Inday TrendingInday Trending
Sa Lansangan Ka Natuto

Sa Lansangan Ka Natuto

“Diana, pupunta ka na ba sa kanila?” tanong ni Grace, ang matalik na kaibigan ni Diana.

“Oo, ganitong oras sila madalas kumpleto,” sagot ng dalaga.

“Okay! Dala mo ‘yung bagong libro?”

“Oo Grace, salamat! Hindi na ako mahihirapan sa math niyan!”

“O sige Diana, ingat ka ha? Baka masalisihan ka.”

“Oo siyempre, mag-iingat ako.”

Naglakad na papunta sa kanyang patutunguhan si Diana. Bitbit ang librong pambata na hiniram niya kay Grace, nagsasanay si Diana kung paano nga ba niya ito sasabihin sa mga naghihintay sa isang lansangan sa Sampaloc. Ngunit, hindi pa ito ang simula ni Diana sa kanyang magandang hangarin, nasimula ito walong buwan nang nakakalipas.

Walong buwan bago hiramin ni Diana ang libro ni Grace ay kakasimula pa lang nila sa kanilang ikalawang taon sa kolehiyo. Parehas silang kumukuha ng programang pagtuturo sa isang prestihiyosong unibersidad. Hindi pa sila magkaibigan noon marahil malaki ang pinagka-iba nilang dalawa. Sikat si Diana sa kanyang kagandahan, mapalabas at mapaloob samantalang sumikat si Grace sa kanyang angking talino. Pinagmamalaki sila sa unibersidad marahil madalas silang pinanglalaban sa mga paligsahan, mapa-hitsura at mapa-talino.

Doon nagtatapos ang kanilang pinagka-iba. Parehas na mga guro ang kanilang mga magulang, at ang ina ni Diana ay nagtuturo din sa pinapasukan niya. Kapag wala namang ginagawa ay kasama rin niya ang ina sa faculty. Hindi man marangya ang pamumuhay ng pamilya ni Diana, masaya naman siya.

“Diana, nakapag-aral ka na ba para sa statistics mo?” tanong ng kanyang ina.

“Ma, we don’t need to stress ourselves yet. Joke! Hindi pa po Ma!” sagot ni Diana.

“At bakit hindi pa? ‘Di ba sa isang linggo na ‘yun?”

“Opo Ma, pero inaasikaso ko pa lang po ‘yung aking ipe-present sa prof-ed kong subject.”

“Pero mag-aral ka pa rin, hindi ‘yung tatlong araw na lang tsaka ka magkukumahog diyan, bigla mo na lang ulit dagdagan ng stress iyang Kuya David mo.”

“Hoy Ma, hindi po siya nai-istress. Hindi nga siya nag-aaral pero ang talino niya. Hay, sana all.”

“Siya ba kukuha ng exam mo? Mag-aral ka pa rin diyan, babae!”

“Opo, opo, ito na po…Punta na po akong klase, bye Ma, I love you!” at dumiretso na si Diana sa kanyang susunod na klase.

Hindi man halata ay nag-aalala na si Diana. Aminado siyang hindi siya gaanong katalinuhan at kailangan pa rin niyang magsanay. Sinubukan niyang kausapin si David, isang batikan at isang taon ang agwat sa kanya, ngunit may inaasikaso si David sa kanilang thesis ngayong semestre. Sinubukan niya ring tanungin ang iba pang maaaring makatulong sa kanya, ngunit may pinagka-aabalahan din sila. Dito na napansin ni Grace ang kalagayan ni Diana. Tapos na sa mga gawain si Grace kaya nilapitan niya si Diana.

“Diana, nakapag-aral ka na ba?”

“Grace! Nako hindi pa, at matalino ka ‘diba? Pwede paturo, kahit doon lang sa…ano ba ‘yun…conditional probability?”

“Conditional Probability? Sige ba, kailan ka libre sa oras?”

“Free ako ng alas-dos pasado, i-chachat na lang kita kung saan tayo mamaya ah?”

“Okay, chat mo na lang ako Diana. Ihanda ko na kung anong kailangan para sa exam.”

“Salamat Grace! Hayaan mo ililibre kita ng samgyeop!”

