Inday Trending

Inday Trending

Inireklamo ang Matandang Babae Dahil Nagtitinda Raw Ito ng Panis at Nakalalasong Pagkain, Laking Gulat Niya nang Malaman na Mayroon Palang Nasa Likod ng Paninira sa Kanya

Inireklamo ang Matandang Babae Dahil Nagtitinda Raw Ito ng Panis at Nakalalasong Pagkain, Laking Gulat Niya nang Malaman na Mayroon Palang Nasa Likod ng Paninira sa Kanya
InspiringKarmaStories

Dinarayo ang mga lutong pagkain ni Aling Tasing dahil sa masasarap nitong lasa. Sari-sari ang kanyang itinitinda sa kanyang maliit na karinderya. Mayroon siyang tindang pagkain para sa almusal gaya ng champorado, lugaw at sopas, pagkain para sa meryenda tulad ng pansit, palabok, ginatan, at sari-saring ulam para sa pananghalian at hapunan.

“Aling Tasing, isang order nga ng menudo at dalawang kanin!” wika ng lalaki.

“O, ayan na! Mainit-init pa iyan, hijo,” aniya.

“May tinda po ba kayong tokwa’t baboy?” tanong naman ng babae.

“Aba, meron! Ilang order ba ang bibilhin mo, ineng?”

“Isang order po at kalahating ginisang gulay at isang kanin,” anito.

Ang magkakaibigang Jonas, Gab at Yael ay ang mga numero unong suki ng matandang babae. Kahit malayo sa pinapasukan nila ang karinderya ni Aling Tasing ay dito pa rin sila kumakain dahil sa masarap na pagkakaluto ng mga pagkain.

“Uy, kayo pala! Humanap na kayo ng puwesto niyo. Anong order niyong tatlo?” sabi ng matadang babae.

“Tatlong order po kami ng sweet and sour at kanin,” sagot ni ni Yael.

“Puwede pong makahingi ng sabaw,” ani Jonas.

“Ako naman po, pa-order ng mais con yelo para panghimagas,” wika naman ni Gab.

“Sige, maghintay lang kayo riyan at ipapahatid ko na ang order niyo,” masayang sabi ni Aling Tasing.

Mayamaya ay inihatid ng babaeng serbidora ang kanilang inorder. Excited na kinain ng tatlo ang inorder nilang pagkain.

“Hmm…hinding-hindi ako magsasawa sa luto ni Aling Tasing!” sabi ni Jonas.

“Malasang-malasa ang mga pagkain. Ano kaya ang secret ingredients niya?” takang tanong ni Gab.

“Kaya hindi nawawalan ng mga kustomer ang karinderya ni Aling Tasing, e! Masarap na nga ang tinda, abot kaya pa ng bulsa,” wika pa ni Yael.

Isang araw ay nagulat na lang ang matandang babae nang may mga nagreklamong kustomer sa kanya dahil sa niluto niyang pagkain.

“Hoy, Aling Tasing! Alam mo bang panis na ang binili kong palabok sa iyo kahapon? Sumakit ang tiyan ng anak ko at walang hinto sa pagsusuka at pagdurumi kaya isinugod na namin sa ospital ng asawa ko. Sabi ng doktor ay panis ang kinain niyang palabok. Dito ko lang naman binili iyon sa karinderya niyo!” inis na sabi ng babae.

“Teka muna, hindi ako nagtitinda ng panis na pagkain at palaging bagong luto ang mga pagkain sa karinderya ko,” diin ng matanda.

Nang biglang may dumating na babae at nagbunganga rin kay Aling Tasing.

“Papat*yin mo ba ako? Halos masira ang tiyan ko sa binili kong ginatan sa iyo nung nakaraang araw! Nang magpatingin ako sa doktor ay sinabing nalason daw ako. Hinding-hindi na ako bibili dito ng pagkain. Baka mas lalo pang mapadali ang buhay ko sa mga itinitinda niyo!” pagbabanta nito.

Halos mangiyak-ngiyak na si Aling Tasing sa mga reklamo sa kanya. Kung halos walang maupuan sa tuwing pupuntahan ang karinderya niya, nang araw na iyon ay tila matumal ang mga bumibili sa kanya. Mabibilang na lang sa daliri ang mga kustomer ng matanda. Naglipatan naman ang ibang kustomer sa katapat na karinderya.

