Isang-Kahig, Isang-Tuka ang Kinalakhang Buhay, Imbes na Sumuko ay Isang Regalo pa ang Inihanda niya sa Kanyang Inang OFW
Si Joseph ay nag-iisang anak nina Jasmin at Robert. Ang kanilang pamilya ay masasabing isang-kahig, isang-tuka. Ang kanyang amang si Robert ay isang mangingisda lamang, samantalang ang asawa nitong si Jasmin ay tindera ng isda sa palengke. Kung mamalasing bagyuhan ay walang huli ang kanyang mister, wala rin siyang matitinda sa palengke. Parati ring tinutukso si Joseph sa eskwelahan dahil sa trabaho ng mga magulang, “Amoy isda! Ang lansa mo, Joseph! Maligo ka naman!” Dahil doo’y wala siyang naging kaibigan sa eskwela. Parati siyang nag-iisa at nagbabasa sa library. Doon kasi ay tahimik at walang manggugulo sa kanya. Mahilig siyang magbasa at maraming kaalaman ang nakukuha niya sa pagbabasa. Tuwing walang pasok ay tumutulong rin siya sa kanyang ina sa pagtitinda. Ito ang naging dahilan kung bakit lalo siyang tinutukso ng mga kaklase tuwing nakikita sa palengke. () “Joseph, lansa! Joseph, lansa! Joseph, lansa!” Palagi siyang pinapayuhan ng kanyang ina na huwag pansinin ang mga ito, “Palagi mong tandaan anak, “Huwag mong itanim sa isip mo ang mga sinasabi nila. Gawin mong motibasyon ang mga ‘yan para magtagumpay sa buhay.” Isang gabi ay pumalaot na sina Robert at mga kasamahan nitong mangingisda. Madaling araw nang magising si Jasmin dahil sa lakas ng ulan. Hindi niya na ginising ang anak dahil may pasok pa ito kinabukasan. Taimtim na lamang siyang nagdasal. Ngunit tila hindi iyon dininig dahil kinabukasan ay isang masamang balita ang sumalubong sa kanya. “Jasmin! Ang asawa mo!” Hindi daw kinaya ng bangka ang malakas na hangin, alon at ulan kaya naman nasira ang bangka at natangay si Robert ng malakas na alon. Patanghali na nang matagpuan ng mga rescuers ang malamig na bangkay ni Robert. Iyak nang iyak ang mag-ina. Parang mababaliw na si Jasmin sa mga problemang kinakaharap. ‘Ni hindi na nga nila mairaos ang pang-araw araw na pamumuhay ay nilisan pa sila ng asawa niya. Nilapitan siya ng anak, “Nay huwag kang susuko. Ikaw na nga po nagsabi diba? Na gawin nating motibasyon ito para magtagumpay tayo sa buhay. Hindi dito natatapos ang buhay ‘nay, nandito pa po ako.” Tila natauhan si Jasmin sa sinabi ng anak. Ilang linggo ang lumipas at nagdesisyon si Jasmin na tanggapin ang alok ng kapatid na magtrabaho bilang katulong sa abroad. “James, ikaw nang bahala sa anak ko ah. Huwag mong pababayaan si Joseph,” ibinilin niya ang anak sa bunsong kapatid. Nagtatrabaho si James bilang kargador sa palengke at wala pa itong sariling pamilya. Pero kahit ganoon, ay mabait naman ito sa pamangkin at hindi ito pinapabayaan. Buwan-buwan nagpapadala si Jasmin sa kapatid at anak. Dahil alam ni Joseph kung anong hirap ang dinaranas ng ina sa Saudi ay mas lalo niyang ginalingan ang pag-aaral. Hindi na rin siya nagpapaapekto sa mga sinasabi ng mga kaklase. Hanggang sa makarating siya ng kolehiyo ay kumuha siya ng isang part-time job upang matulungan din kahit papaano ang ina sa pantustos sa kanyang pag-aaral. Mahirap man para sa kanya ang lumaking walang mga magulang sa tabi, sinikap niyang makapagtapos ng pag-aaral. Isang magandang balita pa ang sinabi niya sa kanyang ina isang araw matapos ang kanyang graduation. “Anak, pasensya ka na ah hindi ako nakaattend sa graduation mo,” naluluha nitong sabi. “Okay lang po ‘yun ‘Nay,” naaawa siya sa kanyang inang halatang tumanda na sa paninilbihan sa ibang lahi. “Sa katunayan nga po’y may regalo ako sa inyo.” Inilabas niya ang diploma, medalya bilang Suma-Cum Laude at isang plane ticket, “Nay uwi ka na, may isang company na kinontrata na ako para sa isang magandang posisyon. At ito ang iniregalo nila sa akin,” tukoy niya sa plane ticket na hawak.”Return ticket mo po ‘Nay para makauwi dito. Nakausap ko na po ang amo niyo at na-fax mail ko na sa kanya ito.” Tuwang-tuwa si Jasmin sa mga regalong inihatid ng anak sa kanya. Imbes na siya ang magregalo sa graduation nito ay siya pa ang nasurpresa ng anak. “Salamat, anak. Napakaswerte ko sayo at sa tatay mo. Wala man siya ngayon sa paningin natin paniguradong nakikita niya tayo at masayang-masaya siya para sa atin.” Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.