Dito na nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Laking tuwa ni Diana dahil sobrang bait ni Grace. Natuwa rin si Grace marahil unang beses pa lang na may humingi ng tulong sa kanya. Matapos kumain ay nag-chat na si Diana kay Grace. Magkikita sila sa loob ng library at doon tutulungan ni Grace si Diana. Hanggang sa matapos ang klase ay nag-aral sila tungkol sa simple at conditional probability. Noong una ay nahirapan si Diana, lalo na sa conditional probability, ngunit noong sinubukan niyang maglarawan sa kanyang isipan ay ka-agad niyang nakuha ang aralin. Tuwang-tuwa si Diana noon at malaki ang kanyang pasasalamat kay Grace.

Araw ng pagsusulit at kinakabahan na si Diana. Sapat na ba ang kanyang mga natutunan? Sapat na ba ang pagsasanay niya? Ito ang naglalaro sa kanyang isip ngayon. Magkatabi na naka-upo sina Grace at Diana sa loob ng silid. Tinapik ni Grace ang balikat ni Diana, na tila nagsasabing “Kaya mo ‘yan!” Muling nanumbalik ang lakas ng loob ni Diana at sinimulan na nila ang pagsusulit.

Isang oras ang tinagal ni Diana kaya hinintay na lang siya ni Grace. Matapos ang pagsusulit ay mangiyak-ngiyak si Diana sa pagod sa pagsasagot. Kaya pinasya ni Grace na kumain sila sa malapit na street-food stall. Bumili sila parehas ng siomai at kikiam. Nilibre rin ni Grace ng isang basong lemonade si Diana at bumalik ang ngiti ng dalaga. Habang sila’y kumakain ay may napansing bata ang dalawa, na tila nanlilimos ng pagkain. Malapit sa bata si Grace kaya nilapitan niya ito upang bigyan ng pagkain. Sumama na rin si Diana at nakipag-usap sila sa bata.

“Hi! Anong pangalan mo?” tanong ni Diana sa batang kalye.

“Jet po,” nahihiyang sagot ng bata.

“Jet? Hello Jet! Ilang taon ka na?”

“Payb.”

“Five? Ang laki mo na ah sa edad mo? Nasaan si mommy at daddy?”

“Nasa bahay po…”

“Nasa bahay, saan ka ba nakatira?”

“Doon lang po…” sabay tinuro ni Jet ang direksyon papunta sa kanilang tirahan.

“Oh malapit ka lang pala sa school namin. Nag-aaral ka na ba?”

“Hindi pa po…”

“Hindi pa? Gusto mo bang matuto?”

“Opo.”

“Oh anong gusto mong aralin? Tuturuan ka ni Teacher Dana!”

“‘Yung ano po…mat.”

“Math? O’sige, marunong ka na ba magbilang?”

“Opo!”

“Sige nga, magbilang tayo! isa, dalawa, tatlo, apat….” at may sariling mundo na ang dalawa.

Lubos na ikinatuwa ni Grace ang munting kabaitan na pinaparamdam ni Diana. Hindi niya akalain na malapit din pala sa bata si Diana. Napagdesisyunan ni Grace ang kuhaan ng litrato ng kaibigan habang tinuturuan ang isang batang kalye. Agad na pinost ni Grace ito sa kanyang Facebook. Matapos ay tinuruan nila ang bata maghapon. Noong tinatawag na si Diana ng kanyang ina ay nagpa-alam na ang dalaga sa bata at umalis na ito.

Pag-uwi ay agad namang sinabi ni Grace na nakauwi na siya. Matapos ay tiningnan niya ang kanyang post tungkol sa kaibigan. Laking gulat niya nang malaman niyang umabot na sa isang libong mahigit na reaksyon ang post niya. Maraming nagko-comment ng papuri sa dalaga. Tuwang-tuwa si Grace na marami ang nagpapahalaga sa kawang-gawa ng dalaga. Agad sinabi ni Grace ang balita sa kanyang kaibigan.

Walong buwan na ang lumipas matapos na nag-viral ang post tungkol kay Diana. Suportado na mismo ng unibersidad si Diana sa kanyang mga gagamiting libro at mga tutulong sa pagturo sa mga batang kalye. Malaki ang pasasalamat ni Diana sa tulong na binibigay ng kanilang unibersidad, lalo na sa tulong na binibigay ni Grace.

“Ayan sikat ka na Diana! Ikaw na ang Guro ng Lansangan!” masayang sinabi ni Grace.

“Tayo ang mga guro ng lansangan, Grace!” pansin ang saya sa mga dalaga.

“Hindi ko akalain na magtuturo ako sa bangketa,” wika ni Grace.

“Kahit saan naman, walang hahadlang sa pagtuturo, sa lansangan man o bangketa,” masayang sabi ni Diana.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement