Inday TrendingInday Trending
Hinamak at Nilait-lait ang Marungis at Pangit na Pulubi, Ikinamangha ng Babaeng Tumulong sa Kaniya ang Tunay Niyang Pagkatao

Hinamak at Nilait-lait ang Marungis at Pangit na Pulubi, Ikinamangha ng Babaeng Tumulong sa Kaniya ang Tunay Niyang Pagkatao

Pagkagaling sa opisina ay palaging dumadaan ang magkakaibigang Lesli, Vina at Maritoni sa overpass na malapit sa sakayan.

“Buti naman at maaga tayong pinauwi ni boss at hindi tayong pinag-overtime!” sabi ni Vina.

“Oo nga, maganda yata ang mood ni Sir kaya nagpauwi ng maaga,” wika naman ni Maritoni.

Habang naglalakad ang tatlo sa overpass ay nakita nila ang isang lalaking pulubi na namamalimos. Hindi napigilan nina Vina at Maritoni na pagtawanan ang pulubi dahil saksakan ito ng dungis at ang pangit pa ng hitsura.

“Tignan mo iyong mama, o. Ang dumi-dumi na nga, ang pangit-pangit pa!” natatawang sabi ni Maritoni.

“Yuck, kadiri ‘no! Tapos mamamalimos sa iyo. Naku, palagi naman akong nagbibigay sa mga pulubi pero kapag gayan ang hitsura ay nakakasuyang magbigay!” ani Vina.

Nilait ng husto ng dalawang babae ang pulubi dahil sa kapangitan nito ngunit hindi si Lesli. Imbes na laitin at pagtawanan ay naawa pa siya rito.

“Ano ba naman kayo, hindi na kayo naawa sa tao!” aniya.

Inilabas ni Lesli ang bag at biniling burger at ibinigay sa pulubi.

“O ayan, kainin mo iyan ha?!” sabi niya rito.

Nginisihan lang siya nito saka kinain ang hawak na burger.

Sa tuwing dadaan sa overpass ay palagi niyang binibigyan ng pagkain ang pulubi. Masaya naman nitong tinatanggap ang mga ibinibigay niya.

Isang araw, nang muli silang mapadaan sa overpass ay biglang hinawakan ng pulubi ang braso ni Vina.

“Ay, ano ba?! Huwag mo nga akong hawakan, ang dumi-dumi at ang baho-baho mo tapos hahawakan mo ako!” galit na sigaw ng babae.

Sa sobrang galit ay sinampal niya ng ubod lakas sa mukha ang pulubi at pinaghahampas ng dala nitong bag.

“Teka, tama na iyan, Vina. Maawa ka naman sa kanya!” awat ni Lesli.

“Hayaan mo siya, Lesli. Dapat lang na maturuan ng leksyon ang bastos na pulubing iyan!” gatol naman ni Maritoni.

Nagulat na lamang sila nang may umawat sa kanila sa pananakit sa pulubi.

“Tama na po at nasasaktan na siya!” malakas na sigaw ng babae.

“Bakit sino ka ba para pigilan kami?!” inis na wika ni Vina.

“Sorry po pero hindi siya totoong pulubi. Nagpapanggap lang siya na pulubi para sa ginagawa naming reality show. Taga-MBC Channel po kami at may bagong palabas sa TV kaming ginagawa,” anito.

Napahiya ang dalawang babae sa kanilang ginawa at humingi ng paumanhin sa pulubi.

“P-pasensiya na, hindi namin alam na gimik lang pala ang ginagawa niyo!” sabi ni Maritoni.

Naibaling ng babaeng staff ang tingin kay Lesli.

“Kayo po iyong nagbibigay sa kanya ng pagakin ‘di ba? Kayo po ang napili ng aming istasyon na bigyan ng isang dinner date.”

“A-ano?… D-dinner date?” takang tanong ng dalaga.

“Yes, ma’am. Kung sino po kasi ang magbibigay sa pulubi ng pagkain ay siya ang mabibigyan ng pagkakatong magkaroon ng isang dinner date kasama ang isang sikat na artista,” bunyag pa ng babae.

“Talaga? Date with a star?” gulat na sabi ni Vina.

“Napakasuwerte mo, Lesli!” inggit na wika ni Maritoni.

“Opo, napakasuwerte talaga ni ma’am at nakuhanan ng kamera ang ginawa niyang kabutihan sa pulubi. Kayo rin po, kitang-kita sa kamera ang ginawa ninyong panglalait at pananakit sa kanya,” sabi ng staff.

Hindi nakapagsalita ang dalawang babae. Hiyang-hiya sila sa inasal nila. Hindi nila inakala na kitang-kita sa kamera ang ginawa nila sa lalaking nagpanggap na pulubi.

Iniskedyul naman ng staff kung kailan magaganap ang dinner date ni Lesli. Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga na siya ang nabigyan ng pagkakataon na makasama ang isang sikat na artista sa isang date.

Dumating ang araw ng dinner date ng dalaga. Sinundo pa siya sa bahay ng isang sasakyan at inihatid siya kung saan nakatakda silang magkita ng kanyang ka-date.

“Wow, may pasundo epek pa talaga? Mukhang bigating artista ang ka-date ko, ha!” bulong niya sa sarili.

Nang marating ang lugar ay namangha si Lesli dahil isang mamahaling restaurant iyon na karamihan ng kumakain ay mga sikat na tao. Mga celebrity, pulitiko at maimpluwensyang tao sa lipunan. Mas lalo siyang namangha nang makilala ang kanyang ka-date ng gabing iyon. Walang iba kundi ang sikat na aktor na si John Mark Enriquez.

Halos lumuwa ang mga mata niya sa kaguwapuhan ng lalaki. Hindi niya akalain na mas gwapo pala ito sa personal. Ipinagtapat pa ng lalaki na ito ang nagpanggap na pulubi at ito ang pumili kung sino ang makaka-date nito at siya ang masuwerteng napili ng aktor. Humanga rin ito sa ipinakita niyang kabutihan nang magpanggap ito bilang marumi at pangit na pulubi.

Isang nakakakilig na gabi iyon para kay Lesli dahil nakasama niya sa isang dinner date ang sikat na si John Mark Enriquez na akala niya ay sa panaginip lang mangyayari.

Nang matapos silang kumain ay may hiningi pa sa kanya ang lalaki.

“May I have your number, Lesli?”

“A, e bakit?”

“Masaya akong nakilala kita. Gusto ko pa sanang makilala ka ng lubusan,” anito.

“S-sige, iyon lang pala, e.”

Kinilig naman ang dalaga sa sinabing iyon ng lalaki. Mukhang magkakaroon pa yata siya ng manliligaw na artista.

Mula nang magkakilala ay naging malapit na ang dalawa sa isa’t isa. Di nagtagal ay niligawan siya ng lalaki at sinagot rin niya ito. Magkaiba man ang mundong ginagalawan nina Lesli at John Mark ay hindi iyon naging hadlang para magmahalan ang kanilang mga puso. Napakasuwerte rin ng dalaga dahil sa kabutihan niyang taglay ay nahanap niya ang taong itinakda para sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement