Inakala ng Binata na Mangkukulam ang Dalagang Nililigawan Niya, Tigagal Siya nang Masilip ang Kwarto ng Babae

Inakala ng Binata na Mangkukulam ang Dalagang Nililigawan Niya, Tigagal Siya nang Masilip ang Kwarto ng Babae

LoveMysteryStories

Sa susunod na pasukan ay nasa huling taon na ng kolehiyo si Andrew, kaya ngayong bakasyon ay sinusulit niya na ang pahinga. Tiyak niya kasing kapag nagsimula na ang klase ay subsuban na sa paggawa ng thesis at pag aasikaso sa graduation.

“Ma, basketball lang po ako,” paalam niya sa ina. Dinampot niya ang bola sa gilid, nagsuot ng rubber shoes at lumabas na.

“Bumalik ka bago maghapunan ha!” narinig niya pang pahabol ng mama niya.

Nagsimula na ang laro nila ng mga kapitbahay na halos kasing edad niya rin. Panalo na sana, isang shoot niya nalang pero napalingon siya sa bagong kapitbahay na kasalukuyang bumababa ng van.

“Pambihira naman p’re, akala ko makaka-three points ka na! Ano bang nangyari?” napapakamot sa ulo na tanong ni JR.

“Pasensya na p’re. Ako nalang ang magbabayad ng pusta natin, pass muna ako sa game 2,” sabi niya. Inabutan niya ito ng bente pesos at ipinasa ang bola rito. Tapos ay nagpupunas ng pawis na lumapit siya nang kaunti sa gate ng bago nilang kapitbahay.

Napansin niyang may mag-asawang bumaba kanina, pero ang pinaka-umagaw ng kanyang atensyon ay ang magandang dilag na naka-bestida.

Sinulyapan siya nito kanina kaya halos tumigil ang mundo niya, hindi tuloy niya nai-shoot ang bola.

Ang daming gamit ng mga ito, ang narinig niya pa ngang usap-usapan ay magbubukas raw ng parlor. Kaya naman pala pinabutasan ang harapang bahagi ng bahay na dating salas.

“Ano’ng sinisilip mo dyan?”

“Ay kalabaw!” napapitlag ang binata nang may biglang magsalita. Paglingon niya ay nasa likod niya na pala ang magandang dalagang naka-bestida.

“H-Hi! Ano, gusto ko lang sanang i-welcome kayo dito. Anything you need. A-Ako si Andrew,” nauutal na sabi niya.

Napangiti naman ang dalaga,”Matilda,”

Inabot nito ang kamay niyang nakababa upang i-shake hands pero inilayo iyon ni Andrew.

“Ano, wag, pawis eh.” nahihiyang sabi niya.

Mula noon ay naging magkaibigan na sila ni Matilda, unti-unti ay nahulog ang loob niya rito. Kahit na pasukan na at pareho na silang abala sa gawain sa eskwela dahil graduating rin ang dalaga, ay nagagawan pa rin nila ng paraan na magkita.

Isa pa sa hinangaan ni Andrew kay Matilda ay ang angking galing nito na maggupit ng buhok. Nagpatayo nga ng salon ang magulang ng dalaga at pag walang pasok ay ito mismo ang naggugupit roon.

“Sigurado ka ba dyan anak?” tanong ng mama ni Andrew, palabas na ang binata ngayon. May bitbit na meryenda at pupuntahan si Matilda.

“Saan po? Si mama, kaibigan ko lang ‘yun,” tanggi niya.

“Tigilan mo nga ako. Sa akin ka lumabas ako pa ang lolokohin mo. Ang sa akin lang ano, hindi naman lingid sa iyo ang usap-usapan ng mga kapitbahay na mangkukulam sila diba?”

Tama. Iyon nga ang kumakalat na tsismis sa lugar nila pero hindi naman siya naniniwala. May mangkukulam pa ba ngayon?

“Hindi naman totoo yan Ma. Kilala ko si Matilda,” paniniguro niya sa ina, kinindatan pa ang ginang na nagkibit na lamang ng balikat.

Di nagtagal ay naamin rin ni Andrew ang kanyang nararamdaman para sa dalaga, sa kabila ng lahat ng usap-usapan tungkol sa pamilya nito.

Ngayon ay opisyal na siyang nanliligaw kay Matilda. Pag bakanteng oras ay pinupuntahan niya ito sa salon at pinapanood na maggupit. Nakakabighani ang bilis ng kamay nito na lagyan ng style ang buhok ng mga customer.

