Tinalikdan ng Sariling Pamilya ang Dalaga nang Mabuntis Ito ng Nobyo; Bandang Huli’y Ipagmamalaki pa Nila ang Batang Mag-Asawa

“Sef, anong gagawin ko nito? Natatakot akong umuwi ng bahay namin dahil alam kong palalayasin din naman ako nila nanay at tatay. Natatakot ako, Sef. Natatakot ako sa lahat ng pwedeng mangyari,” pagtangis ni Michelle sa kaniyang nobyo nang malaman niyang nagdadalantao siya. 

“Patawarin mo ako, Michelle. Ako ang may kasalanan ng lahat ng ito. Kung pinigilan ko lamang sana ang sarili ko ay hindi nauwi sa ganito ang lahat. Sinira ko ang tiwala ng mga magulang mo sa akin. Hindi ko natupad sa kanila ang pangako kong magtatapos muna tayo ng pag-aaral. Handa akong panagutan ka, Michelle. Handa akong humarap ngayon sa mga magulang mo para aminin ang lahat,” tugon naman ng binata. 

Batid ng dalawa na wala namang mangyayari pa kung ililihim nila ang pagbubuntis ni Michelle. Darating din naman ang panahon na malalaman at malalaman ng kanilang pamilya ang sitwasyon kaya nagdesisyon na silang sabihin na sa mga ito ang lahat. 

Isang matunog na sampal ang bumungad kay Michelle nang ipagtapat niya sa kaniyang Nanay Salve at Tatay Ramon ang kaniyang pagbubuntis.

“Pinag-aral ka namin ng tatay mo nang sa gayon ay makatulong ka sa amin na maiahon ang pamilyang ito sa hirap. Imbis na pag-aaral pala ay paglalaro ng apoy ang inaatupag niyong dalawa! Pinagkatiwalaan namin kayo! Paano ngayon iyan?! Kaya ka bang buhayin niyang si Sef gayong mananahi lang ang nanay niya!” pangagagalaiti ni Aling Salve sa anak.

“Handa ko naman pong pakasalan ang anak niyo. Handa po akong panagutan ang lahat ng ginawa ko. Patawarin n’yo na po kami,” wika naman ni Sef.

“Ang kapal ng mukha mo rin na humarap pa sa amin matapos mong sirain ang kinabukasan ng anak ko! Kung kaya mo talagang buhayin si Michelle ay ngayon palang, kunin mo na siya at iuwi mo na sa inyo! Simula ngayon ay hindi na siya parte ng pamilyang ito!” halos malatid ang ugat sa leeg ni Aling Salve sa labis na galit. 

Malungkot man dahil itinakwil ng sariling pamilya ay nauunawaan ni Michelle ang naging reaksyon ng kaniyang mga magulang. Habang inaayos niya ang ilang mga gamit sa kaniyang pag-alis ay patuloy pa rin ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang mga magulang. 

Advertisement

Buong puso namang tinanggap ni Aling Flora, ina ni Sef, itong si Michelle sa kanilang bahay.

“Pagpasensyahan mo na at maliit lang talaga itong bahay natin. Medyo makalat dahil sa mga telang tinatahi ko. Pero huwag kang mag-alala dahil aalagaan ka namin dito,” saad naman ng ginang.

“Maraming salamat po, Tita Flora. Patawarin n’yo po kami ni Sef sa nagawa po namin,” nagsimula na namang tumulo ang mga luha ni Michelle.

“Wala naman na tayong magagawa dahil nariyan na iyan. Kailangan na lamang ay panindigan niyo ang mga naging desisyon n’yo sa buhay. Gawin n’yo ang lahat para mabuhay ang sarili n’yong pamilya. Siya nga pala, ano na ba ang balak n’yong dalawa?” saad naman ni Aling Flora.

“Balak ko pong magpakasal muna kami, ‘nay, kahit po sa munisipyo lang. Balak ko pong maghanap ng trabaho nang sa gayon ay hindi kami matigil ni Michelle sa pag-aaral. Kailangan rin po kasi naming mag-ipon para sa panganganak niya at kapag nakalabas na rin po si baby,” pahayag naman ni Sef.

Kahit ganito ang nangyari ay pinagpapasalamat pa rin ni Michelle dahil responsable at tunay naman siyang mahal ni Sef. 

Nagtrabaho si Sef bilang isang waiter sa restawran tuwing gabi. Sa umaga ay pumapasok siya sa eskwelahan kasama si Michelle. Hindi nila ininda ang hirap ng buhay at ang lahat ng mga taong humuhusga sa kanila. Pilit nilang pinagkakasya ang perang kinikita ni Sef para lahat ng kanilang gastusin.

Hindi nagtagal ay nanganak na si Michelle. Kinailangan na niyang huminto sa pag-aaral dahil walang mag-aalaga sa kaniyang anak. Kailangan din kasing magtrabaho ni Aling Flora para may panggastos at pampaaral din ang mga nakababatang kapatid ni Sef. 

Advertisement

Buhat nang umalis si Michelle sa poder ng kaniyang mga magulang ay hindi na siya kinibo pa ng mga ito. Araw-araw siyang nagpapadala ng text message sa kaniyang mga kapatid at mga magulang ngunit talagang hindi na ata siya parte ng kanilang pamilya. 

Habang lumalaki ang kanilang anak ay lumalaki rin ang gastusin ng mag-asawang Michelle at Sef. Kaya naisipan ni Michelle na magkaroon sila ni Sef ng negosyo.

“Sa diaper at gatas palang ni Junior ay kulang na kulang ang kinikita mo, mahal. Sa tingin ko ay kailangan na nating magkaroon pa ng isang pagkukuhaan ng kita,” wika ni Michelle.

“Kung magpaturo na lang kaya ako kay Nanay Flora na manahi? Marami kasi akong nakikita sa palengke na damit ng mga bata. Magtahi tayo ng mga gano’n at ialok natin sa mga kaibigan at kakilala. Ialok natin sa palengke o kahit na ilako natin. Basta sarili nating produkto,” wika ni Michelle. 

Hindi man naging madali ay inaral ni Michelle ang pananahi. Dahil sa nakikita ni Sef na talagang desidido ang kaniyang asawa sa naisip na negosyo ay napilitan na rin siyang tulungan ito.

“Marunong akong manahi, mahal. Iyan ata ang pamana sa akin ng nanay ko. Huwag kang mag-alala at salitan tayo sa pananahi at sa pag-aalaga para hindi ka naman mapagod,” wika ni Sef sa asawa.

Nilakasan ni Sef at Michelle ang kanilang loob na ialok sa mga tao ang kanilang mga gawang damit. Marami ang nagandahan sa mga ito kaya patuloy ang nag-oorder sa kanila. Masayang-masaya ang dalawa dahil kahit paano ay nasasagot ng negosyong ito ang diaper at gatas ng kanilang anak.

Hanggang sa isang may-ari ng pwesto sa palengke ang kumausap sa kanila at nais nitong kumuha sa kanila ng bulto.

Advertisement

“Kaya ba natin ang bultuhang gawa, mahal? Dalawa lamang tayong nagtatahi,” saad ni Michelle sa asawa.

“Pati si Nanay Flora ay patulungin na rin natin sa pagtatahi. Konting tiis na lamang ay bibili pa tayo ng isang makina at maghahanap tayo ng makakatulong sa atin,” wika naman ni Sef.

Nagpatuloy lamang ang dalawa sa pananahi ng mga damit pambata. Dahil nga sa ganda ng kalidad at sa murang halaga ay mabilis na nakahatak ng mga parokyano ang mag-asawa. Hindi nagtagal ay nabili na rin nila ang isa pang makina na panahi. May kinuha na rin silang mananahi para makatulong sa kanila.

Hanggang sa patuloy na lumaki ang negosyo nila Sef at Michelle. Hindi rin nila akalain na papatok ang ideyang ito ni Michelle.

Ang dating mga hikahos sa buhay ay nakabili na ngayon ng sarili nilang sasakyan para sa negosyo. Mayroon na rin silang mahigit dalawampung mananahi. Nakapagpatayo na rin sila ng sarili nilang bahay at may sarili na ring pwesto sa pamilihan. 

Kahit na kumikita na ng malaki ay bumalik sa pag-aaral sina Sef at Michelle. At sa araw ng kanilang pagtatapos ay hindi napigilan ni Michelle ang maluha nang makita niya ang kaniyang mga magulang at kapatid.

“Pinatunayan n’yo ni Sef sa amin ng tatay mo na malayo ang mararating ng wagas na pag-ibig. Masaya ako sa kinahinatnan ng inyong buhay na dalawa dahil sa inyong pagsusumikap,” saad ni Aling Salve.

“Maraming salamat din sa’yo, Sef, dahil hindi mo pinabayaan ang anak ko pati na rin ang anak n’yo. Maaga man kayong nagkaroon ng pamilya ay hindi ito naging hadlang para makamit niyo ang tagumpay,” dagdag pa ng ginang.

Advertisement

Walang mapagsidlan ang tuwa sa puso ni Michelle dahil sa wakas ay tanggap na ng pamilya ni Michelle ang kanilang relasyon. Sa unang pagkakataon ay nahawakan na rin ni Aling Salve at Mang Ramon ang kanilang apo kay Michelle.

Pinatunayan ni Michelle at Sef na hindi hadlang ang kanilang sitwasyon upang hindi sila umasenso sa buhay. Dahil ang tunay na pag-ibig ay hahamakin ang lahat para lang sa makamit ang magandang buhay.