ay nagpapakita sa lugar na ito ang lalaking naka-motorsiklo dahil ayon sa mga kuwento-kuwento ay dito siya pinaslang at ang kanyang nobya. Nakasakay raw ang magkasintahan sa motorsiklo nang harangin sila ng grupo ng mga armadong lalaki. Pinagsamantalahan ang kanyang nobya sa harap niya pagkatapos ay sabay na kinitil ang buhay nila ng mga ‘di nakilalang suspek. Ang balita-balita ay patuloy na nagpapakita ang kaluluwa ng lalaki para maghiganti,” bunyag ng Tanod.

Kinilabutan si May sa ikinuwento ng matanda. Napagtanto niya na ang nagligtas sa kanya sa lalaking nagtangka sa kanya kanina ay ang kaluluwa ng lalaking naka-motorsiklo.

Mula noon ay nagsilbing aral na sa kanya ang nangyari. Hindi na siya nakikipag-usap sa mga ‘di kilalang tao sa chat at tatanawin niyang malaking utang na loob ang ginawang pagtulong sa kanya ng misteryosong lalaki. Multo o anupaman ang nakita niya ay malaki ang pasasalamat niya rito, kaya hinding-hindi niya kailanman malilimutan ang gabing iyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories