Naiinis ang Buntis Dahil Hindi Niya Makain ang Pagkaing Pinaglilihian Niya, Lalo pa Siyang Nabwisit Nang Magdamag Hindi Umuwi ang Mister
“Ah! Nakakainis, gusto ko ng lychee!” Naiinis si Sophia dahil kanina niya pa gustong kumain nito ngunit tila imposible naman niyang makain iyon ngayong araw. Hindi niya malaman kung bakit takam na takam siya dito simula nang makita niya ito sa isang magazine. Kanina niya pa rin sinasabi sa kanyang mister iyon ngunit tila wala naman itong pakialam sa kanya. Gusto niya nang maiyak sa depresyon niya dahil lang sa isang klase ng prutas. “Bahala ka na nga d’yan! Wala ka namang pakialam sa pagbubuntis ko!” inis siyang nagdabog at pumasok ng kwarto. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa kakaiyak. Hindi niya alam kung bakit simula nang magbuntis siya ay masyado na siyang naging sensitibo sa lahat ng bagay. Hindi naman siya ganito dati. Pati tuloy siya mismo ay naiinis sa sarili. Nagising siya nang hatinggabi. Nagtaka siyang wala ang asawa sa kanyang tabi. “Siguro’y nagbabasa na naman sa sala.” Hilig kasi ng mister niyang magbasa sa sala kahit na hatinggabi na. Kaya naman lumabas siya ng sala upang yayain itong matulog. Ngunit nagtaka siya nang makitang wala ito doon. Nagngitngit na naman ang loob niya sa galit. “Saan na naman kaya nagpunta ‘yun? Hindi pa nagpaalam!” Sinubukan niyang tawagan ito ngunit mas nainis siya nang makitang naiwan nito ang cellphone sa sala. Sa isip-isip niya’y gusto niya nang sapakin ang asawa sa sobrang inis. Hatinggabi at buntis pa siya, paano nito nagawang iwanan siya sa bahay? Kaya naman hinintay niya nalang ang asawa sa sala. Nakakaidlip siya ngunit nagigising rin agad dahil sa mga kaluskos sa labas. Hanggang sa hindi niya namalayang nakatulog na pala siya. Nagising nalang siya nang may maramdamang kumikiliti sa kanyang tenga. Napamulat siya nang makita ang asawa na nakangiti sa kanya habang hawak-hawak ang isang plastik. “Ano ‘yan?” inaantok niya pang tanong dito. “Tignan mo,” nakangiti at buong-lambing nitong tugon. Tinignan niya nga ang loob ng plastik at ganoon nalang ang ligayang nadama niya nang makita ang nakakatakam at fresh na fresh na lychees. “Wow, mahal saan mo nabili ang mga ito?” tanong niya sa asawa. Napansin niya rin na tila pagod at marumi ang itsura nito. Kaya naman nangunot ang noo niya nang may maalala, “Huwag mo sabihing umakyat ka pa?” Tukoy niya sa bundok kung saan nakatira ang nanay nito. Ngumiti pa rin ang asawa sa kanya at bahagyang ginulo ang buhok niya, “Huwag mo nang isipin kung saan ko kinuha. Magpakabusog ka nalang d’yan, mahal.” Hindi mapigilan ni Sophia ang pagluha. Tuwang-tuwa siya sa ginawa ng asawa para sa kanya. Hindi niya tuloy napigilang mayakap at mahalikan ito. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.