Isang Pirasong Hita ng Manok ang Bayad ng Kanilang Tiyahin sa Maghapon Nilang Trabaho; Tama Ba Iyon?

Tagaktak na ang pawis ng magkapatid na Jerome at Jojo nang matapos sila sa pagpaplatada ng ipinagagawang tindahan ng kanilang Aunty Hilda. Dalawa lamang kasi silang inutusan nito kaya naman medyo nahirapan sila dahil pinilit nitong tapusin nila ang trabaho sa buong maghapon lamang iyon.

Magkaganoon man ay tinapos na lamang din ng magkapatid ang trabaho dahil kailangan nila ng pambiling gamot para sa nanay nilang may sakit. Kahit papaano’y may maipambibili na sila ng gamot sa ibibigay sa kanila ng tiyahin mamaya.

Samantala, bilang kuwelang binata’y agad na nag-live si Jojo sa Facebook matapos ang kanilang trabaho. Iyon na lamang kahit papaano ang pantanggal niya ng nadaramang pagod dahil natutuwa siya sa mga comments ng mga netizens sa kaniyang kuwelang mga videos.

“Aba! Jerome, Jojo, oh heto na ang upa ko sa inyo. Bilisan n’yo’t umuwi na kayo!” nakataas ang isang kilay na anang kanilang Aunty Hilda.

“A-Aunty, isang pirasong hita lang ho ito ng manok…” dismayadong ani Jerome na siyang panganay sa magkapatid nang makita ang laman ng supot na ibinigay ng kanilang Aunty Hilda.

“O, bakit? Magrereklamo ka? Buti nga’t binayaran ko pa kayo, eh. Dapat nga’y libre na ang trabaho n’yo sa akin at mga pamangkin ko naman kayo!” ngingisi-ngis pang sabi ni Aunty Hilda.

Agd na nag-init ang ulo ni Jerome sa narinig, samantalang si Jojo ay natahimik naman sa gilid. Nakalimutan niya nang hawak niya pa rin ang cellphone niya at naka-live pa rin sila sa Facebook ngayon.

“Grabe naman ho kayo, Aunty! Alam n’yo namang may sakit ho ang mama at kailangan namin ng pambili niya ng gamot! Inabala n’yo ho kami iyon pala’y hindi n’yo kami babayaran!” Naikuyom ng binata ang kaniyang kamao.

Advertisement

“Aba! Wala akong pakialam sa inyo! Basta, binayaran ko kayo, tapos ang usapan!” sagot naman ng kanilang Aunty Hilda bago sila nito tinalikuran.

Grabeng panlulumo ang naramdaman ng magkapatid matapos sila nitong pagsaraduhan ng pintuan. Ngayon ay tanging isang piraso lamang ng malamig nang hita ng manok ang kanilang maiiuuwi sa ina, na ni hindi man nga lamang kakasya kung kanila iyong pagsasaluhan.

Samantala, nasaksihan naman ng mga tagasuporta’t manunuod sa live ni Jojo ang lahat ng nangyari. Nanggagalaiti ang mga ito sa ginawa ng kanilang tiyahin!

“Ang sama ng ugali! Nakakagigil!”

“Matandang walang pinagkatandaaan!”

“Manloloko! Pati mga pamangkin niyang naghahanapbuhay nang maayos, pinatos niya! Grabe!”

Umani ng sandamakmak na galit na reaksyon ng maraming netizens ang ginawa ni Aunty Hilda at nang malaman niya ito’y ganoon na lamang ang pagkahindik niya!

Samantala, hindi naman akalain ng magkapatid na ganoon ang magiging reaksyon ng mga netizens sa ginawa ng kanilang tiyahin. Matapos ang pangyayaring iyon ay dinagsa sila ng mga taong gusto silang tulungang ipakulong ang kanilang Aunty Hilda at ipagamot ang kanilang ina. Halos araw-araw ay may pumupuntang ibang tao sa kanilang bahay upang mag-abot ng tulong at ganoon na lamang ang pasasalamat nila sa mga ito.

Advertisement

“Idedemanda ko kayo!” banta ng kanilang Aunty Hilda nang sila’y puntahan nito sa kanilang tinitirahan. “Ipinahiya n’yo ako sa peysbuk at hindi ko palalampasin ’yon!” dagdag pa nito na animo siya pa ang aping-api sa nangyari.

“Mawalang galang na ho, Aunty, pero kayo ho ang nagpahiya sa sarili ninyo. Ganid ho kasi kayo’t manloloko. Pasensiya na po kayo pero hindi ho namin pinagsisisihang napahiya kayo dahil dapat lang ’yon para hindi n’yo na maulit pa sa iba. Sana ho, magtanda na kayo,” sagot naman ni Jojo noon sa tiyahin at wala na itong nasabi pa.

Itinuloy ng dalawa ang pagrereklamo sa baranggay tungkol sa ginawa ng kanilang tiyahin. Yukong-yuko naman si Hilda nang siya’y humarap doon. Wala na siyang mukhang maiharap pa sa mga tao dahil sa kahihiyang siya rin naman ang nagdulot sa kaniyang sarili.

Itinuring ng magkapatid na Jerome at Jojo bilang inspirasyon ang nangyari. Ipinangako nila sa kanilang sarili na hindi na sila maaapi pang muli ng kahit sino dahil sisikapin nilang umahon sa hirap sa pamamagitan ng lalong pagsusumikap sa buhay.

Malapit naman nang makatapos si Jerome. Si Jojo naman ay nagkaroon ng libreng scholarship mula sa mayor ng kanilang bayan. May sumagot na rin sa libreng gamutan ng kanilang ina habang ang ibang nalikom nilang tulong ay ginamit nila upang makapagpatayo ng kahit maliit lamang na negosyo.

Samantalang si Hilda ay nagkaroon ng sakit isang taon lamang ang nakalipas. Naparalisa ang katawan nito at tanging sa weelchair na lamang umaasa ngayon. Tuluyan na siyang tinalikuran ng kaniyang mga pamangkin dahil sa kasamaan ng kaniyang ugali na nagpapatuloy pa rin kahit na napaparusahan na siya.