Inday TrendingInday Trending
Dinapuan ng Malubhang Sakit si Julie; To the Rescue ang Mga kaibigan Niyaʼt di Niya iyon Inaasahan

Dinapuan ng Malubhang Sakit si Julie; To the Rescue ang Mga kaibigan Niyaʼt di Niya iyon Inaasahan

“Mama, ayaw ko po sanang may makaalam nitong sakit ko,” iyon ang munting hiling ni Julie sa kaniyang ina, habang nakaratay sa ospital dahil dinapuan siya ng isang malubhang sakit.

Hindi sumagot ang kaniyang ina, bagkus ay malungkot lamang na tumango. Bakas ang sakit na nararamdaman nito sa kaniyang mukha, dahil sa nakikitang paghihirap ng anak.

Gustong humingi ng tawad ni Julie sa ina, dahil sa problemang dala ng kaniyang sakit. Dadalawa na lamang sila sa buhay at ito lamang ang maaasahan niya. Paano nila susuportahan ang kaniyang pagpapagamot, gayong ang ikinabubuhay lamang nila ngayon ay ang pagtitinda ng sampaguita?

Impit na iniiyak na lamang ni Julie ang kanilang sitwasyon at pasimpleng hinihiling sa Panginoon na sana ay gumaling na siya o kung hindi man ay kunin na lamang siya nang mas maaga upang hindi na mahirapan pa ang kaniyang ina.

Samantala, gaano man itago ni Julie at ng kaniyang ina ang kalagayan niya ay walang nakapigil sa kaniyang mga kaibigan na alamin iyon. Noong hindi pa dinadapuan ng sakit si Julie, siya ang takbuhan ng kaniyang mga kaibigan sa tuwing sila ay nangangailangan. Isa siyang maasahan at mabitong kaibigan at hindi nila iyon magagawang kalimutan na lamang.

“Kailangan nating tulungan si Julie. Huwag tayong pumayag na matalo siya ng sakit niya!” matigas ngunit naiiyak na sabi ni Joseph sa mga kabarkada.

“Tama! Noon, si Julie lang ang maaasahan natin sa tuwing nangangailangan tayo ng tulong. Ngayong siya naman ang may kailangan sa atin, panahon na nating bumawi!” pag-sang ayon naman ng isa pa. Si Sammy.

Lingid sa kaalaman ni Julie ay nagkasundo ang magkakaibigan na pagsama-samahin ang kanilang mga ipon, tutal ay pare-pareho naman silang may mga part-time jobs kahit mga nag-aaral pa ng kolehiyo. Ginaya kasi nila noon si Julie dahil napakasipag nito.

Ngunit sadyang napakahirap ng buhay. Gaano pa man pagtulung-tulungan ng magkakaibigan ang gastusin ni Julie sa ospital ay hindi pa rin nila magawang tapatan ang halagang kailangan nila para sa operasyon nito.

“Fund raising, tama! Iyon na lang ang pinakamaganda nating magagawa para kay Julie. Hindi ba at tinuruan niya tayong gumawa ng mga handicrafts noong kinailangan nating gumawa ng projects? Pwede nating ibenta iyon para sa pangtustos kay Julie!” si Paeng ang nagsuhestiyon niyon nang maalala ang mga handicrafts na bags, wallet at pencil case na itinurong gawin ni Julie sa kanila noon.

“Pʼwede nga ʼyon, Paeng!” tila naman nabuhayan ang noon ay natatamlay na si Sammy.

At ganoon nga ang ginawa nila. Sa aprubasyon ng ina ni Julie ay sinimulan nila ang fund raising para sa nangangailangan nilang kaibigan. Ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungan siya at maging mabuti ang kaniyang kalagayan.

Maraming tao ang nakipagtulungan sa kanila nang malamang may pupuntahang maganda ang mapagbebentahan ng kanilang mga produktong hindi rin naman basta-basta!

Dinagsa rin ng tulong ang bank account na inilaan nila para kay Julie, mula sa mga taong naantig sa kaniyang kuwento ng pakikipaglaban sa sakit.

Nakaipon sina Sammy, Paeng at Joseph ng sapat na halaga para sa operasyon ni Julie at talagang ipinagpasalamat nila sa mga tao iyon. Nang malaman ni Julie ang lahat ng sakripisyo ng mga taong nakapaligid sa kaniya ay ganoon na lamang na naantig ang kaniyang puso at ipinangako niya sa kaniyang sarili na lalabanan niya ang sakit upang hindi masayang ang pagod ng kaniyang ina at mga kaibigan.

Ilang buwan matapos ang operasyon ay muli nang bumalik ang dating sigla at mabuting kalusugan ni Julie. Nagkaroon nang muli ng laman ang dati ay butoʼt balat na lamang niyang pangangatawan. Magana na rin siyang kumain at nakatutulog na nang matiwasay sa gabi, at ang lahat ng iyon ay dahil sa kaniyang mga kaibigang nagpasimula ng lahat.

Naging malaki ang pasasalamat ng mag-ina kina Joseph, Sammy at Paeng at dahil doon ay lalong tumibay ang kanilang pagkakaibigan.

Ang pagkakaroon ng tunay at maaasahang kaibigan ay bihira lamang nating matagpuan sa ating buhay, kaya naman kapag dumating ito ay ipagpasalamat natin ay siguraduhing gantihan din nang kabutihan katulad na lamang ng ginawa nina Joseph, Sammy at Paeng para kay Julie. Ngayon ay sigurado na silang apat na dadalhin nila ang kanilang samahan hanggang sa kanilang pagtanda at hindi na ito magagawa pang buwagin ng kahit anong pagsubok pa.

Advertisement