
Isinayaw ng Lalaki ang ‘Pangit’ na Kaeskuwela sa Kanilang Prom Kahit Pinagtatawanan Siya ng Iba; Paglipas ng Panahon ay Kaiinggitan Nila Siya
Araw ng kanilang Junior and Senior Prom. Kahit saan tumingin ang binatang si Tristan ay ang mga naggagandahang kasuotan ng kaniyang mga kaeskuwela ang kaniyang nakikita. Halos lahat sila ay nakapostura nang magara at kaaya-aya.
Masaya ang halos lahat ng mga estudyanteng naroon sa malaking gymnasium ng kanilang eskuwelahan kung saan ginaganap ngayon ang kanilang prom. May kani-kaniya silang kapareha. Ang iba ay nasa gitna at nagsasayaw na, hindi pa man tuluyang nag-uumpisa ang kanilang programa, habang ang iba naman ay nasa kanilang mga mesa at nag-uusap.
Marami nang kababaihang wala pa ring kapareha ang lumapit kay Tristan, bilang kilala siyang isa sa pinakamagandang lalaki sa kanilang eskuwela. Ngunit wala siyang kahit anong interes sa kahit na sino sa mga ito. Sa totoo lang ay napilitan lang naman siyang dumalo roon dahil sa kagustuhan ng kaniyang ina. Gusto raw kasi nitong maranasan niya ang mga hindi nito naranasan noong ito ay nag-aaral pa. Kaya nga pinilit nitong magrenta ng isusuot niya kahit pa halos nagkandakuba na ito sa paglalabada, may maipambayad lang doon.
Ngunit maya-maya pa, habang nagapapalinga-linga si Tristan sa paligid ay biglang nahagip ng isang pamilyar na pigura ang kaniyang paningin. Nasa tabi ng nakahaing mga pagkain ang kaniyang kaeskuwelang si Alodia, na naging kapareha niya noon sa isa sa mga proyekto nila sa eskuwela. Naging napakalapit niya noon sa babae dahil agad na nag-click ang kanilang mga personalidad. Hindi niya alam na dumalo pala ito ngayon sa kanilang prom.
Akmang lalapitan na sana ni Tristan si Alodia, nang makita niyang bigla na lang itong nilapitan ng ibang mga kababaihan, at ito ay pinagkatuwaan.
“Ang lakas ng loob mong dumalo ngayon dito sa prom, Tabatina!” dinig niyang anang isa sa mga babae kay Alodia. Malaking babae kasi si Alodia kaya naman palagi itong nagiging tampulan ng tukso.
“Buti at may nagkasya pang gown sa katawan mong malaaparador, ano? Sa tingin mo ba, maganda ka d’yan? Pangit ka pa rin naman!” tatawa-tawa namang dagdag pa ng isa. Nakita niyang napayuko na lang ang dalaga sa sinasabi ng mga babaeng nakapalibot dito. Dahil doon ay hindi napigilan ni Tristan ang sarili at nilapitan niya ang mga ito.
Agad namang nakuha ni Tristan ang atensyon ng mga kababaihang ’yon nang magsimula siyang maglakad papalapit sa kanila. Inisip pa nga ng mga ito na isa sa kanila ang kaniyang yayayaing sumayaw nang gabing ’yon kaya naman halos mawalan sila ng malay sa kilig…
Ngunit ganoon na lang ang pagkagulat nang lahat nang hawiin niya ang nasabing mga babae para lapitan si Alodia, na mas kilala sa bansag na ‘tabatina’ dahil sa kaniyang malaking pangangatawan. Hindi nila maatim, lalo na nang bigla niyang ilahad ang kamay sa harap nito upang ito’y tanungin…
“P’wede ba kitang maisayaw, Alodia?” aniya sa dalaga na napasinghap pa matapos marinig ang sinabi niya.
“A-ako? S-sigurado ka ba?” Tila hindi ito makapaniwalang tanong pa nito. Bahagyang natawa si Tristan sa inakto ng dalaga, kaya naman imbes na tumugon ay kinuha na lang niya ang kamay nito at sinimulan itong igiya sa gitna ng sayawan.
Nang gabing iyon ay walang ibang babaeng isinayaw si Tristan kundi si Alodia lamang, at iyon ang naging dahilan ng unti-unting pagkakalapit ng dalawa. Niligawan ni Tristan si Alodia pagkatapos noon na kalaunan ay sinagot naman nito ng matamis na “oo”.
Makalipas ang sampung taon, nagdaos ng isang malaking reunion ang pamunuan ng kanilang eskuwelahan upang muli ay magkita-kita silang magkakaeskuwela. Napakaraming dumalo sa naturang reunion at kabilang na roon si Tristan, kasama ang kaniyang napakagandang nobya na halos kanina pa pinagtitinginan ng karamihan sa mga lalaking naroon…
“Tristan! Naku, lalo ka yatang gumuwapo!” bati ng mga kaeskuwela niya noon sa binata na napangiti naman at nagpasalamat. “Ang ganda at napaka-sexy rin ng kasama mo. Modelo ba siya? Alam mo, bagay kayo!” sabi pa nito tungkol sa kaniyang nobya.
“Hindi,” sagot naman ni Tristan. “Business woman siya. Sa katunayan ay siya ang katuwang ko sa mga negosyong itinayo naming dalawa.”
Napatango naman ang kaniyang mga kaeskuwela. “Buti naman at natauhan ka na sa pakikipagrelasyon mo noon kay Tabatina. ’Yong pangit nating school mate na isinayaw mo noong prom, tapos naging girlfriend mo pa? Ano ba ang nakita mo noon sa kaniya?” tatawa-tawa pang sabi ng kausap ni Tristan na agad namang ikinakunot ng noo niya.
“Kami pa rin hanggang ngayon,” seryosong sagot niya sa mga ito. “Sa katunayan ay nandito siya ngayon sa tabi ko at kanina lang ay pinuri n’yo,” dagdag pa niya.
Dahil doon ay halos matulala sila. Hindi nila akalain na gaganda nang ganito si Alodia! Bukod doon ay napakaganda na rin ng buhay ng dalawa, dahil sa pagsisikap nila nang magkasama simula noong makatapos sila ng kolehiyo. Kung noon ay pinagtatawanan si Tristan dahil naging nobya niya ang isang mataba at pangit na babaeng pinagkakatuwaan lang nila, ngayon ay halos kainggitan na ng mga ito ang natatamo niya sa buhay.