Pagkakataon na Niyang Makaganti sa mga Nang-aapi sa Kaniya; Ngunit Tinulungan pa Niya Sila

Pang-iinsulto na naman ang ibinungad ng grupo ng barkadahan nina Harold kay Philip, habang sila ay nakapila sa canteen. Lunch break na nila ngayon kaya naman naroon silaʼt nakaistambay doon.

Napahinga nang malalim ang binata at halos manlumo nang makita ang magbabarkada. Ito na naman kasi ang kaniyang kalbaryo.

Iiwasan na lang sana niya ang mga ito kaya nilampasan niya na lang ng paglalakad ang magbabarkada.

“Abaʼt mukhang papalag na sa atin itong si taba, ah?” pasaring pa Harold sa kaniya.

Ngunit nagpatuloy lamang si Philip sa paglalakad dahil ayaw niya ng gulo. Ang ginawa ng isa sa mga katropa ni Harold ay tinisod siya nito, dahilan upang siyaʼy mapasalampak sa sahig!

“Balang araw, makakaganti rin ako sa inyo,” bulong ni Philip sa isip-isip niya habang naluluhang tumatayo mula sa pagkakasubsob.

Pinulot niya ang kaniyang mga nahulog na gamit at nagpasiyang hindi na lamang talaga sila patulan. Paalis na sana siya sa pilang iyon, nang mapansin niya ang isang lalaki na nilalaslas ang bag ng babaeng kasunod nito sa paglalakad! Kinuha nito mula roon ang wallet at cellphone ng babae at inilagay iyon sa bag ni Harold. Wala namang kamalay-malay ang naghahagikhikan pa ring magbabarkada sa nangyari dahil naghaharutan ang mga itoʼt patuloy pa rin siyang pinagtatawanan.

Sa takot ay minabuti na lamang ni Philip na manahimik. Ayaw niyang mapagbalingan ng galit dahil baka pati siya ay gawan ng masama ng lalaking may hawak na patalim. Tutal ay may CCTV naman doon at makikita naman ng mga ito ang tunay na salarin.

Advertisement

“Mga magnanakaw kayo!”

Maya-maya pa ay nagkaroon na ng komosyon sa canteen nang malaman na ng babae ang nangyari sa kaniyang bag.

“Anong kami? Hindi kami ang kumuha noʼn!” dipensa naman nina Harold.

“Kayo lang ang kasunod ko sa pila at alam naman ng lahat na kayo lang ang may lakas ng loob na gumawa ng ganito!” galit na galit ang babae kina Harold. Kilala kasing bully ang mga ito kayaʼt mabilis na nag-isip itong sila nga ang nagnakaw ng kaniyang mga gamit!

“Miss, huwag kang mambintang! Hindi kami ang gumawa niyan sa bag mo!” muli ay protesta ni Harold, ngunit huli na ang lahat dahil may tumawag na pala ng mga guard upang dalhin ang barkadahan nila sa office ng kanilang principal.

“Sir, wala po akong ginagawa. Pakitingnan po ang CCTV para malaman nʼyo!” Nagsisisgaw sina Harold.

“Walang CCTV footage dahil may sumira ng CCTV kaninang umaga. Kayo lang naman ang may lakas ng loob na gawin iyon!” saad ng guwardiya ng kanilang school. Maging ang mga itoʼy ganoon din talaga ang hinala.

“Maniwala naman kayo! Hindi kami iyon!”

Advertisement

Halos manlumo na ang mukha ni Harold at ng mga kasamahan nito dahil ayaw silang paniwalaan ng kahit sino.

Dapat nga ay natutuwa si Philip sa mga nangyayari. Dapat nga ay pinagtatawanan niya ang mga ito! Ngunit bakit mas nakadarama siya ng awa? Bakit mas ginugulo siya ng konsensiya na dapat ay sabihin niya ang totoo upang hindi sila mapahamak?

Likas talaga ang kabutihan ni Philip… at sa palagay niya ay iyon na lamang ang kaniyang igaganti. Ang kabutihan ng puso niya ang kaniyang pinakamalupit na ganti.

“Sir,” tinawag ni Philip ang guwardiya ng kanilang esluwela. “Nakita ko po ang buong pangyayari… hindi po sila Harold ang salarin,” pagsisiwalat pa niya.

Ikinagulat iyon ng grupo ng mga siga. Hindi nila inaasahang gagawin iyon ng kanilang paboritong bikima!

“Kung ganoʼn, sumama ka rin sa amin sa principalʼs office para makapagbigay ka ng statement.” Tango lang ang isinagot ni Philip sa sinabi ng guwardiya.

Isiniwalat niya ang kaniyang nakita simula sa umpisa na agad namang pinaniwalaan ng kanilang principal. Bukod kasi kay Philip ay may ilan ngang nakakita sa salarin na lumapit sa puwesto nila sa pilahan noon.

Napawalang sala sina Harold at ang mga kabarkada nito na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin makapaniwalang tinulungan sila ng taong lagi nilang inaapi.

Advertisement

Wala nang mukhang maiharap pa ang magbabarkada kay Philip, lalo na nang magharap-harap sila. Kinain sila ng matinding konsensiya at doon ay tanggal ang kanilang mga pagkasiga.

Samantalang si Philip ay patuloy na naging mabuting tao. Natutunan niyang ang pinakamalupit na ganti sa mga mapang-api ay ang kabutihan.

‘Ika nga ng isang kasabihan, k*ll them with kindness!