“Anak, halos ilang libong piso na ang bill natin ngayon sa ospital bukod pa sa perang kakailanganin para sa operasyon. Ano ang gagawin natin? Baka kung mapaano ang mag-ina mo!” humahagulgol na sabi ng biyenan ni Gilberto habang nakatingin ito sa kaniyang asawa na nasa malubhang kalagayan.
Natataranta na ang mga doktor dahil oras na para ilabas ang kanilang anak na nananatili pa ring nasa sinapupunan ng kaniyang asawa. Hindi na nga halos maintindihan ni Gilberto ang sinasabi ng mga doktor tungkol sa kalagayan ng kaniyang mag-ina dahil sa sobrang pag-aalala. Ang alam niya lang ay nasa bingit ng panganib ang buhay ng mga ito at kailangan niyang gumawa ng paraan.
“Dok, gawin po ninyo ang nararapat. Aalis lang ako at gagawa ng paraan,” saad ni Gilberto sa doktor na humahawak sa kaniyang misis bago niya pinirmahan ang papel na ibinigay nito sa kaniya, isang waver.
Walang tulog at wala pang kain si Gilberto simula kahapon kaya’t halos lamukusin na niya ang kaniyang mukha dahil sa iritasyon. Nanginginig na ang kaniyang tuhod at nahihilo na rin siya ngunit patuloy siya sa paglalakad at sa paghahanap ng tulong. Inabot na nga gabi si Gilberto sa daan ngunit nananatiling hindi sapat ang nalilikom niyang pera mula sa pangungutang sa mga kakilala para sa operasyon ng kaniyang asawa.
Hanggang sa mapaupo siya sa isang waiting shed.
Doon ay may isang babaeng kanina pa kalikot nang kalikot sa mukhang mamahaling selpon na hawak nito. Naging mainit sa mata ni Gilberto ang tila pagiging mayaman ng babae. Hindi man niya gusto ay isang plano ang nabuo sa kaniyang isipan.
Kailangan niyang maagaw ang selpon nito!
Mukha pa namang magiging madali lang ang binabalak ni Gilberto para sa kaniya dahil sa hitsura ng babae ay tila natataranta ito.
Naghintay ng tiyempo si Gilberto upang makabuwelo. Nang magsimulang buksan ng babae ang bag nito upang doon ilagay ang selpon ay kumilos na si Gilberto. Dahan-dahan siyang lumapit sa babae bago niya hinablot ang bag nito kung saan nito inilagay ang mamahaling selpon!
“Magnanakaw! Magnanakaw!”
Halos mabingi si Gilberto sa sigaw na iyon ng babae. Masakit sa kaniyang matawag sa ganoong bansag ngunit wala na siyang panahon upang indahin pa iyon.
“Magnanakaw! Magnanakaw! Ibalik mo ‘yang bag ko. Maawa ka!” muli ay nadinig ng lalaki ang sigaw ng babae ngunit nanatiling bingi si Gilberto at nagpatuloy siya sa pagtakbo.
Matapos makatakas at makapagtago ay minabuti ni Gilberto na kunin ang naturang selpon upang pat*yin iyon. Mahirap na dahil baka agad siyang ma-trace. Hindi pa man niya naibebenta ang aparato.
Ngunit bago pa man mapindot ni Gilberto ang power button ng selpon ay biglang tumunog iyon kasabay ng paglabas ng isang mensahe sa screen.
“KAILANGAN KO NG DAGDAG NA ISANG MILYON PARA SA ULO NG ANAK MO. HIHINTAYIN NAMIN IYON HANGGANG BUKAS KUNG ‘DI AY TUTULUYAN KO ITO.”
Halos mangilabot si Gilberto sa nabasang mensahe mula sa isang ‘di kilalang sender. Agad siyang tinamaan ng konsensiya. Base sa mga mensaheng naroon sa selpon ay mukhang na-kidnap ang anak ng babaeng inagawan niya kanina ng bag tapos ay ganoon pa ang ginawa niya!
Nagmadaling bumalik si Gilberto sa waiting shed kung nasaan sila kanina upang sana ay isauli ang bag ngunit hindi na niya nakita pa ang babae doon.
Kinalma ni Gilberto ang sarili. Nag-isip siya kung ano ang mas tamang gawin sa pagkakataong iyon at isang mabigat na desisyon ang kaniyang ginawa.
Lumapit siya sa kakilalang pulis na siya rin niyang inutangan ng pera kanina upang sumuko.
“Sir, pakiusap. Susuko ho ako pero huwag ninyong pabayaan ang mag-ina ko!” ang humahagulgol niyang pakiusap sa pulis.
Ipinaliwanag niya rito ang nangyari at ang naging dahilan kung bakit niya naisipang kumapit sa patalim. Isiniwalat niya rin ang natuklasang krimen sa mga pulis na mabilis inaksyunan ng mga ito.
Sa tulong ng mga impormasyong nalaman ni Gilberto ay nagsagawa ng plano ang mga pulis matapos makipag-ugnayan sa babaeng may-ari ng selpon at dahil doon ay naging matagumpay ang pagbawi sa anak nito nang ligtas!
Dahil sa ginawa ni Gilberto ay mabilis siyang napatawad ng babaeng kaniyang ninakawan. Ang totoo’y tinulungan pa siya nito sa pinansiyal niyang pangangailangan para sa operasyon ng kaniyang asawa.
Sa huli ay naging ligtas din ang mag-ina ni Gilberto at labis ang naging pasasalamat niya sa ginang na may-ari ng mamahaling selpon at ganoon din naman ito sa kaniya.
Mabuti na lang at pinairal ni Gilberto ang kaniyang konsensiya. Doon ay napatunayan nilang lahat ng bagay ay may kaakibat na plano ng Diyos.