Pagbigyan Pa Kaya ng Tadhana ang Isang Lalakeng May Malubhang Sakit na Matagpuan ang Wagas na Pag-Ibig?
Isang dapit hapon, araw ng Biyernes, may isang lalakeng nakatayo sa tapat ng simbahan at tila malalim ang iniisip. Di anu-ano’y may isang babaeng bumunggo sa kanya, sa lakas ng pagkakabunggo ay napaupo silang dalawa sa sahig.
Agad namang tumayo ang binatilyo at itinayo niya ang dalagita. Nang makatayo ang babae ay agad naman itong humingi ng tawad sa lalake. Ngunit wala itong reaksyon kaya kusa nang nagpakilala ang babae
“Ako nga pala si Audrey. Ah… Alam mo kasi nagmamadali ako ngayon pero may masakit ba sa’yo o kung ano man?”
“Ah… Wala naman,” sagot ng lalake ngunit wala pa ring reaksyon ang kanyang mukha.
“Sigurado ka? Pasensya na ha!? Di ko talaga sinasadya,” wika ni Audrey na halatang nag-aalala. Tumango lang ang lalake pero wala pa ring reaksyon ang mukha. Paalis na si Audrey nang maalala niya na di pa pala niya naitanong ang pangalan ng lalake.
“Ah! Ano nga palang pangalan mo?” napakunot ang noo ng lalake. “Ako nga pala si Terrence,” wika nito pero halata mo na nagtataka ito. Ngumiti si Audrey at tuluyan nang nagpaalam kay Terrence.
Araw ng Lunes, nagmamadali ang dalagang pumasok sa eskwelahan. Nang makapasok na siya ay agad siyang pumunta sa silid-aklatan. Nang makarating siya doon ay may nakita siyang pamilyar na tao.
Nilapitan niya ito at tinitigan ng mabuti at naalala niyang bigla ang lalakeng nabunggo niya noong isang araw sa simbahan. Gusto niya sanang kausapin ito ngunit nabatid niya na marami itong ginagawa kaya di na lang niya ito inabala. Umupo ang babae sa kalapit ng nagbabantay ng silid aklatan.
Maya-maya, napansin ni Audrey na tila di magkandaugaga ang binata kung paano niya dadalhin ang napakaraming libro kaya naisip niya na tulungan ito. Nilapitan niya ito.
“Tulungan na kita,” wika nito ng nakangiti.
“Hindi na, kaya ko naman ito. Salamat na lang,” Pagtanggi ni Terrence sa alok ni Audrey.
Ngunit nagpumilit pa rin ang dalaga kaya wala nang nagawa ang lalake, hinayaan na lang niya ito. Simula noon ay lagi na silang magkasama sa loob ng eskwelahan, hanggang sa tuluyang mahulog ang loob ng babae sa binata.
Sa di inaasahang pagkakataon ay nadulas ang bibig ni Audrey at naamin niya bigla ang nararamdaman para kay Terrence, “I love you”, sabay takip ng bibig niya. Ngunit parang walang narinig ito at agad na iniba ang kanilang pinag-uusapan.
Nagulat ang dalaga sa ginawang iyon ng binata pero inisip na lang niya na mas maganda na iyon kaysa sa iwasan siya nito. Kinabukasan, nagtataka siya kung bakit miski anino ng binata ay wala, inisip niya na lang na baka may inasikaso itong importante.
Isang linggo na ang nakalipas ngunit di pa rin pumapasok si Terrence. Halos lahat ng mga guro nito ay hinahanap na siya. Mas lalong nag-alala si Audrey dahil halos tatlong linggo na itong hindi pumapasok kaya minabuti niya na magtanong-tanong sa mga kaibigan ng binata pero iisa lang ang sagot sa kanya, “Hindi ko alam.”
Hanggang isang estudyante ang lumapit sa kanya at sinabi kung saan nakatira si Terrence. Agad namang nagpasalamat ang dalaga at pinuntahan ang lugar. Laking pagtataka niya nang walang sumasagot sa loob ng bahay nila Terrence. Mabuti na lang at lumabas ang kapitbahay nila, “Ay wala pong tao dyan,” pagbibigay alam nito sa kanya.
“Ah… Ganon po ba!? Nasaan po kaya ang mga tao dito?” Nagtatakang tanong nito.
“Eh, sino ba’ng hanap mo?” Tanong ng kapitbahay.
“Si Terrence po.”
“Ah! Siya ba kamo!? Nasa ospital siya ngayon balita ko nga malala na ang lagay. Kawawa nga ang batang iyon, ang bait pa naman.”
Agad na umalis si Audrey at pumunta sa ospital kung saan naroon ang binata. Nang makarating siya kung nasaan ang kwarto ni Terrence, tila nag-iiyakan ang mga tao doon. Nang buksan nito ang pinto ay nagtaka siya nang wala nang pasyente ang nakahiga roon. Isang may edad na babae ang nagtanong sa kanya, “Ikaw ba si Audrey na kaibigan ng aking anak?”
“Opo, ako nga po,” tugon ng dalaga.
Agad siyang niyakap ng babae at nagwika, “Ako ang kanyang ina, bigla siyang nawala at hindi namin mahanap. Tulungan mo kami, alalang- alala na kami sa kanya. Di na namin alam ang gagawin, may sakit pa naman siya.” Hagulgol na sagot ng ina.
