Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito - Inday Trending

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

Si Fina ay isang magaling na doktora sa isang pribadong ospital. Isa ang kaniyang pamilya sa nagmamay-ari ng ospital na ito. Kilala rin siya dahil sa taglay niyang talino at galing. Sa ilang taon niyang pagdo-doktor ay marami na itong natanggap na parangal. Nakakalungkot lamang dahil nakilala rin siya sa kagaspangan ng ugali. Madalas na pagbalingan niya ng init ng ulo ang mga janitor ng kanilang ospital. Para sa kaniya, ang mga ito ang pinakamababang nilalalang sa ospital.

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

Habang naglilinis ng CR ang janitress na si Nena, biglang pumasok ang ihing-ihing doktora. Nakita na ni Fina ang karatula sa labas ng CR ngunit pumasok pa rin ito na para bang walang pakialam.

“Magandang araw po Dok, saglit lamang po at basa pa po ang sahig. Maari niyo po gamitin ang kabilang CR. Baka po kasi madulas kayo.” wika ni Nena habang nakangiti sa Doktora.

“So sinasabi mo ba na lumabas ako at lumipat sa kabilang CR dahil lang sa nililinis mo ito? Alam mo ba kung gaano kahalaga ang oras ko? O sadyang wala kang alam dahil mangmang ka? Teka, hindi mo ba kilala kung sino ako dito?” pataray na sabi ni Doktora Fina.

“Naku Dok, pasensya na po kayo, bago lang po ako dito. Hindi naman po sa ganon pero baka po kasi kayo ma….” nanginginig na sagot ni Nena.

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

“Aba! At sumasagot ka pa. Bago ka palang pala eh tapos ganiyan ka na!? Wala kang respeto ah. Bukas na bukas rin ay wala ka nang trabaho.” sigaw ni Doktora Fina.

Humingi ng paumanhin ang pobreng janitress dahil sa takot siyang mawalan ng trabaho. Hindi naman ito pinansin ng doktora at dinuro-duro pa ito bago tuluyang lumabas ng CR.Dumiretso ang doktora sa admin ng ospital at iniutos na tanggalin agad-agad ang janitress. Dahil sa katayuan nila sa ospital ay walang nagawa ang admin. Wala talaga siyang pakialam sa mga tao sa paligid niya. Masyadong mataas ang tingin ni Fina sa kaniyang sarili.

Si Nena ay 25 taong gulang. Siya lamang ang inaasahan ng kaniyang Lola na may iniinda na ring sakit dahil sa katandaan. Kailangan na kailangan ni Nena ng trabaho para matustusan ang pang araw-araw na gamutan ng kaniyang Lola.

Kinabukasan ay pumasok si Nena at doon niya nalaman na wala na siyang trabaho. Nagmakaawa siya sa mga ito ngunit yun na daw ang desisyon nila. Sa pangalawang pagkakataon ay sinubukan niyang kausapin ang Doktora ngunit mas masasakit na salita pa ang sinabi nito. Walang magawa si Nena kundi umuwing luhaan.

Habang naglalakad si Nena ay hindi nito mapigilang umiyak. “Paano na si Lola? Paano na ang mga kailangang bilhing gamot para sa kaniya?” paulit-ulit na tanong ni Nena sa sarili.

Labis na dinamdam ito ni Nena, bukod kasi sa pampagamot ng kaniyang Lola, kailangan na rin niya bayaran ang renta ng bahay nila. Dalawang buwan na kasi silang hindi nakakabayad at mapapalayas na naman sila kapag hindi pa nakabayad sa susunod na buwan. Lutang na lutang ang isip niya. Sa kasamaang palad ay nahagip siya ng humaharurot na truck.Sinugod si Nena sa emergency room ng dati nitong pinagtatrabahuhang ospital. Tunay nga naman na mapaglaro ang tadhana dahil si Fina pa ang doktor na titingin sa kaniya. Hindi alam ni Fina ang gagawin sa pasiyente. Bigla siyang nakonsensya. Kilalang kilala niya ang mukha ng pasyente at hindi siya maaring magkamali. Ito ang babaeng tinanggalan niya ng trabaho dahil lang napakababaw na dahilan. Aminado siya sa sarili niya na pinagtripan lang niya ito. Dahil sa aksidente ay matindi ang tinamong pinsala sa binti ni Nena. Kailangang lagyan ng mga bakal ang kaniyang kanang binti.

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

Ilang araw nang nasa ospital si Nena ngunit hindi niya ito makuhang kausapin. Ilang araw siyang balisa dahil inuusig siya ng kaniyang konsensya. Pakiramdam niya ay may kinalaman siya sa nangyaring kay Nena. Kung hindi niya ito pinatanggal ay malamang hindi ito naaksidente. Isa pang nakakabagabag sa kaniya ay kung bakit wala pa ring dumadalaw kay Nena.

Hanggang isang araw ay nakita niya na may bisita si Nena. Sinilip niya ito at nakita ang isang matandang babae na nakadaster, nakakipit na tsinelas at may dalang plastik na may lamang dalawang pirasong dalandan. Sa itsura ng matanda ay mukhang mahina ito at may sakit na iniinda. Nakaupo ito sa tabi ng kama ng tulog na si Nena. Lumapit siya sa matanda. Nakita siya agad nito at binati siya ng ngiti ngunit kita ang lungkot at pag-aalala sa kaniyang mga mata.

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

“Kayo po ba ang Doktora ng aking apo? Maraming maraming salamat po at niligtas niyo po ang buhay niya. Wala po akong maibabayad sa inyo, sana tanggapin niyo po ang nakayanan ko.” wika ng matanda habang inaabot ang supot ng dalandan.

Kitang kita ang mga kulubot at panginginig ng kamay ng matanda. Sa kauna-unahang pagkakataon ay halos mapunit ang puso ng mapagmataas na Doktora. Napaupo pa ito ng marinig pa ang mga sumunod na sinabi ng Nanay.

“Napakasipag na bata ng aking apo. Sa kaniyang edad ay madami siyang dalang problema. Mula nang maghiwalay ang mga magulang niya nung walong taong gulang siya, iniwan na siya sa akin at hindi na binalikan pa. Ngayon, ako pa ang iniisip niya palagi. Huling nagpaalam siya sa akin ay masayang masaya siya. Naikuwento niya rin na may doktora daw na nagalit sakanya pero kasalanan daw niya dahil kita naman daw na pagod ang doktora. Sana nga daw ay makausap niya muli ang doktora at dadalhan niya ng dalandan sa kaniyang unang sahod para naman mapatawad siya nito. Nagulat na lamang ako na ganito pala ang sinapit ng aking apo, kanina ko lamang nalaman dahil sa aming kapitbahay. Kawawa naman ang aking apo.” naluluhang kwento ng matanda.

Ipinahiya ng Matapobreng Doctor ang Pobreng Janitress, Hindi Niya Inakala na Matindi ang Magiging Kabayaran Nito

Umiiyak na humingi ng tawad si Fina sa Lola ni Nena. Nagulat ang matanda nang aminin ni Fina na siya pala ang doktora na tinutukoy ng apo. Ngunit sadyang busilak ang puso ng mag-Lola. Niyakap siya ng matanda at sinabi na wala siyang kasalanan sa nangyari. Ang importante ay buhay ang kaniyang apo. Nagising din si Nena at sumenyas pa ng aprub ng makita si Fina na kayakap ng kaniyang Lola. Nangako si Fina na siya ang bahala sa lahat ng bayarin sa ospital pati na rin sa pagpapagamot sa kaniyang Lola. Siya na rin ang bahala sa mga kakailanganing therapy sa binti ni Nena. Alam niya sa sarili na kulang na kulang itong kabayaran sa nangyari ngunit ito lang sa ngayon ang naiisip niyang paraan para mabawasan ang pag-usig sakanya ng kaniyang konsensya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.