Nasaksihan ng Babae ang Kasalanang Ginawa ng Tatlong Lalaki, Habangbuhay Niya Palang Pagsisisihan ang Hindi Niya Pagtulong
Madalas na sumama si Lizzy sa mga outing ng kaibigan. Kung minsan ay umaakyat sila ng bundok ngunit mas madalas ay pumupunta sila sa beach resorts.
“Liz, pupunta kami sa beach resort sa kaarawan ni Lui, sama ka ha.” wika ni Betty.
“Oo naman, kailan ba yan para mapaghandaan ko na?” sagot naman niya.
“Sa susunod na Linggo na, tayo lang ulit nina Lui, Patricia, Gary, ikaw at ako.”
Nang sumunod na Linggo ay maagang bumiyahe ang magkakaibigan. Sabik na sabik sila sa kanilang dalawang araw na bakasyon, lalo na si Lizzy dahil palagi na lamang siyang pagod sa trabaho.
“Andito na tayo, finally!” sigaw niya nang makababa sila ng bus.
“Tara! doon ang resort natin.” pag-aayaya ni Patricia.
Maghapon silang naglangoy, kumain at nagkwentuhan. Sa pagsapit ng gabi ay nagpasiya silang mag inuman saglit sa tabing dagat bago mamahinga.
“Magbabanyo muna ako, dito lang kayo.” paalam ni Lizzy.
Nagtungo siya sa pampublikong palikuran ng resort na nasa madilim na bahagi. Bagaman natatakot ay itinuloy niya ang pagpasok dahil sumasakit na ang kaniyang pantog.
“Huwag po, maawa kayo.” ang biglang sigaw ng isang babae na tila nasa likod na silid ng banyo.
“Sinabing huwag kang malikot kung ayaw mong masaktan.” sagot ng isang boses lalaki.
Halos hindi makagalaw si Lizzy sa kaniyang kinalalagyan ngunit nilakasan niya ang kaniyang loob at dahan dahan siyang tumuntong sa ibabaw ng inidoro upang sumilip sa maliit na butas sa may kisame.
Hindi nga siya nagkamali ng hinala at doon ay nasaksihan niya ang halinhinang panggagahasa ng tatlong lalaki sa isang babae. Tinakpan na ng mga ito ang bibig ng dalaga at sinuntok ito sa tiyan. Hindi na kinaya ni Lizzy ang nakita kaya’t dali dali siyang lumabas at tumakbo pabalik sa mga kaibigan.
“Guys tara na, pasok na tayo sa kwarto natin.” pagyaya niya sa kanila.
“Bakit Liz? Maaga pa naman.” sagot ni Lui.
Hinihingal si Lizzy at napakalakas na ng kaba sa kaniyang dibdib, ilang oras siyang nanatili sa tabing dagat kasama ang mga kaibigan. Hindi niya malaman kung paano sasabihin ang nasaksihan sa lasing na mga kaibigan. Hanggang sa nagkayayaan na lang silang matulog na.
Magdamag siyang balisa at hindi mapakali. sa sobrang takot ay nanatili siyang gising hanggang umaga.
“Handa na ba kayong lahat? Tara na at baka gabihin pa tayo sa daan.” wika ni Patricia.
“Oo nga tara na, etong si Lizzy kanina pa nagyayaya umuwi.” sagot ni Betty.
Umuwi nga ang magkakaibigan sa araw na iyon. Makalipas ang isang araw ay nabalitaan ni Lizzy ang panggagahasang ginawa sa babae sa balita sa telebisyon, natulala siya sa kaniyang mga narinig.
“Isang dalaga ang natagpuang walang buhay malapit sa isang beach resort kaninang umaga, napagalaman ng mga awtoridad na ito ay ginahasa muna bago kinitil…..”
“Hindi.” wika niya sa sarili, hindi na niya napigilan ang sarili na umiyak, bagaman tinakpan ang mukha ng babae sa telebisyon ay alam niyang iyon ang damit na suot nito sa pangyayaring kaniyang nasaksihan.
“Anak, anong problema, bakit ka umiiyak?” tanong ng kaniyang ina.
“Ma, dapat tinulungan ko siya, eh di sana buhay pa siya, natakot ako ma.” paliwanag niya.
Ikinuwento niya sa ina ang kaniyang nasaksihan habang patuloy na umiiyak. Labis siyang nababagabag sa hindi niya pagtulong sa babae. Laking pagsisisi niya na wala siyang ginawa.
“Anak, kung gusto mo ay pumunta tayo ngayon din sa presinto at sabihin mo doon lahat ng nakita mo.” wika ng kaniyang ina.
“Natatakot ako ma. Baka hindi sila maniwala sakin kasi medyo lasing na ako noon.”
“Huwag kang mag-aalala, sasamahan kita.”
Tumungo na nga sila sa presinto at doon ay inilahad ni Lizzy ang lahat ng kaniyang nakita, inilarawan rin niya ang itsura ng tatlong lalaking nanggahasa sa dalaga pati na rin ang kanilang mga suot na damit.
“Malaking tulong ito sa kaso iha, maraming salamat sa kooperasyon mo.” ayon sa hepe.
“Mahuhuli niyo po ba sila?” tanong niya.
“Ngayon na may sketch na tayo ng itsura nila ay mas madali na namin silang mahahanap.”
Makalipas lang ang isang buwan ay muling nakatanggap si Lizzy ng tawag mula sa prisinto, pinapapunta siya ng mga ito doon upang kilalanin ang mga suspek na kanilang nadakip.
“Iha, maari mo bang ituro kung sino sa limang lalaking ito ang nakita mong gumahasa sa biktima?”
“Silang tatlo po, yung magkakatabi sa kanan.” wika niya.
Tuluyan na ngang nakulong ang tatlong suspek, sa tulong ni Lizzy ay nabigyang katarungan ang kamatayan ng biktima. Bagaman pinagsisisihan niyang hindi siya humingi ng tulong noon ay nabawasan naman ng tinik ang kaniyang dibdib sa pagkakaresolba ng kaso nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!