“Ano po bang sakit ni Terrence?” Pagtatanong ni Audrey na ngayon ay humahagulgol na din.
Umalis sa pagkakayakap ang babae, “Si Terrence ay may sakit sa puso. May butas ang puso niya, hindi namin namalayan na lumalaki na ito. Bukas na siya ooperahan ngunit lokong bata iyon biglang umalis,” mas lalong lumakas ang paghagulgol ng ina ng binata.
Natulala na lang ang dalaga sa mga narinig niya. Sa sobrang pagkawindang niya ay hindi nito namalayan na dinala siya ng mga paa niya sa tapat ng simbahan kung saan sila nagkita ni Terrence. Pumasok siya sa loob ng simbahan at laking gulat nito nang makita niyang nakaupo ito malapit sa may altar.
Nilapitan niya ito at tinanong, “Bakit hindi mo sinabi sa akin!? Mahahalata mo sa boses ni Audrey ang labis na pag-aalala.
“Bakit ka umalis sa ospital? May sakit ka at kailangan mong maoperahan.”
Ngunit laking pagtataka ni Audrey nang ngumiti lang sa kanya ang lalake at niyaya pa siya nitong umupo sa tabi niya.
“Alam mo, sa simbahang ito ako unang nanirahan. Iniwan ako dito ng tunay kong mga magulang, buti na lang ay kinupkop ako ni inay at itay pero ni minsan di ko naramdaman na di nila ako tunay na anak,” wika ni Terrence habang nakatingin sa altar na nakangiti.
“At isa pang dahilan kung bakit mas lalong naging mahalaga sa akin ang lugar na ito ay dito ko rin nakilala ang babaeng mamahalin ko habangbuhay. Patawarin mo ‘ko kasi noong pinagtapat mo ang nararamdaman mo para sa’kin, nagbingi-bingihan ako. Natakot ako na baka mawala ka kapag nalaman mo ang kondisyon ko. Ang gusto ko lang ay maging masaya ka pero habang tumatagal pakiramdam ko, lalo lang kitang nasasaktan,” dagdag nito.
Mas lalong tumulo ang luha ni Audrey. “Terrence ano ka ba!? Halika na bumalik na tayo sa ospital baka kasi makasama pa sa’yo kung di pa tayo babalik doon,” akmang tatayo na ang dalaga nang hawakan ng binata ang kamay niya.
“Ayaw ko nang bumalik doon, please dito ka lang sa tabi ko,” pagmamakaawa ni Terrence.
Wala na siyang nagawa kaya tumango na lang ito. Hinigpitan ng binata ang pagkakahawak niya sa kamay ni Audrey.
“Ipangako mo na aalagaan mo ang sarili mo at tutuparin mo ang lahat ng pangarap mo. At syempre, huwag mong kakalimutang dalawin ako kapag natupad mo na lahat ‘yan,” wika ni Terrence habang nakangiti.
“Ano bang…” Di na niya natapos ang sasabihin nang biglang magsalita ulit ang lalake.
“Dito ako nagsimula kaya gusto ko dito rin ako magtapos kasi lahat ng nandito ay mahalaga para sa akin. Kaya sa tuwing maaalala mo ako, dito ka lang pumunta o kaya kapag nalulungkot ka, nandito lang ako… Pangako… Huwag mong kalilimutan ‘yan ha!? Ipangako mo,” at unti-unti niyang ipinatong ang ulo niya sa balikat ni Audrey. Sumang-ayon naman ang dalaga na umiiyak pa din. Naramdaman na lang niya na unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito sa kanyang mga kamay.
Lumipas ang maraming taon at nakatapos ng pag-aaral si Audrey at ngayon ay nagtatrabaho na sa malaking kumpanya. Kasalukuyan siyang nasa tapat ng simbahan kung saan una silang nagkakilala. Pumasok siya sa loob ng simbahan at bigla na lang ngumiti ang mga labi niya at muli siyang naupo malapit sa altar kung saan sila nakaupo ni Terrence dati.
Nagdasal muna ito ng taimtim sa Panginoon.
“Ito na, natupad ko na ang pangako ko sa’yo. Ilang taon na din na hindi kita kasama… Sobrang miss na kita.”
“Alam mo….” Nangingiyak nyang sabi ng putulin siya ng isang pamilyar na boses ng lalake mula sa kanyang likuran.
“Audrey!” Laking gulat niya nang makita ang lalaki at agad niya itong niyakap.
“Terrence! Ang tagal mong nawala…” nagagalak na wika ni Audrey.
“Sabi naman sa’yo nandito lang ako,” wika niya habang nakayakap ng mahigpit kay Audrey.
Bumitiw sa pagkakayakap ang lalake at nagsalita, “Salamat! Kasi kung hindi dahil sa’yo wala sana ako dito, hindi sana ako nadala sa ibang bansa ni inay at itay para maoperahan. Akala ko hindi ko na makikita ang maganda mong ngiti, ikaw ang nagsara sa butas ng aking puso,” ngumiti si Audrey ngunit nagulat ito nang biglang lumuhod ang binata.
“Will you marry me?” tanong ni Terrence.
“OO!,” galak na sagot ng babae na naghalo ang luha at saya sa kanyang mga mata. Sa mismong simbahan ding iyon ikinasal ang dalawa at namuhay ng masaya at payapa.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!