Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Babae sa Kaniyang Kaibigan Matapos Nitong Isumbong sa Kaniya ang Kalokohan ng Kaniyang Nobyo; Sinisira lang daw Kasi Sila Nito

Nagalit ang Babae sa Kaniyang Kaibigan Matapos Nitong Isumbong sa Kaniya ang Kalokohan ng Kaniyang Nobyo; Sinisira lang daw Kasi Sila Nito

“Besty, busy ka ba?” tanong ng kaibigang si Sharee sa kabilang linya.

“Hindi naman, bakit?” tugon naman ni Mica.

“Magkita tayo, may sasabihin ako,” sagot naman nito na agad namang nakapagpakunot ng kaniyang noo.

“Bakit naman? May chika?”

“Basta, magkita na lang tayo. Mamaya ko na sasabihin kung bakit! Huwag mong isama ang boyfriend mo, ha?” bilin pa nito.

Nagtataka man ay napilitan na lang si Mica na sumunod sa kaibigan tutal ay talagang nagtataka siya sa sasabihin nito. Napakaseryoso kasi ng tono nito na hindi naman karaniwan dito dahil palabirong tao si Sharee. Agad na nagbihis si Mica at sumipot sa lugar na kanilang pinag-usapan.

Naabutan niyang nakaupo si Sharee sa isang mesa sa food court ng mall na paborito nilang puntahang dalawa. Seryoso ang hitsura nito nang makita siya at ni hindi man lang ngumiti.

“O, ano nga ’yong sasabihin mo sa akin?” agad na bungad ni Mica sa kaibigan. Puno ng kyuryosidad ang kaniyang tinig.

“Besty…” Saglit pang pinutol ni Sharee ang sasabihin upang humugot ng malalim na paghinga. “Hiwalayan mo na ang boyfriend mo. Niloloko ka niya,” dagdag pa nito na agad na ikinagulat ni Mica.

“Ano?!” napatayo pa siya. “Pina-prank mo ba ako, Sharee?” nakangiwi pang tanong niya sa kaibigan.

Hinila siya nitong muli paupo. “Totoo ang sinasabi ko, Mica. Niloloko ka ni Desmond! Kitang-kita mismo ng dalawang mata ko na nakikipaghalikan siya sa ibang babae sa loob mismo ng isang sinehan kahapon!” paliwanag pa ni Sharee.

“Huwag mo nga akong pinaglololoko nang ganiyan, Sharee! Hindi na ako natutuwa!” Napipikon na siya sa sinasabi nito, ngunit imbes na bawiin ay pinanindigan pa rin nito ang sinasabi.

“Hindi ako nagbibiro, Mica! Totoo—”

Ngunit bago pa man maituloy ni Sharee ang sasabihin ay agad na itong pinutol ni Mica. “Hindi ako naniniwala sa ’yo, Sharee! Mahal na mahal ako ni Desmond at hindi niya magagawa sa akin ’yon. Naiinggit ka lang yata sa akin dahil ako ang pinili niya kaya gusto mo kaming sirain!” galit pang katuwiran ni Mica na agad namang nagpamaang sa kaniyang kaibigan.

“Bahala ka!” galit na sabi nito. “Magpaloko ka nang magpaloko sa nobyo mo, wala na akong pakialam! Bahala ka sa buhay mo!”

Iniwan siya ni Sharee sa mesang iyon na litong-lito. Gusto niyang maniwala na gusto lamang sirain nito ang relasyon nila ng nobyo dahil noon ay pareho silang may gusto kay Desmond. Iyon nga lang, siya ang pinili nito dahil ayaw nito sa mga babaeng kasing tapang ni Sharee.

Kahapon pa niya hindi nakakausap si Desmond kaya naman kahit pinaniniwala niya ang sariling hindi totoo ang sinabi ni Sharee ay kinakabahan pa rin siya. Kinuha niya ang cellphone sa kaniyang bag upang tawagan ang nobyo.

Ilang sandaling nagri-ring lang ang kabilang linya bago ito sinagot ni Desmond. “O, napatawag ka?” tanong nito sa malamig na tono.

“Nasaan ka?” balik-tanong naman ni Mica na nanginginig pa ang boses.

“Wala kang pakialam. Bakit ba tumatawag ka pa? Hindi pa ba nagsusumbong sa ’yo ’yong kaibigan mong amazona? Alam mo bang sinapak ako n’on kahapon dahil nakita niya akong may kahalikang iba? Bwisit!” anas pa nito sa kabilang linya. Kasunod n’on ay nakarinig din siya ng hagikhik ng babae sa linya ni Desmond. Halos madurog ang puso ni Mica kaya hindi siya makapagsalita.

“O, may sasabihin ka pa ba? Bilisan mo na, Mica, at nakakaistorbo ka na sa amin ng bago kong girlfriend,” may pagyayabang pang sabi nito kaya napilitan na lang si Mica na ibaba ang tawag.

Agos na nang agos ang luha sa kaniyang mga mata nang makarinig siya ng pamilyar na tinig.

“Naiwan ko ’yong—Mica, ano’ng nangyari sa ’yo?!” Nagulantang si Sharee nang makita ang kaniyang hitsura. Bumalik kasi ito upang kunin ang naiwan niyang bag.

“Besty, sorry!” hagulhol naman ni Mica. “Nakumpirma kong totoo ang sinabi mo. Sorry kung hindi agad ako naniwala sa ’yo!” sabi pa niya.

Pumalatak naman si Sharee. “Pasalamat ka, hindi kita kayang tiisin!” sagot pa nito bago siya dinaluhan at inalo.

Ilang linggo lang ang lumipas ay nabalitaan nilang nakakuha ng sakit mula sa pakikipagt*lik sa mga babae si Desmond. Ngayon ay wala nang gustong makipagrelasyon dito kaya naman gusto na siya nitong balikan.

Mabuti na lang talaga at nariyan si Sharee upang damayan siya kaya mabilis niyang nakalimutan si Desmond. Ngayon ay wala na itong puwang sa kaniyang puso. Isang malaking leksyon ang natutunan niya sa nangyari. Mabuti na lang at kahit nagkamali siya ng taong kinampihan ay napatawad pa rin siya ni Sharee. Ngayon ay nangako siyang hindi na iyon uulitin pa dahil napatunayan na niyang mas matimbang ang pagkakaibigan nila kaysa sa kahit na sinong lalaki.

Advertisement