Naghihirap Man sa Buhay ay Mas Pinili ng Lalaki na Maging Tapat Imbis na Manlamang sa Kapwa; Gantimpala ang Naghihintay sa Kaniya

Naghihirap Man sa Buhay ay Mas Pinili ng Lalaki na Maging Tapat Imbis na Manlamang sa Kapwa; Gantimpala ang Naghihintay sa Kaniya

InspiringKarmaStories

Muntik nang makasagasa si Mang Noel ng isang estudyanteng tumatawid dahil sa dami ng kaniyang iniisip isang gabi habang papauwi na sana siya sa kanila.

Hindi niya napansin ang binatilyo nang tumawid ito, mabuti na lang at agad niyang nakalabit ang manibela kaya napatigil niya rin agad ang sasakyan. Agad siyang lumabas para tingnan ang binatilyo.

“Nako iho, ayos ka lang ba? Pasensiya ka na at hindi kita nakita. May masakit ba sa’yo? Halika ka at dadalhin kita sa pinakamalapit na ospital,” sunod sunod na sabi ni Mang Noel sa binatilyo.

“Nako, ayos lang po ako ‘tay. Hindi naman po ako napa’no. Muntikan lang po talaga. Ayos lang po ako, ‘wag po kayong mag-alala. Mag-iingat na lang po kayo sa susunod,” nakangiting sagot ng binatilyo bago nagpaalam at tumuloy sa kaniyang paglalakad.

Bumalik na rin si Mang Noel sa loob ng kaniyang sasakyan at nagpatuloy sa kaniyang pagmamaneho.

Isang taxi driver si Mang Noel. Kadalasan namang maingat talaga ang lalaki sa kaniyang pagmamaneho, sadyang napakarami niya lamang iniisip sa mga nakaraang araw. Malapit na kasing manganak ang kaniyang asawa sa ikaapat nilang anak at namomroblema rin siya sa pang-tuition ng kaniyang mga anak. Malapit na kasi ang mga exams nito kaya naman bayaran na naman sa eskwelahan.

Malapit na rin silang maputulan ng tubig at kuryente dahil ilang buwan na rin silang hindi nakakabayad. Ilang buwan din kasi siyang hindi nakapasada at wala silang kinita dahil kakaopera lamang sa kaniya. Nagkasakit kasi siya sa bato at kinakailangang ma-operahan. Napakalaki ng kanilang nagastos sa kaniyang naging operasyon. Tanging sa pag-oonline selling lamang ng kaniyang asawa sila umasa at sa pangungutang sa mga kamag-anak at kaibigan.

Kaya naman nang umayos na ang kaniyang pakiramdam ay agad na siyang sumabak muli sa pagtratrabaho. Pero sa sobrang dami nga ng kaniyang iniisip ay muntik pa siyang makasagasa.

Gabi na nang makauwi si Mang Noel sa kanila. Napatingin naman siya sa kaniyang asawa at mga anak na mahimbing na natutulog. Hinimas-himas niya ang tiyan ng buntis niyang asawa. Sobrang mahal na mahal niya ang kaniyang pamilya at gagawin niya ang lahat para mabigyan sila ng mabuting kinabukasan.

Taimtim siyang nanalangin bago siya matulog gaya ng madalas niyang gawin. Nanalangin siya na sana ay malampasan din nila ng kaniyang pamilya ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Pasasaan pa at makakaahon din sila, ‘yan na lamang ang pinanghahawakan ni Mang Noel. Ang kaniyang tiwala sa plano ng Diyos para sa kanila ng kaniyang pamilya.

Kinabukasan ay maagang umalis si Mang Noel upang mamasada ulit. Naging maayos naman ang takbo ng kaniyang araw. Marami-rami rin siyang kinita sa araw na iyon. Pauwi na sana siya nang may napansin siyang isang bag sa gilid ng kaniyang sasakyan.

“Ano ‘to? Nako, sino kaya ang nakaiwan ng bag na ito,” sambit niya sa sarili at dinala na muna ang bag sa loob ng kanilang bahay.

Kinabukasan ay naalimpungatan siya dahil sa kaniyang asawa.

“Noel! Noel! Saan ka nakakuha ng maraming pera, ha? Nagnakaw ka ba?” pabulong na tanong ng kaniyang asawa sa kaniya.

“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang tanong sa asawa.

“Ito oh!” pinakita sa kaniya ng kaniyang asawa ang bag na nakita niya sa loob ng kaniyang sasakyan. Binuksan niya ito at nakita niyang punong-puno nga ito ng pera. Hindi lang basta pera kundi dolyar! Napakaraming dolyar!

“Ibalik mo iyan at ibabalik ko iyan sa may-ari. Naiwanan lang yan sa loob ng aking sasakyan kahapon,” sagot niya sa asawa.

“Ano? Bakit naman? Ito na ang sagot sa lahat ng problema natin oh!” tiningnan niya naman ng masama ang kaniyang asawa kaya napatahimik ito.

“Mahirap lang tayo pero mararangal tayong tao. Hindi natin kukunin ang bagay na hindi atin. Naiintindihan mo?” napalunok na lang ang kaniyang asawa nang makita ang napakaseryoso niyang mukha at napatango.

Ini-report ni Mang Noel sa pulisya ang bag na naiwan sa kaniyang bag. Agad din namang dumating ang may-ari at taos-pusong nagpasalamat sa kaniya. Isa palang bakasyonistang foreigner ang nagmamay-ari ng bag na naging huling pasahero niya kagabi. May jet lag pa kasi ito kaya nakalimutan ang isang bag. Mabuti na lamang at si Mang Noel ang nakahanap ng pera kundi tiyak na natangay na ito.

Dahil labis na natuwa ang foreigner sa katapatang ipinakita ni Mang Noel ay pinarangalan niya ang katapatan nito ng mahigit sa dalawang libong dolyar o mahigit sa isang daang libong piso. Labis na nagpasalamat si Mang Noel sa gantimpalang kaniyang natanggap.

Nabayaran niya ang kanilang mga utang at lahat ng mga bayaring kaniyang naging problema. Doon niya napatunayan na basta ba ay mananatili kang tapat at gagawin mo parati ang tama ay hinding-hindi ka pababayaan ng Diyos. Siya mismo ang gagawa ng paraan para malampasan mo ang iyong mga problema sa buhay. Gaya ni Mang Noel na kahit na nagkaroon na siya ng pagkakataon na kunin ang napalaking halaga na kaniyang natagpuan sa kaniyang sasakyan ay mas pinili niya pa rin na gawin ang tama, at dahil rito ay nakatanggap siya ng gantimpala dahil sa kaniyang katapatan.

More Stories