Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kagustuhang Makaangat sa Buhay ay Inakit ng Dalagang Ito ang Banyagang Nakilala sa Isang Kainan; Kalbaryo pala ang Aabutin Niya

Dahil sa Kagustuhang Makaangat sa Buhay ay Inakit ng Dalagang Ito ang Banyagang Nakilala sa Isang Kainan; Kalbaryo pala ang Aabutin Niya

“May ginagawa ka ngayon, Lara?” tanong ng kausap ni Lara sa kabilang linya. Ang bespren niyang si Erin.

“Wala naman. Nasa bahay lang ako ngayon, e,” sagot naman niya sa kaibigan. Ang totoo ay hindi talaga siya lumalabas ng bahay ngayon dahil wala siyang kapera-pera. Kasasahod lang niya noong isang araw pero heto at namomroblema na naman siya sa pang-budget niya ng isang buwan dahil ipinambayad na lang niya sa utang ang kaniyang sinahod.

“Siya, kain tayo sa labas. Libre ko!”

Bigla namang nabuhayan si Lara sa narinig na sinabi ng kaibigan. “Aba, mapera!” komento pa niya rito.

“Hindi naman. Bagong sahod lang ako ngayon. Alam kong day-off mo kaya tinawagan kita. Hindi na rin kasi tayo nagkaka-bonding simula nang magkatrabaho tayong pareho,” sabi pa ni Erin na agad namang nakapagpangiti nang malawak kay Lara.

“Sige, ba! Saan ba tayo magkikita? Hintayin mo ako’t magbibihis na ako!” Agad na kumaripas nang kilos si Lara matapos nilang ibaba ang tawag.

Mabilis na nakarating si Lara sa sinabing kainan ni Erin. Tuwang-tuwa siya. Ang totoo ay noong isang araw pa siya natatakam na kumain ng mga fast food ngunit hindi kumakasya sa budget niya ang halaga ng mga ito kaya sa huli ay nauuwi at nagkakasya na lamang siya sa pagkain sa mga turo-turo.

“Grabe, gutom na gutom ka, sis?” biro ni Erin sa kaniya nang makitang sunod-sunod ang ginawa niyang kagat sa hawak na burger.

“Gutom talaga ako, ’no!” sagot naman niya.

Dahil doon ay naging malakas ang hagalpakan ng dalawa na siya namang naging dahilan upang makuha nila ang atensyon ng mga naroon sa kabilang mesa. Napasulyap sina Erin at Lara doon kaya naman napansin nilang foreigner pala ang nakaupo sa mesang ’yon.

“Sis, baka ito na ang paraan para umangat ako sa buhay,” biglang bulong ni Lara kay Erin.

Akala ni Erin ay nagbibiro lamang ang kaibigan kaya hindi niya ito pinansin, ngunit lingid sa kaalaman niya, nang magpaalam na siyang aalis dahil papasok pa siya sa trabaho ay nagpaiwan si Lara upang isagawa ang kaniyang plano.

Nakipagkilala si Lara sa foreigner na kanina pa malagkit ang tingin sa kaniya. Seryoso siya sa sinabi niya sa kaibigan. Ang balak niya ay akitin ang foreigner at pikutin ito nang sa ganoon ay umangat siya sa buhay. Nakita niya kasi na ang gara ng sasakyan nitong nakaparada sa labas ng establisyimento at alam niyang hindi biro ang halaga nito.

Agad namang kumagat ang foreigner sa ginawang pang-aakit ni Lara. Kalaunan ay pinasakay siya nito sa sasakyan nito at agad na dinala sa isang hotel ang dalaga. Noong una ay ayos naman sana ang lahat. Nagsimula silang mag-inuman ng lalaki… ngunit doon ay lumabas na ang tunay nitong kulay.

Nagulat na lang kasi si Lara nang maglabas ito ng isang pakete ng ipinagbabawal na gamot at pinilit siya nitong patikimin n’on! Nagpumiglas si Lara, ngunit wala siyang nagawa. Sa huli ay nagtagumpay itong gawin ang gusto nitong gawin sa kaniya hanggang sa magsawa ito.

“This is all you want, right?” sabi pa nito sa kaniya nang nakangisi pagkatapos ay inihagis sa pagmumuka niya ang ilang lilibuhin bilang bayad sa isang gabing pagpapasaya niya rito. Pagkatapos ay luhaan siyang iniwan nito sa naturang hotel.

Pakiramdam ni Lara ay napakadumi niyang babae. Nagsimula siyang kuwestiyonin ang sarili kung bakit niya naisipang gawin iyon. Ngayon tuloy ay nagawan siya nito ng masama.

Hindi pa roon nagtapos ang kalbaryo ni Lara, dahil tatlong linggo lang matapos ang nangyari ay bigla siyang nakaramdam ng mga sintomas ng pagbubuntis. Halos manlumo siya nang mag-positibo siya sa kaniyang pregnancy test!

Sising-sisi si Lara kung bakit naisipan niyang iasa sa iba ang pag-angat ng kaniyang buhay. Ngayon tuloy, imbes na gumaan ang buhay niya ay lalo pa siyang nagkaroon ng kalbaryo dahil nagdadalantao na siya sa foreigner na ngayon ay hindi naman niya alam kung saan hahagilapin.

Awang-awa sa kaniya ang kaniyang mga kapamilya, pati na rin si Erin. Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang bespren upang suportahan siya at palakasin ang loob. Nangako itong tutulungan siya sa abot ng kaniyang makakaya para lang makaahon siya sa kalbaryong inabot niya sa kamay ng banyagang iyon.

Tinanggap na lang ni Lara ang naging kapalaran niya, maging ang bata sa kaniyang sinapupunan. Wala naman kasi itong kasalanan. Ngayon ay mayroon na siyang mas mabigat na dahilan upang magpatuloy na mangarap at magsumikap sa buhay. Hindi na siya aasa sa mabilisang pag-angat. Nangako siyang sa pagkakataong ito ay pagsisikapan na niya ang lahat upang mabigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang anak.

Advertisement