
Wala nang Ibang Malapitan ang Babae Kaya Naisipan Niyang Umutang sa Kaibigan; Ikasisira pala Iyon ng Kanilang Pinagsamahan
Problemadong-problemado si Desirei nang mga sandaling iyon. Natutuliro siya at hindi alam ang kaniyang gagawin. Wala siyang ideya kung saan siya kukuha ng perang ipambabayad sa pagpapaospital ng kaniyang anak na bigla na lamang inapoy ng lagnat at nalaman nilang na-dengue pala.
Tulala ang babae habang naglalakad. Kanina pa niya iniisip kung saan siya maaaring kumuha ng perang gagamitin sa pambayad nila ng bills sa ospital. Mag-isa pa man din niyang binubuhay ang kaniyang anak dahil hindi naman ito pinanagutan ng ama nito.
Biglang naalala ni Desirei ang kaibigang si Nicole na kamakailan lamang ay kaniyang nakasalubong sa daan. Kauuwi lamang nito sa Pilipinas mula sa ilang taon ding pag-a-abroad. Inalok kasi siya nitong pera dahil anito’y nagpapatubuan daw ito ng pautang. Noon ay natatandaan niyang tinanggihan niya pa nga ito nang malaman kung gaano kalaki ang interes na sisingilin nito. Daig pa nito ang five-six! Ngunit ngayon ay mukhang kakailanganin niyang kumapit sa patalim dahil kapalit na niyon ang buhay ng kaniyang anak.
Lumapit nga si Desirei sa kaibigan. Kahit hating gabi na ay kinapalan na niya ang kaniyang mukha na kumatok sa bahay nina Nicole upang doon ay humiram ng pera.
“Nicole, pasensiya ka na, ha? Isinugod lang kasi namin ngayon sa ospital ang anak ko. Hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng perang pambayad namin sa ospital ngayon para lang masalinan ng dugo ang anak ko,” ang umiiyak na ani Desirei sa kaibigan na agad namang nagpakita ng simpatya sa kaniya.
“Huwag kang mag-alala, ayos lang ’yon. Sanay na kami sa ganiyan,” sagot naman nito sa kaniya na hinagod pa ang kaniyang balikat.
“O, ito, ha? Ipapahiram ko sa ’yo itong limang-libo, pero alam mo na kung ano’ng kalakaran natin, ha? Dalawang libo ang tubo ko sa limang libo, every month. Makakaulit ka naman sa akin, basta huwag ka lang papalpak ng hulog,” nakangiting dagdag pa ni Nicole sa kaniya at wala nang nagawa pa si Desirei kundi ang tanguan iyon.
Sa awa ng Diyos ay naiuwi naman niya nang ligtas ang kaniyang anak. Iyon nga lang ay halos malugmok naman siya dahil sa laki ng pagkakautang niya kay Nicole. Todo kayod na noon si Desirei ngunit talagang hindi sapat ang kaniyang kinikita upang punan ang lahat ng kanilang gastusing mag-ina. Sa pang-araw-araw na lamang niya ay kulang pa ang kaniyang kinikita kaya naman halos wala rin siyang naipon hanggang sa dumating na ang due date ng kaniyang pagkakautang kay Nicole.
Hindi siya kaagad nakapagbayad dahil ang kaniyang delihensya ay sa susunod na linggo pa niya makukuha. Papunta na sana siya sa bahay ng kaniyang kaibigan ngunit naunahan na siya nito. Sinugod ni Nicole si Desirei ang sa kaniyang bahay at doon ay gumawa ito ng eskandalo!
“Hoy, Desirei! Hindi ba at usapan nating ngayon ka magbabayad sa limang libong inutang mo sa akin? Nasaan na?!” nanggagalaiting sigaw nito sa kaniya.
“E-e, ito nga at papunta na sana ako sa inyo. Makikiusap sana ako sa ’yo na baka pwedeng habaan mo na lang muna ang due date ko,” mapagkumbabang pakiusap naman niya rito.
“Ay, naku, hindi! Wala akong pakialam kung kaibigan kita! Ang utang ay utang. Magbayad ka na ngayon din!” hiyaw naman ni Nicole.
Mabuti na lamang at nakita ng kanilang kapitbahay ang nangyayaring iyon kaya naman naawa ito kay Desirei at ito na ang nagbayad muna ng pagkakautang nito kay Nicole. Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi na muling nagkausap pa ang dalawa. Tuluyan nang nasira ang pagkakaibigan ni Desirei at Nicole dahil sa utang.
Ang totoo ay sinamantala lamang naman talaga ni Nicole ang pangangailangan at pagkadesperado ng kaibigan upang ito ay kaniyang malamangan sa ngalan ng pera. Wala siyang pakialam sa pinagsamahan nila noon dahil sa kaniyang katuwiran ay hindi naman siya mapapakain ng awa. Samantalang si Desirei naman ay naghihirap dahil na rin sa pagiging matigas ng ulo niya noon. Nagpabuntis siya nang maaga, tuloy ay hirap na hirap siya sa buhay dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Dahil doon ay madali lamang siyang maloko ng mga taong katulad ni Nicole.
Nalaman ng mga autoridad ang ilegal na pagpapatubo ni Nicole sa kaniyang mga pautang dahil sa sobra-sobrang insteres na kaniyang kinukulimbat sa kaniyang mga kliyente. Dahil doon ay nahaharap ito ngayon sa kaso.