Nagluto ng Espesyal na Hapunan ang Isang Ama, Ngunit Nalungkot Siya Nang Sabihin ng mga Anak na Hindi Sila Makakauwi nang Maaga
“Anak, uwi kayo ng maaga ha? Maghahanda si tatay ng hapunan niyo,” malambing na wika ni Mang Gervacio sa kanyang tatlong anak. “Hindi ko po sure, Tay baka may meeting po kami mamaya at late na kami palabasin ng boss namin,” wika ng panganay na si April sa kanyang ama. “Ako din po, Tay may pa-dinner po ‘yung kasamahan kong kaka-promote lang. Pero itatry ko pong makauwi nang maaga,” dagdag ni Armand. Ibabaling palang sana ni Mang Gervacio ang kanyang atensyon sa bunsong si Aldrin ay nakita niyang malayo na ang nilalakad nito “Ang estudyante ko. Busy palagi sa school niya,” nasabi niya na lamang sa sarili. Nang makaalis ang mga anak ay malungkot na nagtungo sa sala si Mang Gervacio ay doon ay inaliw na lamang ang sarili sa panunuod ng paborito niyang programa sa telebisyon. Sa pamamagitan kasi noon ay nawawala ang lungkot niya at pangungulila niya sa pamilya. Kamakailan lamang nang yumao ang kanyang pinakamamahal na misis. At simula noon ay tila pakiramdam ni Mang Gervacio ay parati na lamang siyang nag-iisa. Namimiss niya na ang dating pamilya. Masyado kasing busy pare-pareho ang kanyang mga anak. At ‘ni isa sa mga ito ay wala siyang nakaka-bonding kapag malungkot siya. Kaya naman pasalamat nalang siya sa telebisyon na iniwan sa kanya ng misis, kahit papaano ay nawawala ang kanyang lungkot. Sa kabila ng posibleng pagtanggi ng mga anak sa kanyang pag-alok ng espesyal na hapunan ay pinagpatuloy pa rin ni Mang Gervacio ang pagluluto. Noon pa man ay hilig niya na ito. Isa pa, ay isang espesyal na araw ngayon kaya hindi niya ito palalagpasin na iluto ang mga paboritong putahe ng kanyang tatlong anak. “Hmm, ang sarap ko talaga magluto,” pagbubuhat niya ng sariling bangko. Napangiti siya nang maalala ang nakaraan ng kanyang pamilya. Noong panahong kumpleto pa sila at siya ang tinatawag na “Master Chef” ng kanyang misis at mga anak. Hindi niya namalayang napaluha na pala siya sa pagbabalintataw. Maya-maya’y bigla nalang siyang nagulat nang biglang namatay ang ilaw ng kabahayan, “Brown out ba?” Nagtungo siya sa sala upang hanapin ang flashlight. At ganoon nalang ang pagkagulat niya nang bigla siyang may makitang sindi ng mga kandila. “Happy birthday to you… happy birthday to you. Happy birthday dear Tatay. Happy birthday to you.” Iyak nang iyak si Mang Gervacio sa nakikita. Kumpleto ang tatlong anak niya habang kinakantahan siya sa kanyang kaarawan. “Akala ko ba hindi kayo makakauwi nang maaga?” naluluha-luhang tanong niya sa mga ito. Inakbayan siya ng kanyang bunso, “Tatay talaga, kahit kailan ang hilig maniwala sa mga pranks namin.” “Oo nga po Tay, sinabi lang po namin iyon para masurpresa kayo ngayon,” ika naman ni Armand. Walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama ni Mang Gervacio. Hindi niya lubos-akalaing ganito pala siya kamahal ng kanyang mga anak. “Hindi pa pala ako nag-iisa mga anak,” aniya sa mga ito. “Hindi ka kailanman mag-iisa Tay. Andito lang kami palagi para sayo.” sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.