Ikinalungkot ng tatlong magkakaibigan ang nangyari sa karinderya ni Aling Tasing. Hindi sila naniniwala sa sinasabing panis at may lason ang mga pagkain ng matanda. Kung panis iyon at may lason, sana ay sila na ang unang nabiktima.

Gumawa ng paraan ang tatlo para muli itong puntahan ng mga kustomer. Nagyaya sila ng iba pang kaibigan at mga katrabaho para kumain ng meryenda sa karinderya. Napapayag naman ng tatlo ang mga kasamahan kaya ng hapong iyon ay doon na kumain ng meryenda ang mga ito.

“Wow, ang sarap po ng pansit niyo! Simula po bukas ay dito na ako kakain ng tanghalian at meryenda!” sabi ng isang babae.

“Ang daming lahok ng halo-halo at mura pa, ‘di gaya dun sa kabilang karinderya, trenta pesos ang halo-halo pero walang kalahok-lahok!” wika naman ng isang lalaki.

“Sabi ko sa inyo, e. Masarap ang mga pagkain dito,” ani Jonas sa mga kasamahan.

Maya-maya ay may napansin siyang lalaki na umaali-aligid sa karinderya ni Aling Tasing. Lumilinga-linga pa ito sa paligid bago pinagtitingnan ang mga lutong pagkain na nakahilera. Kitang-kita ni Jonas na may inilagay na kung ano ang lalaki sa tindang sopas ni Aling Tasing kaya agad niya itong sinaway.

“Hoy, anong nilalagay mo sa sopas ni Aling Tasing?” sigaw niya rito.

Sa gulat ng lalaki ay nabitawan nito ang hawak na maliit na bote.

“Anong nangyayari dito?” takang tanong ng matandang babae.

“Nakita ko po na may inilalagay ang lalaking iyan sa sopas niyo!”

Nakilala ni Aling Tasing ang nasabing lalaki. Ito ang baklang staff ni Aling Mildred na may ari ng katapat na karinderya.

“Teka, ikaw si Borgie ‘di ba, iyong staff ni Mildred? Anong ginagawa mo sa tinda ko?!”

Pinulot ni Jonas ang maliit na bote na nalaglag sa kamay ng staff at laking gulat niya sa natuklasan.

“Lason sa ipis ito, ah! Nilalagyan mo ng lason ang paninda ni Aling Tasing?” bunyag ni Jonas.

“Kaya pala may mga nagrereklamong kustomer dahil sinasabotahe niyo ang karinderya ni Aling Tasing,” galit na wika ni Gab.

“Dapat sa mga kagaya mo ay ikinukulong para magtanda,” gatol pa ni Yael.

Halos kuyugin na nila ang baklang staff nang may ibunyag pa ito.

“Sandali po, napag-utusan lang po ako!” anito.

“Sino ang nag-utos sa iyo na lagyan ng lason ang mga pagkain sa karinderya ko?” tanong ni Aling Tasing.

“Si Ate Mildred po ang may plano ng lahat. Ang laki po kasi ng inggit niya sa inyo. Palagi raw po kasing maraming kustomer sa karinderya niyo at sa kanya naman ay hindi man lang dinarayo ng mga tao kaya naisip niya na isabotahe kayo at lagyan ng lason ang mga paninda niyo para sa karinderya namin magsilipatan ang mga kustomer,” pagtatapat nito.

Agad na inireklamo at ipinadampot sa pulis ni Aling Tasing si Aling Mildred sa pag-uutos sa staff nito na lagyan ng lason ang mga tinda niyang pagkain. Laking pagsisisi naman ng babae sa ginawa nitong pananabotahe sa matanda.

Kumalat ang balita na hindi pala totoong nakalalason at panis ang mga pagkain ni Aling Tasing kaya nagsibalikan ang mga kustomer sa kanyang karinderya. Humingi naman ng tawad ang dalawang babae na nagreklamo sa kanya. Napagtanto ng mga ito na si Aling Mildred ang may kasalanan kung bakit nasira ang kanilang mga tiyan. Labis rin ang pasasalamat ni Aling Tasing sa magkakaibigang Jonas, Gab at Yael dahil kundi dahil sa tatlo niyang tapat na kustomer ay hindi lalabas ang katotohanan at hindi manunumbalik sa dati ang sigla ng kanyang karinderya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories