Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Magulang ang Lalaki na Magpakasal sa Mayamang Babae, Naging Miserble ang Buhay Nito na Labis Pinagsisihan ng Kanyang Ama

Pinilit ng Magulang ang Lalaki na Magpakasal sa Mayamang Babae, Naging Miserble ang Buhay Nito na Labis Pinagsisihan ng Kanyang Ama

“Sige na anak, mabilis kang yayaman kapag nagpakasal ka kay Andrea. Mayaman ang pamilya niya at sumakto pang patay na patay siya sayo.” “Pero ‘tay, may iba na po akong mahal. Si Ailyn po ang gusto ko. Siya po ang gusto kong pakasalan.” Galit na kinuyom ng kanyang ama ang kamao, “Hindi mo ba maintindihan? Minsan lang dumating sa buhay ng mahihirap ang oportunidad na ito. Ikaw pa ba ang may ganang mamili kung mayaman na babae na ang lumalapit sayo?” Napailing ang binata, “Ayoko po talaga ‘tay. Kilala po ang pamilya nila bilang matapobre. Ayoko pong mapabilang sa ganoong klaseng pamilya.” Umaktong naninikip ang dibdib ng ama, “Bahala ka na sa buhay mo. Hayaan mo nalang akong mamatay bilang isang mahirap.” Nalungkot si Vincent sa narinig. Hindi niya lubos-maisip na parang binebenta siya ng ama ngayon dahil lamang sa yamang nakaamba mula sa pamilya ni Andrea. Hindi niya rin kasi malaman kung bakit ayaw siyang tantanan ng dalaga. Ilang beses niya nang sinabi dito na ayaw niya ang ideya na ikasal sila. Bukod kasi sa magkaiba ang estado nila sa buhay ay hindi niya rin mahal ang dalaga. Oo at magkaibigan sila noong bata sila, pero nagbago na iyon simula nang makita niya ang tunay na ugali ng dalaga. Mapagmataas rin ito tulad ng mga magulang nito. At isa pa’y mahal niya si Ailyn na halos tatlong taon na niyang kasintahan. Pero isang trahedya sa buhay nila ang nakapagbago sa matigas niyang pagtanggi. Inatake sa puso ang kanyang ama at napilitan silang tanggapin ang perang in-offer ng pamilya ni Andrea. Sa pag-aakalang utang iyon ay pumayag na rin si Vincent na ma-operahan ang ama gamit ang pera nina Andrea. Pero nang makarecover ang ama niya ay nagulat nalang siya nang bigla niyang maabutan ang ama na bihis na bihis, “Saan ang punta mo ‘tay?” “Saan pa? Edi mamamanhikan sa future wife mo.” Gulat siya sa tinuran nito. Agad niya naman itong kinontra pero napatigil siya sa sumunod na sinabi nito, “Noong tinanggap mo ang pera nila noon, para mo na ring sinabing gusto mong magpakasal sa anak nila.” Ang sakit ng dibdib ni Vincent. Napakabilis ng pangyayari. Dahil nasaktan rin ang kanyang nobya sa balitang ikakasal na siya sa iba ay nagpakalayo-layo ito. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi pikit-matang sundin ang kagustuhan ng ama–ang magpakasal sa babaeng hindi niya mahal. Lumipas ang panahon, naging maayos sa una ang buhay may-asawa nila ni Andrea. Nagkaroon siya ng magandang trabaho, at nabigyan niya rin ng maalwan na buhay ang ama. Ngunit isang gabi’y nahuli niya ang asawa sa kanilang balkonahe na may kahalikang iba. Tila natapakan ang kanyang pagkalalaki kaya kinumpronta niya ito. Hindi niya naman akalaing kakampihan pa ito ng mga byenan niya. Simula noo’y naging alipin na siya sa tahanan ng mga ito. “Inutil ka! Hindi aasenso ang buhay nito kung hindi dahil sa pamilya namin!” Rinig na rinig ng ama ni Vincent ang pang-aalipusta sa anak niya. Doon niya napagtanto kung anong pasakit ang ibinigay niya sa anak. Hindi lamang kasi isang beses niya narinig iyon sa mga balae niya. Hindi niya lang lubos maisip na makikita niya ngayon ang luha ng anak na kailanman ay hindi niya nakita dito. Hindi lamang niya naisip na mali ang ginawa niya sa anak, kundi nagsisi rin siya sa tila pagbebenta niya sa kinabukasan ng nag-iisa niyang anak.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement