Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Nanay dahil Palaging Kausap ng Anak ang Yaya Nito, Kinilabutan Siya sa Sagot ng Bata

Nagalit ang Nanay dahil Palaging Kausap ng Anak ang Yaya Nito, Kinilabutan Siya sa Sagot ng Bata

Summer vacation ngayon kaya naman masayang masaya ang batang si Ethan, tiyak niya kasing magsu-swimmming na naman sila ng kanyang pamilya. Sa ganoong paraan, magkakasama-sama sila. Sabik kasi siya sa maraming tao dahil nasa abroad ang kanyang daddy habang ang mommy niya naman ay isang home-based teacher. Bagamat nasa bahay lang ito, hindi naman tutok sa kanya. Ang tanging kausap niya lamang palagi ay ang kanyang yaya.

Bidang-bida siya tuwing magkakasama ang kanyang pamilya, tuwang-tuwa sa kanya ang lola niya at mga tito’t tita. Paano kasi, napakadaldal niya sa edad na five years old. Siya rin ang top 1 sa kanilang klase. Bukod doon, hindi kasama ang yaya niya pag nasa outing sila ng pamilya, sa ganoong paraan ay makakapahinga naman ito. Palagi kasi itong tutok sa kanya, makulit pa naman siya.

“Yaya, bakit ganoon, ang daddy ko ang tagal pang umuwi?” tanong niya sa babae, nakatitig lang naman ito sa kanya at nakangiti. Minsan talaga ay ganito ang yaya niya, tahimik lang. Pero inaalagaan naman siya nito at palaging nakasunod sa kanya. Kapag busy ang mommy niya sa work, ito lang ang kasama niya. Kahit nga sa gabi ay walang pahinga ito, sa tabi niya pa rin natutulog.

“Yaya, I love you po,” lambing niya rito. Niyakap lang naman siya ng kanyang yaya, naisip ng batang si Ethan na ang swerte niya. Bukod kasi sa mommy niya ay may pangalawa pa siyang nanay.

“Ethan come on kakain na,” sabi ng mommy niya. Dali-dali namang tumayo ang bata at ganun din ang yaya niya, magkasunod silang pumunta sa kusina.

“Ay, vegetables. Mommy can I eat hotdogs nalang po for dinner?” tanong niya sa ina.

“Ethan, you had hotdogs na for lunch. Masustansya yan, sige na kumain ka na. Luto pa naman ni Mommy yan,” sabi ng babae. Napasulyap naman si Ethan sa kanyang yaya na nakaupo sa tabi niya ngayon, tinanguan siya nito at nginitian.

“Sige na nga,” sabi niya na lang at kumain na ng gulay.

“Mamaya, tatawag ang daddy mo. Tinatanong niya nga kagabi kung ano daw ang gusto mong pasalubong pag-uwi niya. Pero dapat good boy ka kay Mommy para ibibili ka ni Daddy ng toy ha?” lambing ng babae sa kanya.

“Good boy naman po ako always. Dati nga sa school eh,hinelp ko yung classmate ko sa pag-color, tapos po-” napaubo pa siya dahil sa dire-diretsong pagsasalita.

“O see, kain na muna. Mamaya na ang kwento anak nabubulunan ka na,” saway ng kanyang ina at inabutan pa ng isang basong tubig ang bata.

“Pero good boy nga po ako mommy, ‘di ba yaya? i-kwento mo nga kay Mommy na hindi na ako nagwiwiwi sa bed every night kasi tabi tayo,” sabi niya.

“Ethan stop it, kumain ka na muna.” sabi ulit ng kanyang ina, nahalata ng bata na naiinis na ito kaya di na siya nagsalita pa. Binilisan niya na lamang ang pag-kain upang makabalik na siya sa kanyang kwarto. Nangako ang yaya niya na maglalaro sila.

Habang naghuhugas ng pinggan ang mommy niya ay nasa mesa naman si Ethan, hindi siya nakabalik agad sa kanyang kwarto dahil hinihintay pa nila ang tawag ng daddy niya. Maya-maya pa ay nagring na ang messenger sa laptop ng kanyang ina kaya sabik siyang nagkwento sa daddy niya.

“Tapos daddy, sabi ko kay Yaya gusto ko ng red na car pero palagi niya naman kinukuha yung red na car ko kaya blue ang nilalaro ko tig-isa kami. Daddy pwede po bang ibili mo ako ng isa pang red na car para pareho na kami ni yaya,” sabi niya sa ama habang nasa videocall.

Tumagal pa ng ilang minuto ang pag uusap nila ng kanyang daddy, tapos ay nagpaalam na ito dahil may pasok pa sa trabaho. Nasa US kasi ito kaya baligtad ang oras, tamang tama lang dahil kailangan na ring matulog ni Ethan. Halos alas diyes na ng gabi noon.

Inihatid na siya ng yaya at mommy niya sa kwarto, habang kinukumutan siya ng kanyang ina ay nagkwento pa ang bata.

“Mommy I think po masarap ang luto mo ng gulay kanina, pero parang hindi nagustuhan ni yaya kasi di sya kumain.” sabi niya.

“Ethan,” saway ng kanyang ina, namumutla ito.

“Sige po, hindi na po ako makulit. Pero okay lang po ba na wag muna ako magsleep kasi maglalaro pa kami sandali ni Yaya kahit mga 10 minutes lang po?” tanong niya.

Hindi na nakatiis ang babae at sinigawan ang anak, habang ninenerbyos at kumakabog ang dibdib.

“Ethan! Wala kang yaya!”

Kasabay noon ay ang malamig na hanging parang dumaan sa likod ng babae, naramdaman niya sa kanyang batok. Muling nagsalita si Ethan.

“Mommy, sabi ni Yaya, naniniwala daw po ba kayo sa multo?”

Nang gabing iyon ay di siya pinabayaan ng mommy niya na matulog mag isa. Makalipas ang isang linggo ay lumipat din sila ng bahay. Malungkot man ay tinanggap na ni Ethan na hindi makakasama sa kanila ang yaya niya, tinanaw na lang siya nito habang papalayo siya sa subdivision.

Simula noon ay palagi nang nakabantay ang nanay ni Ethan sa kanya, nang sa gayon ay masiguro niyang maayos ang lagay ng bata. Nangungulila man si Ethan sa kanyang yaya at sa biglaang pagkawala nito, nasasapawan na naman iyon ng ligaya at pagmamahal na ibinibigay ng kanyang Mommy. Mas naging close na ang mag ina.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement