Inday TrendingInday Trending
Ay, Bumigay Kay Adonis!

Ay, Bumigay Kay Adonis!

Masasabing nakapagpundar na sa buhay ang byudang si Olivia, sa edad na 45 anyos ay may dalawang kotse na ito, kumikitang negosyo at naliligo rin siya sa mamahaling alahas.

Gayunpaman, hindi pa rin daw nga makukumpleto ang kaniyang saya dahil wala naman siyang kapiling sa bawat gabing dumaraan sa kaniyang buhay. Malaki na kasi ang kaniyang nag-iisang anak, negosyanye na rin at may sarili nang buhay na inaasikaso.

“Bakit ba tunog nang tunog itong Messenger ko? Nakakainis na ha!” wika ni Olivia.

“May nag-message kasi sa’yo, madam, tingnan mo,” sagot naman ni Mimi, ang naglilinis ng kuko ng babae.

“Naku, ang dami-dami laging nagmemessage sa akin! Alam mo naman na kapag hindi ko personal na kilala ay hindi ko kinakausap, paano ba ang gagawin para hindi na sila makapagchat sa akin?” tanong ng babae.

“I-block po natin, madam. Akin na at tuturuan ko po kayo,” saad naman ng dalaga at saka kinuha ang telepono ni Olivia. Ngunit bago pa man din niya mabura ito ay napahinto siya.

“Madam, sigurado ka bang hindi mo kakilala ito? Sobrang pogi at may abs pa po oh!” maligalig na wika ni Mimi dito.

“Patingin nga!” sabi ni Olivia saka niya kinuha ang telepono niya. Totoo nga ang sinasabi ni Mimi, nakakauhaw ang kagwapuhan ng lalaki at marami na rin palang mensahe ito sa kaniya.

“Hello, pwede bang makipagkaibigan?” tanong ng lalaki sa kaniya.

“Naku, hindi ako nakikipagkaibigan sa mga hindi ko nakakausap ng personal. Baka mamaya kasi fake account lang kayo,” sagot naman ni Olivia.

“Video call po tayo para makita mo itsura ko,” saad naman ng lalaki.

Hindi nakatanggi si Olivia lalo na nang makita niya ang itsura nito. Parang artista ang lebel ng kaniyang kagwapuhan. Naging mabilis ang mga pangyayari, naging magkaibigan ang dalawa at ‘di kalauna’y naging magkasintahan.

“Limang buwan na tayo babe pero hindi ka pa rin naniniwala na gusto kita, na seryoso ako sayo,” wika ni Sean, ang nobyo ng babae.

“Sino ba naman kasing maniniwala na ang isang gwapong tulad mo ay magkakagusto sa akin? Matanda na ako,” mahinang sagot ni Olivia dito.

“Edad lang naman ang pagkakaiba natin eh! Ang tunay na pagmamahal ay hindi nakikita sa edad, kundi sa puso. Sa puso lang, Olivia,” wika ni Sean sa babae sabay yakap at halik sa kaniyang nobya.

Halos limang buwan ding kinilatis ni Olivia ang lalaki kung totoo nga ba o malinis nga ba ang intensyon nito sa kaniya at ngayon nga ay nakikita naman niyang mabuti ito.

Kaya unti-unti na siyang lumambot sa lalaki, ibinibigay ang lahat ng luho at binuksan muli ang kaniyang puso.

“Babe, pasensya ka na talaga ha? Ikaw pa ang sasagot sa pang ospital ni papa. Hayaan mo kapag may trabaho na ako ay babayaran kita,” pahayag ni Sean.

“Naku, ikaw naman! Para P30,000 lang e. Ang pera, pwedeng kitain kung paghihirapan. Ang buhay ng papa mo, hindi. Kaya umalis ka na para puntahan si papa,” sagot ni Olivia sa nobyo.

Walang trabaho si Sean simula ng makilala ito ni Olivia, pangit man pakinggan ngunit halos ang babae na ang bumubuhay ngayon sa kaniyang kasintahan pati na rin sa pamilya nito.

Nagsunod-sunod pa nga ang pagbibigay niya ng malalaking halaga at maging ang kotse niya ay hiningi na rin ni Sean. Kusang loob naman na ibinigay ito ni Olivia dahil mahal na mahal na niya ang lalaki.

“Ma, parang kapatid ko na iyang jowa niyo ah? Saka isa pa, napapansin ko na panay ang bigay niyo ng pera doon,” galit na wika ni Gian sa telepono, ang anak ni Olivia.

“Anak, nagmamahalan kami. Kapag nakilala mo siya at kapag nakita mo kung paano niya ako alagaan ay mag-iiba ang tingin mo sa kaniya. Pumunta ka dito para magkakilala na kayo,” saad ni Olivia sa kaniyang anak.

Hindi na nagpahuli pa si Gian at agad na pinuntahan ang kaniyang ina. Alam niyang naging abala siya sa kaniyang sariling pamilya kaya halos nawalan na siya ng oras sa sarili niyang nanay.

“Hello Gian, long time no see ah!” bati agad ni Sean ng makita ang lalaki.

“Aba! Magkakilala pala kayo?” gulat na tanong ni Olivia sa dalawa.

“E g*go pala itong lalaki mo eh! Ex ito ng asawa ko dati na baliw na baliw pa rin sa kaniya hanggang ngayon. Umalis ka sa bahay namin at huwag ka nang babalik!” sigaw naman agad ni Gian.

“Kaya ka lang naman pinili ng asawa mo dahil marami kang pera at ngayon na nahuthutan ko na ang nanay mo ay quits na tayo!” saad naman ni Sean.

“At ikaw tanda, kung akala mo ay may magmamahal pa sa’yo na kasing bata ko ay nangangarap ka na ng gising! Mangilabot ka nga!” wika naman ni Sean kay Olivia.

Doon mabilis na nasampal ng babae ang binata at pinalayas ito. Hindi makapaniwala si Olivia na sa ganitong edad niya ay naloko pa siya ng isang lalaking ‘di hamak na mas bata sa kanya.

“Ma, wala kang kasalanan, nagmahal ka lang po,” pahayag ni Gian sa kaniyang nanay habang sinusubukang patahanin.

“Hindi mo kailangan humanap ng lalaki kung lolokohin ka lang rin, isa pa, kasalanan ko naman ito dahil basta na lang kita pinabayaan. Hindi ko man lang naisip na nagkaka-edad ka na, mas inuna ko pa ang sarili ko at nakalimutan ko lahat ng paghihirap mo,” dagdag pa nito ay niyakap niya ang kaniyang ina.

Nagsampa ng kaso ni Olivia upang mabawi ang sasakyan at mabayaran ang lahat ng utang ni Sean sa kaniya. Leksyon na rin ito para sa lalaki kaya kahit na napakahirap at napakatagal ng proseso ay hindi niya titigilan hanggang sa maparusahan ito sa ginawang pangloloko sa kaniya.

Sa kabilang banda naman ay palagi nang dumadalaw ang pamilya ni Gian sa kaniyang nanay upang hindi na ito nalulungkot pa sa buhay. Magmula rin noon ay hindi na nakipagrelasyon si Olivia sa mga lalaking nangungulit sa kanya sa Facebook.

Kahit na labis siyang nasawi sa lalaking minahal niya, nananalig pa rin siya na balang araw ay makakatagpo niya rin ang lalaking makakasama niya hanggang sa pagtanda.

Advertisement