
Ipinagpalit ni Mister ang Misis na Sumuporta sa Kaniya Noong Siya’y Walang-Wala; Makalipas ang Limang Taon ay Lubusan Niya Itong Pagsisisihan
Magkahalong inis at panlulumo ang nararamdaman ni Steve nang makauwi siya sa kanilang tahanan upang ibalita sa kaniyang misis na si Annie ang hindi inaasahang pagkatanggal niya sa trabaho.
Lalo pang nakadagdag sa bigat ng kaniyang damdamin ang ideyang kakakasal lamang nila ng misis, kaunti lamang ang kanilang ipon at nagpaplano na silang bumuo ng sarili nilang pamilya.
“Hayaan mo na, mahal. Marami ka pa namang mahahanap na mas magandang trabaho. Ang galing-galing mo kaya! Siguro ay hindi lang talaga magaling ang kumpanyang ‘yan na kumilatis ng empleyado!” pag-alo ni Annie sa kaniyang mister.
“Naiinis lang ako kasi ‘di ba ngayong taon na natin binabalak na patayuan ang lupang minana mo sa mga magulang mo ng sariuli nating bahay para hindi na rin tayo nangungupahan. Saka alam kong gustong-gusto mo na ring magkaroon ng anak,” tugon ni Steve.
“Marami pa namang panahon para tuparin natin ang pangarap na iyan. Masaya naman ako sa kung anong mayroon tayo ngayon basta kasama kita,” sambit ni Annie sabay yakap sa asawa.
Hindi tumigil si Steve upang makahanap ng trabaho ngunit palagi siyang nabibigo. Madalas ay mainit ang ulo nito at dinadaan sa inom ang lahat. Madalas din niyang ipahiwatig sa asawa ang kawalan ng kumpiyansa sa sarili. Dahil sa pagbabagong napapansin ni Annie ay gumawa siya ng paraan upang kahit paano ay mapagaan ang nararamdaman ng asawa.
“Mahal, may kaunti akong naipon dito. Sa tingin ko ay panahon na para simulan natin ang negosyong matagal na nating pinaplano. Siguro talaga ay hindi ka pang empleyado at pang-boss ka. Magsimula muna tayo sa maliit at alam ko sa galing mo ay mapapalaki natin ito,” wika ni Annie.
Doon ay muling nagbago ang pananaw ni Steve sa buhay. Agad nilang sinimulan ang isang maliit na tindahan. Dahil na rin sa pagtitiyaga nilang mag-asawa at kanilang dedikasyon ay napaunlad nila ang kanilang negosyo. Ang dating maliit na tindahan ay naging isang grocery at ngayon ay nakapagpatayo na sila ng lima pang branch nito.
Hindi na nga magkamayaw ang tuwa ng dalawa dahil sa tagumpay na kanilang natamo. Ang nais na lamang ni Annie ay bumuo sila ng sarili nilang pamilya dahil sa kaniyang palagay ay anak na lamang ang kulang upang maging tuluyan silang maligaya.
Ngunit sa pag-unlad ng kanilang buhay ay kita ang naging pagbabago kay Steve. Hindi na niya binibigyan ng panahon ang kaniyang misis. Madalas na rin siyang lumabas sa kasama ang kanilang mga kaibigan at madalas silang mag-inuman. At ang hindi matatanggap ni Annie ay ang paulit-ulit na pambabae ng kaniyang mister.
“Hindi ko namakakayanan pa ang panlolokong ginagawa mo sakin, Steve. Mabuti pa noong araw na wala tayong pera ang tanging nais mo lamang ay mapaligaya ako at ibigay ang lahat sa akin. Bakit ka nagbago?” umiiyak na sambit ni Annie sa asawa.
“Ngayon ko napagtanto na sa isang lalaking tulad ko ay kailangan ko ng babaeng makakasabay sa akin. At hindi ikaw iyon, Annie,” tugon ni Steve.
Mabigat man sa kalooban ay pilit na tinalikuran ni Annie ang kaniyang relasyon sa asawa. Hindi naglaon ay tuluyan na silang naghiwalay at si Steve ay nagkaroon na agad ng bagong kinakasama.
