Inday TrendingInday Trending
Nag-apply sa Kaniyang Kompanya ang Taong Dating Nang-api sa Kaniya; Nakapagtatakang sa Kabila Niyon ay Tinanggap Pa rin Niya Ito!

Nag-apply sa Kaniyang Kompanya ang Taong Dating Nang-api sa Kaniya; Nakapagtatakang sa Kabila Niyon ay Tinanggap Pa rin Niya Ito!

“Why should I hire you?”

Iyon ang bungad na tanong ng interviewer sa binatang si Wilson na agad na nagpanginig ng kaniyang tuhod. Kanina ay ayos naman siya, ngunit nagbago ang kaniyang pakiramdam nang makita niya ang poster ng may-ari ng kumpanyang ngayon ay kaniyang pinag-a-apply-an.

Nalaman niya kasi na ang may-ari pala ng kompanyang iyon ay ang taong noon ay inaapi-api lang niya! Si Edison na anak ni Aling Mila. Dati itong nangungupahan sa kanilang apartmet kaya naman kung umasta siya rito ay akala mo kung sino. Binu-bully niya noon dati si Edison dahil sa pagiging napakamahirap ng buhay nito. Ipinagtataka niya nga kung papaanong nag-iba ang takbo ng buhay nito ngayon!

“Okay, Mr. Wilson, tatawagin ka na lang namin.”

Natapos ang interview na wala man lang matinong naisagot si Wilson. Dahil doon ay alam niyang hindi na talaga siya matatanggap. Nawawalan na siya ng pag-asa. Ni hindi niya alam kung saan pa siya maghahanap ng pag-a-apply-an! Kailangang-kailangan niya ngayon ng trabaho lalo’t malapit ang mangana sa kanilang panganay ang kaniyang kinakasama.

Pinagsisisihan tuloy ni Wilson na naging masama ang trato niya noon sa dating kapitbahay na si Edison na napag-alaman niyang anak pala ni Aling Mila sa isang mayamang binata. Hindi niya akalain na ang inaasar-asar at inaapi-api lang niyang kapitbahay noon ay anak pala ng isang bilyonaryo.

“Ano kamo? Si Edison ang may-ari ng pinag-apply-an mo kanina?” nasapo ng kaniyang ina ang noo nito matapos ikuwento ni Wilson ang kaniyang nalaman. “Huwag ka nang umasang tatanggapin ka n’on. Malamang, galit ’yon sa ’yo dahil sa mga ginawa mo sa kaniya noon. ’Yan ang sinasabi ko sa ’ýo, e! Napakasama kasi ng ugali mo sa mag-inang ’yon kahit anong saway ko sa ’yo. O, kita mo? Anong inaabot mo ngayon? Karma!” pagbubunganga sa kaniya ng kaniyang ina.

Hindi sumagot si Wilson dahil kahit siya ay ganoon din ang iniisip. Kung maibabalik lamang niya ang nakaraan ay hindi niya gagawin ang mga ginawa niya sa dating kapitbahay at kababata.

Lumipas na naman ang isang araw ngunit wala pa ring nahahanap na trabaho si Wilson. Sumalampak siya nang upo sa kanilang higaan upang sana’y magpahinga, ngunit biglang tumunog ang telepono sa kaniyang bulsa…

“Hello?” kunot-noong ani Wilson sa kausap sa kabilang linya.

“Hello, ito po ba si Sir Wilson?”

“Opo, ako nga po,” pagkukumpirma naman ni Wilson.

“Hi, sir! Inform ko lang po na for requirements na po kayo at p’wede na po kayong mag-start once na makumpleto n’yo na ang mga ’yon,” sabi naman ng nasa kabilang linya na agad na ikinapanlaki ng mga mata ni Wilson. Nagpakilala ang babaeng kausap niya na mula ito sa kompanyang pagmamay-ari ni Edison!

Hindi niya akalaing tatanggapin siya ng mga ito! Agad niya iyong binalita sa kaniyang ina at buntis na kinakasama at laking tuwa ng mga ito.

Kinakabahan man ay agad na nagpasa ng kaniyang mga requirements si Wilson. Hindi niya maiwasang isipin na kaya lamang siya tinanggap sa kompanya ay upang magantihan siya ni Edison, ngunit pinilit niya iyong alisin sa kaniyang isip…

“Bahala na,” aniya pa sa sarili.

Ngunit nang mag-umpisa si Wilson sa trabaho ay napag-alaman niyang hindi totoo ang kaniyang hinala! Nakita niya kung gaano kabuting boss si Edison sa mga empleyado nito, maging sa kaniya na rin. Minsan ay nagtataka si Wilson kung hindi ba nito naaalala ang mga nagawa niya rito noong sila ay bata pa kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon ay kinausap niya ito…

“Sir Edison, naaalala n’yo pa po ba ako?” bungad niya nang minsan ay magkasabay sila ng kaniyang boss sa canteen.

“Oo naman,” nakangiting tugon lamang nito sa kaniya.

“Sir, bakit hindi po kayo galit sa akin? Bakit tinanggap n’yo pa rin ako rito sa kompanya n’yop kahit noon ay inaapi-api ko kayo?” deretsahang tanong niya ulit na nagpatawa sa kaniyang boss.

“Kasi, nakita ko namang nagbago ka, e. Alam mo, hindi masamang magpatawad at magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga taong nagkasala sa ’yo. Minsan, iyon pa nga ang makapagpapagaan ng loob natin,” sagot naman ni Edison na bakas ang sinseridad sa tinig.

“Sir, ang totoo po, gusto kong humingi talaga sa inyo ng tawad at magpapasalamat na rin ako para sa pagbibigay ng pagkakataon sa akin. Habang-buhay kong tatanawing utang na loob ang pagdating n’yo sa mga panahong kailangang-kailangan ko ng tulong.” Sa wakas ay nakahingi rin si Wilson ng tawad kay Edison na matagal na rin niyang gustong gawin.

Isang tapik naman ang tugon ng kaniyang boss. Isang pahiwatig na para rito ay ayos na ang lahat.

Advertisement