Inday TrendingInday Trending
Nagselos ang Babae nang Makita Nila sa Reunion ang Ex Girlfriend ng Mister, Mas Nagulat Siya sa Rebelasyon ng Kumpare Nila Tungkol Dito

Nagselos ang Babae nang Makita Nila sa Reunion ang Ex Girlfriend ng Mister, Mas Nagulat Siya sa Rebelasyon ng Kumpare Nila Tungkol Dito

Maagang gumising si Clarette, ipinasuyo niya muna sa kanyang mama ang dalawa niyang anak na pitong taong gulang at dumiretso siya sa salon. Ipina-treatment niya ang buhok, nagpalinis rin siya ng kuko sa paa at sa kamay, ilang beses niyang sinusulyapan ang sarili sa salamin ng salon at di pa rin siya makuntento. Na-tetensyon talaga siya.

Mamayang gabi kasi ay ang kanilang high school reunion, noong mga nakaraang reunion naman nila ay ayos lang siya pero iba kasi ngayon. Ang narinig niya ay aattend raw ang ex girlfriend ng kanyang mister, si Linda. Alam niyang crush ng bayan si Linda noong high school sila, palaging muse at escort naman nito ang mister niyang si Samuel.

Doon nga nagka-developan ang dalawa at naging magnobyo sa loob ng isang taon. Habang sya naman noon ay tahimik lang palagi sa isang tabi, walang kibo at hindi napapansin. Nagkalapit lamang sila ng mister niya nang maka-trabaho niya ito sa kumpanyang pinapasukan nila dati, hiwalay na ito at si Linda noon.

“Madam, ang ganda ganda mo na,” sabi ng baklang parlorista.

“S-sure ka ba?” sabi niya. Totoo naman iyon, maganda siya, hindi niya lamang iyon napapansin dahil mas nangingibabaw ang insecurity niya sa matangkad na si Linda, slim ang babae at pang model ang katawan. Habang siya naman ay maliit lang pero may mayayamang dibdib at malapad na balakang.

“Oo naman! Happyng happy siguro ang hubby mo madam!” sabi pa ng bakla.

Alanganing ngiti ang isinukli niya rito. Pag uwi niya sa kanila ay sinulyapan siya ng mister niya at nginitian, “Hi pretty,” bulong nito sa tenga niya. Ilang oras pa ang lumipas at papunta na sila sa reunion.

“T-tara na?” kinakabahang sabi niya sa asawa, kasalukuyan itong nag aayos ng buhok sa salamin. Lalo itong gumwapo, lalo itong bumagay sa ex nito at hindi sa kanya..ah! Wala pa ngang nangyayari ay nababaliw na siya.

Iginiya na siya ng lalaki sa kotse at hawak hawak nito ang kamay niya habang nagda-drive,”Huy, bakit nanlalamig ka?” natatawang sabi nito.

“Wala, h-hinaan nalang natin yung aircon.” pagpapalusot niya. Syempre di niya aamining natatakot siya kapag nakita nito ang ex at maisip nitong mahal pa rin nito ang babae, Diyos ko, hindi niya kakayanin pag nagkataon.

Nang marating nila ang reunion ay sinalubong sila ng mga dating kaklase. Pero lutang si Clarette, isa lamang ang hinahanap ng mga mata niya. At nakita niya naman agad ang babae, malayo pa lang ay agaw pansin na ito dahil matangkad at maputi. Naglalakad ito palapit sa kanila.

Diyos ko po.

“Clarette! Long time no see! and of course, Samuel, kumusta?” tinanguan lang siya nito tapos ay humarap na sa kanyang asawa.

Tumikhim naman ang lalaki, halatang nate-tensyon,”Okay naman. Looking good Linda,” bati nito.

“Thanks,” malanding sabi nito at tumalikod na.

Ouch. At napansin talaga ng mister niya ang kagandahan nito, oo na, mas maganda na ito sa kanya. Doon pa lang ay parang nasira na ang gabi ni Clarette, nakasimangot na lamang siya at wala nang ibang ginawa kundi magmasid sa kilos ng dalawa.

Selos na selos siya tuwing susulyap ang babae sa kanyang mister, tapos ang asawa niya naman ay titingin sa kanya. Baka chine-check kung nakatingin siya. Nang matapos na ang program at kung anu anong pormalidad sa party ay isang ka-batch nila ang nagyaya.

“Guys uuwi na ba kayo? Minsan lang to mangyari na may mga umuwi pa galing abroad. Look andito si James galing Hongkong, si Malen from US at si Linda from Europe, mag videoke muna tayo. The night’s young!” yaya nito na sinang ayunan naman ng lahat, maging ang mister niya.

