Hindi Makapaniwala ang Babae na Pumayag ang Boyfriend na Na Ipakasal Siya sa Ibang Lalaki, Nang Makita Niya ang Lalaki ay Hindi Siya Nakatangging Pakasalan Ito
Padabog na inihagis ni Angie ang cellphone, hindi siya makapaniwala! Maya maya, muling nag-ring iyon, hindi niya sana papansinin pero ayaw tumigil sa pagri-ring. Nakita niyang tumatawag ang nobyong si Ivan.
“Babe, are you okay?” tanong nito sa kabilang linya.
“I’m not! Alam mo di ako makapaniwala, sina mommy, tinawagan ako kanina, sabi ipapakasal daw ako. Ano to, joke?! Uso pa ba ngayon yang arranged marriage, kesyo ipinagkasundo daw ako ng daddy blah blah blah. Baby, nasisiraan na ng bait ang magulang ko. Feeling yata nila nasa Telenovela kami! Tsaka ano ba, teenager ba ako? May trabaho na ako, graduate na ako, bakit pati magiging asawa ko ay sila ang pipili?!” galit na galit na sumbong niya sa nobyo. Natahimik naman ang lalaki.
“Kanino ka raw ipapakasal?” maya maya ay tanong nito.
“Sulley daw ang pangalan. Pwe! Ang panget, parang sili. Silihan ko ang pwet ng taong yan kapag nakita ko. Peste!” sabi niya.
“Hayaan mo na muna sila, go with the flow ka nalang.” sabi nito na ikinagulat ni Angie. Pati ba naman ang nobyo niya hindi niya kakampi? Hayaan, hahayaan na lang siya nitong maikasal sa iba? Binabaan niya ng telepono ang lalaki. Kailangan niyang mag-isip ng gagawin, sa Sabado ay nakatakda niyang makilala ang mapapangasawa. Diyos ko, wala naman siyang nakikitang anak ng kumpare ng daddy niya na gwapo, ang masama pa, baka mismong kumpare ng daddy niya ang ipapakasal sa kanya. Ew!
Ma-imagine niya pa lang, matanda, kalbo, mataba, nangingilabot na si Angie. Bukod doon, mahal niya si Ivan. Kaya nga nasasaktan siyang hinahayaan lang siya nito, akala niya ay ito na ang makakatuluyan niya pero bakit nagpapakaduwag ito ngayon? Halos tatlong taon rin ang kanilang relasyon at di siya makapaniwalang ganoon lang siya kadaling isusuko ng lalaking minamahal, sabagay, ni minsan naman ay di siya pinakilala nito sa pamilya nito. Nasa Amerika raw ang mga magulang nito.
Sumapit ang Sabado, umaga pa lang ay nakabihis na si Angie, tatakas siya. Tiyak niyang susunduin siya ng daddy niya pauwi sa probinsya nila kaya mabuti nang umalis na siya kaagad. Palabas pa lang siya ng pinto ay nagulat siya nang nakatayo na doon si Ivan. Agad niyang niyakap ito, sa wakas, nagising din ang nobyo niya!
“Sabi ko na nga ba baby, itatakas mo ako. Tama, nasa tamang edad na naman tayo. Umalis na tayo please, bago dumating sina dad.” sabi niya. Isinakay siya ng lalaki sa kotse nito. Pero nanlaki ang mata ni Angie makalipas ang ilang sandali dahil kita niyang tinatahak nila ang daan papunta sa probinsya nila.
“Ivan, anong ginagawa mo?!” singhal niya rito.
“Sorry Angie, sana maintindihan mo.” sagot lang nito. Wala nang nagawa ang babae kung hindi mapasandal. Fine! Kung ayos lang dito na makasal siya sa iba, edi fine!
Pagdating sa kanila, sinalubong agad sila ng kanyang ina. Pinapasok silang dalawa, inalalayan naman siya ng nobyo na makababa ng kotse.
Iba din ang tapang ng apog ni Ivan, haharap pa talaga sa magulang niya. Makikikain pa talaga habang namamanhikan ang ibang lalaki sa kanya. Sinulyapan niya ang lalaki at parang pinipigil nito ang tawa.
“Sulley! Ang aga nyo!” lumapit sa kanila ang isang babae at bineso beso siya, kamukha ito ni Ivan. Pero ang nagpagulo sa isip ni Angie, tinawag ng babae na ‘Sulley’ si Ivan.
Hindi pa siya nakakarecover sa pag iisip nang biglang lumuhod ang nobyo sa harap niya, napatingin sa kanila ang lahat ng naroon.
“Baby, kahit nakalimutan mo na ang full name ko ay ‘Sullivan’, at sinabi mong sisilihan mo ang pwet ko dahil ‘Sulley’ ang tawag ng magulang ko sa akin, mahal kita. Pasensya ka na kung pinagtripan ka naming lahat, ang totoo ay pinuntahan ko ang parents mo last week para hingiin ang kamay mo at naisipan naming biruin ka, di ko akalaing ganoon ka magre-react, at magtatangka ka pang tumakas. Pasensya ka na rin kung ngayon lang nakauwi ang family ko mula US, yung babae kanina, ate ko yun. Wag ka sanang magselos. Will you marry me? Ahh wag kanang sumagot, arranged marriage nga pala ito. You can’t say no,” sabi ng lalaki at isinuot sa daliri niya ang singsing.
Nagtawanan naman ang mga nakapaligid sa kanila. Natawa na rin si Angie habang lumuluha, yumakap siya sa nobyo at bumulong sa tenga nito.
“Yes, I’ll marry you.”
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.