Inday TrendingInday Trending
Nagbakasyon sa Probinsya ang Dalaga, Hindi Niya Akalain ang Malagim na Sikretong Matutuklasan Niya Tungkol sa Kanyang mga Magulang

Nagbakasyon sa Probinsya ang Dalaga, Hindi Niya Akalain ang Malagim na Sikretong Matutuklasan Niya Tungkol sa Kanyang mga Magulang

Noong isang buwan ay naka-graduate na si Lana sa kursong nursing sa isang magandang kolehiyo sa Maynila, konting hirap na lang ay matutupad na niya ang kanyang pangarap. Kailangan na lamang niyang maipasa ang Nursing Board Exam para makakuha ng lisensya at maging isa na siyang ganap na nurse.

“Mommy? Malapit na po ako, kumusta si daddy?” sabi niya sa ina sa telepono. Pauwi siya ngayon sa kanilang probinsya para doon mag-review. Tahimik kasi at payapa.

May kaya ang mga magulang niya, kayang kaya siyang pag aralin ng mga ito sa Maynila. Dati ay linggu linggo siyang umuuwi pero noong naging busy siya sa eskwela dahil malapit na ang graduation, minsan sa isang buwan na lang.

Grabe nga ang iyak niya nang atakehin sa puso ang kanyang daddy, buti nalang ay nakaligtas ito. Sabi nga lang ng mommy niya, mahina na raw ang lalaki at gusto ay nasa kwarto na lang.

“Okay naman, kakabreakfast lang anak. Naayos ko na yung room mo dito,” masayang sabi nito sa telepono.

Ilang sandali pa ay narating na niya ang bahay nila. Sinalubong siya ng mommy niyang nakangiti at ubod ng higpit siyang niyakap ng babae.

Ah, kawawa naman ang mommy niya. Nangayayat ito ng husto at nangingitim ang ilalim ng mga mata. Palibhasa ay pinili nitong paalisin ang mga katulong at mag isang bantayan ang daddy niya. Nais daw nitong patunayan ang pagmamahal sa kanyang ama sa pamamagitan ng pagsisilbi rito.

“Mommy! I missed you,” sabi niya.

“I missed you rin Lana. Sorry hindi kami nakapunta ng daddy mo sa graduation mo, alam mo naman ang sitwasyon..”

“Okay lang yun! Ang mahalaga ay okay kayo ni daddy dito, where is he?” sabi niya na luminga linga pa. Alam niyang naging mahirap ang lahat lalo na sa kanyang ina, mahal na mahal ng dalawa ang isa’t isa. Grabe nga ang iyak nito noon nang tawagan siya at sabihing na-ospital ang kanyang daddy.

“To be honest, hindi maganda ang pakiramdam ng dad mo. Mula nung na-atake siya ay hindi na siya tulad dati. Mahinang mahina na.” malungkot na sagot nito.

“C-can I see him?”

“Katutulog lang niya anak. Hirap siyang makagawa ng tulog dahil sumusumpong yung dibdib niya. Mamaya nalang muna..”

Tumango si Lana, sinamahan siya ng kanyang ina na ilagay ang mga gamit niya sa dati niyang kwarto. Bago mag-review ay napagpasyahan ng dalaga na matulog muna dahil mahaba-haba rin ang ibinyahe niya.

Nang magising siya ay medyo madilim na, pababa na sana siya nang marinig niya ang boses ng kanyang mommy sa kwarto.

“O subo na, nandyan ang anak mo. She wants to see you. Hon, na-miss ka niya..what?” sabi nito. Inilapit pa nito ang tenga sa lalaking nakahiga,”Ano ulit? Why don’t you want to see her?O sige na ako na ang bahalang magpaliwanag. Ubusin mo na itong lugaw,”

Dahan-dahan namang isinara ni Lana ang pinto. Medyo nasaktan siya dahil sa tono ng pag uusap ng dalawa, di niya man masyadong marinig ay tila ba ayaw siyang makita ng kanyang ama. Inisip niya nalang na baka naaawa ito sa sarili at ayaw nitong makita niya ito sa ganoong kalagayan.

Kumakain na sila ng hapunan at mapait na napapangiti ang dalaga dahil nakita niya ang bakanteng upuan ng kanyang ama sa hapag. Dati ay sabay sabay sila doon.

“Anak, don’t be sad. May dahilan ang daddy mo bakit ayaw ka niyang makita,” sabi nito, tapos nang kumain at may inihahanda nang mga gamot.

“Naiintindihan ko naman po mommy, ang dami pa rin palang maintenance ng daddy.”

