Bala Para sa Akin, Inako ni Nanay
“Anak, kumain ka na ba?”tanong ni Alice sa kanyang anak na si Dan.
Tiningnan lang ng lalaki ang ina at padabog na umakyat ng hagdan patungo sa kwarto nito.
Mula nang pumanaw ang ama ni Dan ay nagkaroon na siya ng sama ng loob sa ina dahil hindi naman susumpungin ng sakit sa puso ang ama kung hindi ito nakagawa ng isang mabigat na kasalanan.
Nagkaroon kasi ng lihim na relasyon ang kanyang ina at ang matalik na kaibigan ng yumao niyang ama. Natuklasan iyon ng asawa ni Alice na sa sobrang galit at hinanakit ay inatake sa puso na agad nitong ikinasawi. Mula noon ay hindi na pinapansin ni Dan ang ina. Kahit nakatira sila sa iisang bubong ay nilalampas-lampasan lang niya ito na parang hangin.
Ang hindi niya pagpansin sa ina ay ikinabahala naman ng kanyang kasintahan na si Apple.
“Hanggang kailan mo ba titikisin ang nanay mo?” nag-aalala nitong tanong.
“Hindi mo kasi alam itong nararamdaman ko. Paano ko mapapatawad ang taong naging dahilan kung bakit nawala ng maaga ang aking ama. Ang pinakamamahal kong ama na mula pagkabata ay walang ginawa at ipinakita sa akin kundi kabutihan. Napakabait na tao ni tatay. Kahit kailan ay hindi niya nagawang mababae dahil mahal na mahal niya si nanay, pero binalewala niya iyon. Pinagtaksilan niya si tatay at sa mismong matalik pa nitong kaibigan. Masisisi mo ba ako kung kamuhian ko ang sarili kong ina?”aniya.
“Naiintindihan ko kung saan ka nanggagaling, Dan pero nangyari na ang nangyari at hindi na natin maibabalik ang nakaraan. Napagsisihan na naman siguro ng iyong ina ang ginawa niya kaya patawarin mo n a siya. Mahirap dalhin kapag may galit na nariyan sa dibdib mo. Alisin mo na iyan at matuto kang magpatawad,” payo pa ng kasintahan.
Pag-uwi niya sa bahay ay naabutan niya ang ina na naka-upo sa sofa. Tila pagod na pagod ito. Napansin niya ang mga tambak na nilabhang damit na nakalagay sa timba at palanggana na isasampay nito sa likod-bahay. Naramdaman nito ang kanyang presensya.
“O, nariyan ka na pala, anak. Nagluto ako ng paborito mong ulam. Kumain ka na sa kusina,”sabi nito sa kanya.
Gaya ng dati ay hindi naman niya pinansin ang ina at nilampasan na naman niya ito.
Naiyuko na lamang ni Alice ang kanyang ulo sa pagbalewala sa kanya ng anak. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng kanyang luha. Sa isip niya ay hanggang kailan siya hindi papansinin nito? Hindi niya magawang magreklamo dahil hindi niya ito masisisi, malaki ang kasalanan niya sa anak at sa ama nito na tila ba walang kapatawaran ngunit hindi pa rin sumusuko ang kanyang paniniwala at umaasa pa rin na lalambot rin ang puso ni Dan.
Isang araw, binabalak na yayain ni Alice ang anak na kumain sila sa labas kahit na walang okasyon. Alam niya na baka mahirapan siyang mapapayag ito ngunit sumugal pa rin siya.
Habang nakaupo sa sofa si Dan at naglalaro ng paborito nitong laro sa cell phone ay kinausap niya ito.
“A, e anak, m-may gagawin ka ba? Yayain sana kitang kumain sa labas, e.”
“Wala naman pong okasyon, bakit natin kailangang kumain sa labas?” seryosong sabi ng binata.
Nakaramdam ng kaunting pag-asa si Alice dahil sa wakas ay napansin din siya ng anak.
“W-wala lang, gusto lang kitang makasama. Ang tagal na rin nating hindi nakapag-usap mula nang mawala ang tatay mo. Bigyan mo naman ako ng pagkakataon, anak. Matagal ko nang pinagsisihan ang ginawa ko sa tatay mo. Pakiusap,” wika ng ina.
Bago sumagot ay ipinikit ni Dan ang mga mata, saglit na nag-isip. Mayamaya ay sinabi sa ina ang desisyon.
“Anong oras po ba tayo aalis?” seryoso pa rin niyang sagot.
Laking tuwa ni Alice na napapayag niya ang anak. Agad siyang nagpalit ng pang-alis na damit at isinuot ang kanyang paboritong sandalyas.
Eksaktong alas-siyete ng gabi umalis ng bahay ang mag-ina. Napadaan sila sa ma-taong lugar ng Quiapo. Habang naglalakad ay bigla na lamang may humablot ng bag ni Alice na ikinasigaw nang malaka ng babae.
“Magnanakaw, magnanakaw!” halos mataranta ang ginang sa pagkuha ng kawatan sa kanyang bag. Naroon pa naman ang cell phone at pitaka niya.
Dahil nahabag sa nangyari sa ina ay hinabol ni Dan ang magnanakaw hanggang sa mahagip niya ito.
“Ibalik mo ang bag ng nanay ko!” sigaw ng binata habang pilit na inaagaw sa magnanakaw ang hawak na bag. Nakatiyempo naman si Dan at naagaw nito ang bag ngunit ang hindi alam ng binateaay may bitbit na baril ang lalaking magnanakaw at ipinutok iyon sa kanya. Laking gulat niya at napagtanto na hindi siya ang tinamaan ng bala ng baril kundi ang iniharang na katawan ng kanyang ina.
Nakita ni Alice na balak barilin ng magnanakaw si Dan kaya hindi siya nagdalawang isip na iharang ang katawan para maproteksyunan lang ang anak.
Matapos ang ginawa ay agad na tumakas ang magnanakaw.
Napahagulgol si Dan nang makita ang duguang katawan ng ina sa kanyang harapan.
“Nay, b-bakit niyo iyon ginawa?”tangi niyang nasambit habang patulo na ang luha sa mga mata.
“Dahil mahal kita, anak. Mahal na mahal,”anito.
Humingi siya ng tulong sa mga tao na naroon para madala sa ospital ang ina. May mga nagmagandang-loob naman na tumulong at nahabag sa kalagayan nilang mag-ina. Pagdating sa ospital ay agad na dinala sa emergency room si Alice upang gamutin. Ilang oras na tumagal ang operasyon hanggang sa nailapitan siya ng doktor.
“Ikaw ba si Mr. Ynares?”tanong nito.
“Opo, Dok. Kumusta po ang nanay ko?”
“Maayos na ang lagay niya hijo. Mabuti na lang at nadala niyo agad siya rito kundi ay naubusan siya ng dugo.”
Labis ang pasasalamat ni Dan sa Diyos dahil binigyan pa siya Nito ng pagkakataon na makasama ang ina.
Ilang araw lang ang nagdaan at tuluyang gumaling si Alice. Napatawad na siya ng anak sa naging pagkakamali niya noon. Matapos ang nangyari, ay mas lalo silang pinaglapit na mag-ina at tuluyan na nilang ibinaon sa limot ang malungkot at madilim na bahagi ng kanilang buhay at nagsimula ng panibagong samahan bilang isang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!