“Alam mo, summer ngayon. Mas maganda siguro kung iksian natin ang buhok mo,” sabi ni Matilda sa isang babaeng customer. Kaunting pilit naman ay nakumbinsi rin ito.

Giliw na giliw ang dalaga, nang matapos ang gupitan ay masayang dinampot nito ang mga buhok sa sahig.

“Ako na, magpagpag ka na ng kamay,ayan lang naman ang basurahan.” kusa ni Andrew. Medyo nagtaka siya dahil kinamay nito at hindi winalis ang mga buhok.

“Ah hindi, ako na. Ako na’ng bahala. Upo ka nalang diyan,” tanggi ng dalaga at hindi idiniretso sa basurahan ang mga buhok, sa halip ay pumasok ito sa pinto na karugtong ng bahay ng mga ito.

Hindi na lamang kumibo si Andrew, pero nasundan na nang nasundan ang insidenteng iyon. May isang pangyayari pa na nahuli niya si Matilda na may hawak na ilang hibla ng buhok at isang malaking karayom habang naghihintay ng customer sa salon.

Ayaw niya sanang maniwala sa tsismis pero parang bumubulaga na sa kanya ang katotohanan. Hindi ba’t buhok ang ginagamit ng mga mangkukulam kung sakaling may gusto silang kulamin?

Ipupulupot iyon sa manika, tapos ay tutusukin ng karayom para masaktan ang biktima. Karayom na katulad ng nakita niya kay Matilda.

Isang gabi ay dumalaw muli si Andrew sa dalaga, hindi niya na napigil ang sarili at tinanong na ito.

“M-Mat, may gusto ka bang sabihin sa akin?” tanong niya. Tinatantya niya ang reaksyon nito.

Kumunot ang noo ng dalaga, tapos ay umiling.

Muling nagsalita si Andrew,”Curious lang ako, about doon sa buhok at karayom..”

“Actually, oo pala! May sasabihin pala ako sayo. Ginagamit ko ang mga iyon. Gabi nga lang, kasi iyon lang ang bakanteng oras ko. Effective, ang daming naaapektuhan. Tuwang-tuwa ako,” humagikgik pa ito.

Napuno ng kilabot ang pagkatao ni Andrew, hindi siya nakapagsalita. Nagulat na lang siya nang haltakin ni Matilda ang kanyang braso papasok sa loob ng bahay.

“Ipapakita ko sa’yo. Pero wag kang masyadong malikot doon, maraming karayom. Baka matusok ka,”

Kaunting siwang palang ang nabubuksan ni Matilda sa pinto ng isang madilim na kwarto, parang natanaw ni Andrew na may pugot na ulo ng lumang mannequin.

Diyos ko, sana kayanin niya.

“Tara na-“

“Sandali.” pigil niya sa dalaga.

Nagtataka namang napatingin ito, hinawakan niya ang babae sa dalawang balikat at nagsalita.

“Mat, gusto ko lang malaman mo na..h-hindi man ako sang ayon sa pangungulam nyo ng pamilya mo, t-tanggap kita kahit ano ka pa at mahal kita.” pikit mata niyang paliwanag rito.

Hindi niya maintindihan kung bakit parang narinig niyang humagikgik ang babae, binuksan na nito ang seradura ng pintuan.

Pagdilat niya ng mata ay hindi siya nakapagsalita. Punung-puno ng mannequin at peluka ang buong kwarto.

“Ito ang ginagawa ko sa mga buhok na nako-kolekta ko sa parlor, nagtatahi ako ng peluka. Ipinamimigay ko ng libre sa mga pasyenteng may kanser at nakakalbo na. Sobrang daming natutuwa kaya ang saya ko rin,” parang batang nangangarap ito, nakangiti pa at nakatitig sa mga picture na nakapaskil sa dingding.

Mga kuha iyon ni Matilda sa ospital kasama ang mga pasyenteng tinahian nito ng peluka.

Nayakap ni Andrew ang dalaga, grabe. Pinaghinalaan niyang mangkukulam, busilak naman pala ang puso.

Pagkatapos ng kanilang graduation ay sinagot rin siya ni Matilda, ilang taon ang hinintay ay nagpakasal rin silang dalawa.

Ngayon ay mayroon na silang tatlong anak, pero hindi tumigil ang misis niya sa paggawa ng mabuti. Nananahi pa rin ito ng peluka at ipinamimigay ng libre, kaya lalo niya itong minamahal.

More Stories