Makalipas ang limang taon ay hindi na gaanong naaasikaso ni Steve ang kaniyang negosyo. Puro pagpapasarap na lamang sa buhay ang kaniyang ginawa sa sulsol na rin ng kaniyang bagong kinakasama. Wala silang ginawa kung hindi mag-casino, mag-inom, umalis ng bansa at mag-shopping. Tuluyang bumagsak ang negosyo ni Steve.
Dahil din sa nangyari, nawalan na ng pera si Steve at tuluyan na siyang iniwan ng kaniyang kinakasama.
Habang nasa pamilihan si Steve ay muling nagkrus ang landas nila ni Annie. Walang gaanong nagbago sa dati niyang misis. Ang pinagtataka lamang niya lubusan ang pagkasikat ng kaniyang asawa sa pamilihan dahil ang lahat ay magulod ang pagbati sa ginang.
Agad siyang nagtanong sa isang tindera dito.
“Ayan po si Ginang Hernandez,” tugon ng isang tindera. “Siya po ang may-ari ng buong pamilihan na ito. Napakabait po niya at lahat kami dito ay mahal na mahal siya — silang mag-asawa,” dagdag pa nito.
Nabigla si Steve sa kaniyang nalaman. Ngunit mas ikinabigla pa niya na kasal na pala sa iba ang dati niyang asawa. Agad niyang nilapitan si Annie at kinausap.
“Hindi ako makapaniwala na sa’yo ang lahat ng ito. Siguro ay nakapangasawa ka ng mayaman, ano?” sambit niya kay Annie.
“Oo, mayaman ang napangasawa ko, Steve. Sa katunayan ay siya ang may-ari ng mall sa tapat ng pamilihan na ito,” tugon ng ginang.
“Ha! Sigurado, ‘yan ang sikreto mo sa iyong tagumpay!” pangungutya ng dating mister.
“Pasensiya ka na kung hindi ka naimbitahan sa kasal namin noong nakaraang buwan,” sarkastikong sagot ni Annie.
“Para sabihin ko sa iyo, Steve, simula nang talikuran mo ang relasyon natin at tuluyan mo akong ipinagpalit sa babae mo ay hindi ako nagpakalumo. Ginawa ko ang lahat para lamang hindi masayang ang buhay ko. Alam mo ba na ibinenta ko ang lupa na pamana sa akin ng aking magulang para lamang makapagsimula tayo ng negosyo noon? Mabuti na lamang at hindi ko ibinigay ang lahat ng ito sa’yo at nagtira ako. Para sana iyon sa kinabukasan ng magiging anak natin,” paglalahad ni Annie.
“Ngunit lahat ng iyon ay sinira mo. Kaya nang maghiwalay tayo ay ginamit ko ang pera para makabili paunti-unti ng pwesto rito sa pamilihan. Hanggang sa nakaipon ako at naglakas ng loob na umutang na rin sa bangko. Nagkaroon ako ng magandang pagkakataon na mabili ang lahat ng ito,” dagdag pa niya.
“Marahil dahil sa dedikasyon ko ay nabihag ko ang mata ng asawa ko ngayon. Palagi siyang nakasuporta sa lahat ng aking gagawin at higit sa lahat ay hindi niya ako kayang ipagpalit sa kahit anong yaman at materyal na bagay rito sa mundo. Maraming salamat at iniwan mo ako, kung hindi ganoon ang nangyari ay wala sana ako sa lugar ko ngayon,” pagtatapos ng ginang.
Natameme na lamang si Steve sa narinig niya kay Annie. Tila sampal sa kaniyang mukha ang kalokohang ginawa niya sa dating asawa. Lubusan siyang nagsisisi kung bakit niya nagawang pabayaan at ipagpalit ang isang babaeng tulad ni Annie. Ngayon ay kasal na ito sa iba samantalang si Steve ay dinapuan ng karma — mag-isa at naghihirap sa buhay.