Biglang Nagparamdam Muli sa Lalaki ang Unang Asawa at Ipapahiram pa Raw sa Kaniya ang Anak Nila, Nakakagulat Pala ang Dahilan ng Babae

“Carl, mukhang malalim ‘yang iniisip mo? Anong mayroon?” tanong ni Shen sa lalaki nang maabutan na naman niyang tulala ito.

“Wala, wala naman. Iniisip ko lang ang anak ko, sana huwag mong masamain,” sagot ng lalaki sabay tindig at ngumiti sa babae.

“Ano ka ba, hindi naman, mas gusto ko pa nga ‘yung ganito ka na nagsasabi sa akin ng totoo. Tungkol ito sa paparating na kasal ni Mary Rose? Ano ba talagang mayroon? Kasi napansin ko na simula nang malaman mong ikakasal na siya ay napapadalas ang pagtulala mo. Mahal mo pa, ano!?” naglolokong tanong ni Shen dito.

“Naku, mamaya e tayo pa ang mag-away kapag sinabi ko ang totoo. Ayan ka na naman sa mga mahal mahal mo e,” iling ni Carl dito.

“Hindi, biro lang, sige na sabihin mo sa akin ano ba talagang mayroon,” seryosong sambit ni Shen at umupo ito sa harapan ng lalaki saka ngumiti. Saglit naman na tumitig si Carl dito saka huminga nang malalim.

“Hindi ko na matandaan kung kailan niya ako unang kinausap pero parang may problema na hindi ko maintindihan. Palagi niyang sinasabi na magkita raw kami at kuhanin ko ang anak namin,” unang siwalat ni Carl at halatang nag-aalinlangan ito na magsalita.

“O, himala at ipapahiram niya ang anak mo sa iyo? Ayaw mo ba?” tanong naman kaagad ni Shen sa kaniya.

“Ayon na nga ang ipinagtataka ko, pahirapan pa ako noon kapag hihiramin ko ang anak namin pero simula noong tinawagan niya ako ay pakiramdam ko’y may gusto siyang sabihin na hindi niya masabi. Tapos ang huli pa naming pag-uusap ay gusto na raw nga niyang makipaghiwalay sa Hapon na iyon kaya nagtataka ako ngayon na biglang ikakasal na sila,” saad pang muli ng lalaki.

Advertisement

Napatango-tango muna ang babae at saglit na natahimik.

“Kung sa tingin mo may problema, baka may problema nga talaga at kung gusto mo siyang puntahan ay ayos lang sa akin,” ngiting wika ni Shen sa lalaki at saka ito tumayo.

Limang taon na rin na magkarelasyon ang dalawa at hindi naging madali para kay Shen ang katayuan niya sa pagtanggap kay Carl dahil bukod sa komplikado ang relasyon nito sa dating asawa ay pakiramdam niya’y hindi siya kailanman naging una sa puso ng lalaki dahil may anak na ito. Kaya naman madalas nilang pag-awayan ang unang pamilya ng lalaki, ngunit ngayon ay buong puso siyang nagparaya at binigyan ito ng kaluwagan. 

Kinaumagahan ay umalis din kaagad ang lalaki at pinuntahan ang dati niyang pamilya, halos tatlong oras din ang byahe habang punong-puno ng katanungan sa kaniyang isipan. Ngunit pagkarating pa lamang niya’y bigo kaagad si Carl dahil ang asawang Hapon kaagad ang nakita nito.

“Wala! Alis!” sigaw sa kaniya ng lalaki at nagpaliwanag man siya’y hindi ito pumayag na makita niya ang kaniyang mag-ina.

Biglang nag-ring ang kaniyang telepono.

“Carl, huwag kang umalis, please nandito ako sa loob ng bahay. Hintayin mo ako sa malapit na coffee shop. Lalabas ako, hintayin mo ako, please,” pagmamakaawa ni Mary Rose sa kaniya. Tatanungin pa sana ng lalaki kung ano ang problema ngunit mabilis na naibaba ang telepono.

Mas lalo naman kumabog ang dibdib ni Carl at tinawagan si Shen upang ikwento ang nangyari sabay nagpaalam na rin na baka umagahin ito. Hindi naman na nagsalita pa si Shen at aminadong marami na rin siyang naiisip pa tungkol sa dalawa. Alam ni Carl na gulo ang aabutin niya sa dalawang babae ngunit mas pinili niyang maghintay kay Mary Rose. Halos anim na oras na ang lumipas ngunit walang kahit anino man lang ng dati niyang asawa ang lumitaw at malapit na rin magsara ang coffee shop kaya naman napagpasyahan na ng lalaki na umalis.

Advertisement

Ngunit pagtayo niya ay may babaeng lumapit, nakasuot ito ng jacket at sumbrero.

“Carl, tulungan mo ako,” wika kaagad ng babae at umupo sa tapat niya.

“Kahit anong mangyari ay kailangan mong maisama si Sharmaine ngayon! Huwag kang aalis na hindi siya kasama,” dagdag pang pakiusap ni Mary Rose sa kaniya.

“Ano ba talaga ang nangyayari?” galit na tanong ng lalaki rito ngunit imbes na magsalita ay kaagad na yumapos sa kaniya si Mary Rose at umiyak nang umiyak.

Doon na isiniwalat ng babae ang kaniyang pinagdaraanan. Minomol*stiya at pinagsasamantalahan siya ng kaniyang kinakasama at binalaan siya na kapag hindi pumayag sa pagpapakasal ay isusunod ang anak nito. Kung magsumbong man daw ang babae sa kinauukulan ay sisiguraduhin nitong tatapusin ng lalaki ang lahat ng kamag-anak ni Mary Rose. Puno ng takot ang babae at ramdam na ramdam iyon ni Carl. Kaagad din na umalis si Mary Rose at nagmamadali.

Hindi malaman ni Carl kung paano niya babanggain ang malaking taong katulad ng kinakasama ng dati niyang asawa ngunit mas nangibabaw ang kaniyang pagiging ama. Kaagad siyang lumapit sa kinauukulan at humingi siya ng tulong. Gumawa naman kaagad ng plano kung paano sasagipin si Mary Rose at ang anak nito. Hindi nagtagal ay nasagip ang mag-ina at naaresto ang lalaki.

Ngayon ay nasa pangangalaga ni Carl ang kanilang anak habang nagpapagaling si Mary Rose at nagpapagamot. Hindi nagtagal ay naging magkaibigan sina Shen at Mary Rose at mas napatunayan ni Shen na hindi lahat ng unang pamilya ay naninira ng pangalawang pamilya. Kasabay rin ng pagtanggap niya sa anak ni Carl ay mas naramdaman niyang mas minahal siya ng lalaki. Habang si Mary Rose naman ay masayang-masaya dahil nakalaya siya sa relasyong matagal na siyang nakakulong. Galit na galit siya noon kay Carl at ipinangako na ipagdadamot ang anak nila sa lalaki ngunit iba rin pala talaga ang relasyon ng totoong ama. Wala na siyang mahihiling pa ngayon kung ‘di ang maayos na relasyon nila bilang mga magulang ng kanilang anak.