Malakas ang Kutob ng Baguhang Pulis na Inosente ang Lalaking Dinampot ng mga Kasamahan Kung Kaya Hindi Siya Nagpatinag sa Pagtuklas ng Katotohanan
“Hindi po totoo ang ibinibintang nila! Inosente po ako! Maniwala po kayo, sir.” Sigaw ni Nato sa mga pulis na nagpasok sa kaniya sa selda.
Iyan ang palaging sinasabi ng mga kriminal tuwing nahuhuli sila ng mga pulis, inosente. Hindi na bago ito kay Henry. Kung palagi niyang paniniwalaan ang lumalabas sa kanilang mga bibig ay malamang ay ilan beses na siyang nauto ng mga ito.
Iba naman ang palagay ni Greg. Dalawang taon pa lang siya sa serbisyo. Alam niyang hindi pa sapat ang kaniyang karanasan pero malakas ang kutob niya na nagsasabi ng totoo si Nato. Kung titignan mo ang panlabas niyang anyo ay mukha siyang basagulero at walang direksyon ang buhay. Pero kung tititigan mong ang kaniyang mga mata, wala kang maaaninag ni katiting na kasinungalingan. Duda si Greg sa asset ni Henry. Pakiramdam niya ay may itinatago ito.
Wala pang bente-kwatro oras si Nato sa kulungan ay nagkagulo na sa kinalalagyan niyang selda. Napilitan ang mga pulis na itakbo siya sa pinakamalapit na ospital sa lala ng pinsalang sinapit niya mula sa pangbubugbog ng mga kakosa niya sa selda. Tikom ang bibig ng mga ito. Walang gustong magsalita.
“Sabi ko naman sa iyo, eh. Huwag kang magpapadala sa mga salita nila. Malamang may ginawa iyan kaya napaginitan sa loob.”
Hindi pa rin mapalagay ang loob ni Greg. Hindi siya kumbinsido na may sala si Nato kaya gumawa siya ng sarili niyang imbestigasyon para mapanatag ang kaniyang kalooban.
Kinausap ni Greg ang mga kamag-anak, malapit na kaibigan, at iba pang tao na nakakakilala kay Nato. Lahat ng ibinibintang ng asset kay Nato ay kabaliktaran sa mga sinasabi nila. Isa lang ang kanilang bukang-bibig.
“Inosente si Nato.”
Dinalaw ni Greg si Nato sa ospital na pinagdalhan sa kaniya para kunin ang kaniyang panig. Sa kaniyang pakikipag-usap sa binata ay napatunayan niyang tama ang kaniyang hinala at ang mga sinasabi ng tao sa kaniya, wala itong maitim na buto sa katawan. Puno ng galang ang binata habang mahinahong sinasagot ang kaniyang mga tanong. Ipinaalam din sa kaniya ni Nato na wala siyang nakaaway o nakagalit man lang na tao.
Paalis na sana si Greg nang biglang may naalala si Nato.
“Hindi ko po alam kung may koneksyon sa nangyari sa akin pero noong isang linggo ay may tinulungan po akong babae na binubugbog ng isang lalaki. Hindi ko po nakita ng mabuti yung mukha ng lalaki pero dinala ko yung babae sa ospital.”
Nahirapan si Greg na hanapin ang babae dahil nagtatago ito pero sa bandang huli ay nakita niya rin ito. Sa una ay ayaw nitong magsalita pero nung sinabi niya ang sinapit ni Nato na siyang tumulong sa kaniya ay nakumbinsi niya rin itong ilahad ang kaniyang nalalaman.
Mas naging maingat si Greg sa ginagawang niyang imbestigasyon matapos niyang makausap ang babae. Ang akala niya ay simple lang ang kaso ni Nato pero nagkakamali siya kaya nang matapos niya ang pagiimbestiga ay dumiretso siya sa hepe ng kanilang estasyon para ilahad ang kaniyang natuklasan at bago pa lumubog ang araw ay inaresto na nila ang mga kriminal.
“Henry, inaaresto ka sa pamamagitan ng kautusan ng pag-aresto. Ikaw ay may karapatang manahimik o magsawalang kibo. Anuman ang iyong sasabihin ay maaaring gamiting pabor o laban sa iyo sa anumang hukuman. Ikaw ay mayroon ding karapatang kumuha ng tagapagtanggol na iyong pinili at kung wala kang kakayahan, ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan. Nauunawaan mo ba ito?”
Si Henry ay protektor ng isang sindikato ng prostitusyon. Ang babaeng nasagip ni Nato ay isang biktima ng kidnapping at nakatakdang ibenta sa kaniyang buyer. Nasa akto ito ng pagtakas mula sa kaniyang handler nang nakita siya ni Nato. Sa pag-aakalang si Nato ang magiging dahilan ng pagkakatuklas ng kanilang illegal ng operasyon ay frinameup nila ito bago pa sila mabulilyaso.
Laking pasasalamat ni Nato kay Greg dahil pinakinggan nito ang kaniyang pakiramdam. Kung hindi dahil sa kaniya ay baka nabulok na siya sa kulungan.
Si Henry naman ay napilitan ibulgar sa mga pulis ang lahat ng tungkol sa sindikato. Umaasa siya na sa ginawa niyang pag-amin ay maproprotektahan siya ng mga pulis. Natatakot siya na baka ipapatay siya dahil sa kaniyang mga nalalaman.
Isa magandang ehemplo si Greg sa mga kapwa niyang pulis na dapat ay maging matapat sila sa sinumpaan nilang tungkulin. Bunga ng kaniyang masusing imbestigayon ay nagawaran ng medalya si Greg. Tumaas din ang kaniyang ranggo. Higit sa lahat ay nabigyan niya ng hustisya ang mga biktima ng sindikato.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!