Ayaw niyang magmukhang KJ at nagseselos kaya pumayag na rin siya kahit pa alam niyang di naman siya mag eenjoy. Naghanap sila ng restaurant na may videoke at nag jack en poy pa ang mga kaklase niya dati kung sino ang mauunang kumanta.

Talo si Samuel kaya ito ang dapat na magbinyag sa karaoke. Pumili ito saglit sa songbook at nanlaki ang mata ni Clarette nang makita ang pamagat ng kanta.

Pers Lab

Di na makatulog, di pa makakainTigyawat sa ilong, pati na sa pisngiSa kakaisip sayo, tigyawat dumarami..

Bigay todo pa sa pagkanta ang nakainom niyang asawa. Napuno naman ng kantsawan ang lugar na iyon, “Uy, sino ba ang first love mo?”

Di na natiis ni Clarette ang mga pangyayari at nagpaalam siyang magbabanyo. Doon ay umiyak siya nang umiyak. Di niya akalaing ipapahiya siya nang ganito ni Samuel. Oo na, alam niya nang first love nito si Linda at hindi siya pero bakit kailangan pang ipangalandakan?

Pagbalik niya ay niyaya niya na ang mister na umuwi. Hindi niya ito kinikibo kahit hanggang makarating sila sa bahay.

Kinabukasan ay araw ng Linggo, bibisita sa kanila ang kanilang kumpare at matagal niya nang pinangakuan ang mister na ipagluluto niya ng pulutan ang mga ito pero dahil sa nangyari kagabi sa reunion ay tinamad na siya. Pumunta siya sa bahay ng mama niya at doon muna nagpalipas ng araw, ayaw niyang makita ang mister niya, nasasaktan lang siya.

Pero kinagabihan, naisip niyang naiwan niya ang laptop niya sa bahay nila at kailangan niyang kunin dahil may tatapusin siyang trabaho.

Bahala na,bumalik siya sa bahay nila ni Samuel at inabutan itong nakaupo, sa harap nito ay ang lango sa alak nilang kumpare. Saglit na sinulyapan lang siya ng lalaki, nalilito pa rin ang ekspresyon nito at di alam kung bakit di siya pinapansin ng misis.

“Ano ba ang problema hon? Ayoko ng ganyan ka,” sabi nito. Halatang nakainom rin.

Saglit na dumilat ang kanyang kumpare, hindi ito naka-attend sa reunion kagabi pero kaklase rin nila ito noon, “Uy, si Mare! Andyan ka pala! hi Mare, hik!” tatawa tawa ito.

Napailing naman si Clarette, pero nagpatuloy sa kwento ang kumpare nila.

“Ano ba ang nagustuhan mo sah kumpare ko? Hik! Eh iba naman ang gelpren nyan nong high school, si Linda ba yon, oo si Linda!” sabi nito.

Para namang binudburan ng asin ang sugat ni Clarette pagkarinig niya sa pangalan ng babae. Sinaway ni Samuel ang kumpare nila, pero tuloy ito sa pagsasalita.

“Nakakatawa si Lindah, alam mo ba, lagi ka nilang…pinag aawayan noon! Hik! Selos na selos yun sayoh, kasi..lihim ka nang crush ni Samuel pero na-totorpe, takot manligaw hik! Matalino ka raw kasi! Kaya kay Linda nalang napuntah, nakukuntento na..nakatanaw sayo pag nagbabasa kang mag isah..” tatawa tawa pa ito at nagkamot ng tyan. Bago ay nagtuloy sa pagsasalita,

“First love ka nyan ni Samuel eh! Akala nya nga, hik! nananaginip lang sya nung naka-trabaho ka nya sa opisinah.. tinawagan pa ako at tuwang tuwa!” iyon lang at nakatulog na ito.

Napatingin naman si Clarette sa kanyang mister na noon ay nakanguso sa kanya, napapahiya ito dahil nabuking ang sikreto.

Siya pala ang first love nito!

Walang sali-salita ay nayakap ni Clarette ang kanyang mister, gulat man ay napangiti ang lalaki.”Tinotoyo ka na naman no?” bulong ni Samuel sa kanya.

“Opo,” parang batang sagot niya, inamin niya rito na nagselos siya kay Linda at tinawanan lang siya ng lalaki, hinalikan siya nang pagkainit init at nalimutan niya na lahat ng iniisip niya.

Simula noon ay mas tumibay ang kanilang pagsasama. Nakakaramdam pa rin ng selos at insecurity si Clarette minsan pero palagi niyang pinanghahawakan na tapat ang pag ibig sa kanya ng asawa, pag ibig na kahit kailanman ay di siya ipagpapalit.

Advertisement