“Oo eh, ni-reseta lahat ito ng cardiologist niya,” sabi nito. Halu halong gamot ang naroon, may injection pa nga. “Para sa diabetes, insulin.Mataas rin kasi ang sugar nya.” paliwanag pa ng ginang nang mapansin nitong nakatitig siya sa injection.

Kinabukasan ay maagang umalis ang kanyang mommy para mag-grocery, binilin nitong wag niya nang istorbohin ang daddy niya sa kwarto dahil puyat ang lalaki sa sobrang pananakit ng dibdib. Bumabawi raw ng tulog.

Tumango naman si Lana at sa salas na lamang tumambay, presko kasi. Abala siya sa pagre-review nang makarinig siya ng malakas na galabog sa kwarto ng kanyang mga magulang. Nataranta si Lana, baka nahulog sa kama ang kanyang ama. Diyos ko po.

Tumakbo siya sa taas at sumisigaw pa habang papunta roon, “Daddy ano pong nangyayari? Eto na po ako!” sabi niya.

Agad niyang binuksan ang pinto ng kwarto at napako siya sa kanyang kinatatayuan nang makita niya ang ama.

Nasa sahig ito..nabubulok.

Nalaglag ito mula sa kama dahil sa mga malalaking daga na kumakain sa naaagnas nitong laman. May mga uod rin at nilalangaw ang bibig nito.

Wala ang isang mata, nabubulok naman ang kabila.

Masangsang na amoy ang umaalingasaw sa buong kwarto. Napaatras si Lana at hindi makapaniwala, napasandal siya sa isang mesa sa gilid ng pinto at nakita niya ang ilang mga dokumento roon.

Nasa ibabaw ang death certificate ng kanyang ama. Noong isang buwan pa ito pumanaw!

Tandang tanda niya, iyon ang araw na tinawagan siya ng mommy niya at sinabi nitong sinugod ang daddy niya sa ospital. Hindi pala talaga ito nakaligtas.

“Lana.”

Napapitlag si Lana at nanlaki ang mata niya nang makita niya ang kanyang mommy, nakatayo ito sa pinto at masama ang tingin sa kanya.

“Sinabi nang natutulog siya! Bakit mo inistorbo? Ano’ng ginawa mo sa daddy mo! Nahulog tuloy siya sa kama, ang kulit kulit mong bata ka!” dire diretsong sabi nito. Kinuha nito ang mga gamot sa gilid ng kama, na puro formalin pala- iyon ang ginagamit ng mga embalsamador para di mabulok ang katawan ng bangkay habang ibinuburol. Pero sa tagal na rin sigurong patay ng daddy niya ay di na iyon kinaya ng paturok-turok lang.

“Daddy, sorry makulit ang anak natin. Okay lang yan ha,” sabi ng mommy nya. Tinurukan nito ng gamot ang braso ng kanyang ama.

Iniangat pa nito ang ulo ng lalaki at akmang hahalikan nang mauka ang leeg nito at may lumabas na daga.

Napasuka si Lana.

“Ayan, ang kulit mo kasi! Ayaw kasing nakikinig sa mommy!” sabi ng ginang at umiiling pa habang tumatawa.

Tumakbo si Lana palabas ng bahay, buti nalang ay di siya naabutan ng kanyang mommy. Agad siyang humingi ng tulong sa mga pulis, ayaw niyang makulong ang nanay niya pero wala na siyang ibang maisip na paraan.

“Bad girl ka! Hindi natutuwa ang daddy mo sayo!” sigaw ng kanyang ina habang bitbit ito ng mga nurse mula sa mental hospital.

Umiiyak naman si Lana, hindi niya akalain na ganito na ang nangyari sa kanyang mga magulang. Hindi kinaya ng mommy niya ang pagkawala ng kanyang daddy.

Ang karanasang ito ang nagpatibay sa dalaga upang lalong galingan, nakapasa siya sa board exams. Tumingin siya sa langit, alam niyang ginagabayan siya ng kanyang ama. Nang dalawin niya ang ina sa mental hospital ay medyo umigi-igi na rin ang lagay nito.

“Mommy, kaya naman natin diba? Kahit tayong dalawa lang,” masayang sabi niya at hinawakan ang kamay nito.

“Kaya natin anak, kahit tayong dalawa lang.” lumuluhang sabi nito, masaya si Lana dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay sumagot na ito sa kanya.

Dasal niya na lamang na gabayan sila ng kanyang daddy mula sa langit at higit sa lahat, ng Panginoon. Walang imposible basta lalapit lang sa Kanya.

Advertisement