Napakatsismosa Kasi ng Babaeng Ito; Tinubuan Tuloy ng Kati-kati ang Kaniyang Dila!

Alas sais pa lang ng umaga’t bago pa lamang sumisikat ang araw ngunit nasa labas na ng kaniyang bahay si Jenny. Nagwawalis siya sa kanilang bakuran, nang makita niya ang kapitbahay na si Paloma na mukhang papasok pa lamang sa trabaho.

Sinundan ni Jenny ng tingin ang dumaang kapitbahay at makahulugan itong pinagmasdan hanggang sa ito ay makasakay sa jeep.

“Oy, Anne!” biglang tawag niya sa isa pa nilang kapitbahay na si Ester. Katulad niya ay nagwawalis din ito ngayon ng bakuran.

“Oh, Jenny, bakit?” Huminto ito sa pagwawalis nang siya’y makitang papalapit.

“Napansin mo ba ’yong tiyan ni Paloma? Parang ang laki na, ano? Tingin ko, buntis ’yan,” bungad niya nang makalapit sa kapitbahay.

Napakunot naman ang noo ni Anne sa narinig. “Ikaw naman, baka naman busog lang o kaya’y hindi natunawan,” may dudang sagot naman ni Anne na napapailing na lamang sa katsismosahan ng kaniyang kapitbahay na si Jenny.

“Ah, basta. Tingin ko talaga, buntis ’yan. Nakita ko, palaging pumupunta riyan sa kanila ang boypren niya, eh. Iyong de kotse? Minsan pa nga, diyan ’yon natutulog,” muli pang hirit ni Jenny na ayaw patalo.

“E kung ganoon nga, wala na tayong pakialam do’n. Buhay naman nila ’yon, eh. Saka may kaya naman ’yong lalaki at nasa edad naman na ’yang si Paloma para mag-asawa,” payo naman ni Anne sa kausap kahit na bahagya na siyang naiirita rito.

Advertisement

“Kahit na, disgrasyada pa rin siya,” ngunit talagang bumuwelta pa ang tsismosa.

“Ikaw rin naman, ah?” Natigilan siya sa isinagot na iyon ni Anne. “Alam mo, Jenny, kung ako sa ’yo, intindihin mo na lang ’yang anak mo. Wala na ngang tatay ’yon, eh. Baka dahil diyan sa katsismosahan mo, pati ikaw na nanay niya’y mawala pa sa kaniya. Matakot ka sa karma,” iiling-iling pang dagdag ni Anne sa tsismosang kapitbahay saka niya ito tinalikuran at pumasok na siya sa loob ng kanilang bahay.

Napaismid naman si Jenny habang sinusundan ng tingin si Anne. Naiinis siya dahil talagang napahiya siya sa mga sinabi nito!

Kilala siyang tsismosa sa kanilang lugar at halos wala na siyang iba pang kasundo kundi si Anne na pilit pa man din siyang pinakikisamahan nang maayos. Ngunit tila napundi na sa kaniya ang babae. Umabot na sa hangganan ang pisi nito kaya naman nakapagsalita na ito nang hindi maganda sa kaniya.

Alam naman ni Jenny na siya ang mali. Ngunit hindi niya ugaling magpatalo na lang nang basta-basta! Kaya naman mabilis siyang nag-isip ng isang imbentong kuwento upang siraan si Anne sa kanilang lugar.

Ipinagkalat niyang mangkukulam daw si Anne!

Lingid sa kaalaman ni Jenny ay hindi nagkakamali ang kaniyang imbentong kuwento. Totoong may alam nga si Anne sa pangungulam kaya naman nang malaman nito ang ginawa niya’y talagang nanggalaiti ito nang husto!

Matagal nang kinalimutan ni Anne ang kaalaman niya sa itim na mahika, kahit pa noon pa man ay hindi naman niya ito ginamit sa kasamaan. Mabuti na nga lang at wala nang naniniwala pa kay Jenny sa kanilang lugar kaya hindi na lumaki pa ang issue.

Advertisement

Ngunit gustong turuan ni Anne ng leksyon ang kapitbahay. Gusto niyang matuto ito sa kaniyang maling mga gawi kaya naman isang maliit na parusa ang iginawad niya rito.

Isang araw ay bigla na lamang nagising si Jenny na puno ng butlig-butlig ang kaniyang dila at talaga namang nangangati iyon nang matindi!

Kung saan-saang doktor na nga ito nagpatingin ngunit lalo lamang tumindi ang kaniyang dinaramdam!

“Hoy mare, tingnan mo si Jenny, oh, balot na balot. Paano’y napuno raw ng makakating butlig ang dila niyan kaya hayan at hindi na ulit makapangtsismis,” bulong ng isa sa mga kapitbahay noon ni Jenny habang siya’y dumaraan pauwi mula sa pagpapa-check up at hindi iyon nakaligtas sa kaniyang pandinig.

“Naku, dati naman nang makati ang dila niyan. Ang kaibahan lang ngayon, literal nang nangangati ’yon at sarili na lamang niya ang naaapektuhan! Karma niya ’yan!” sagot naman ng kausap nito’t nangilid ang luha ni Jenny. Doon niya napagtantong masakit pala ang mapagtsismisan.

Napaisip siya sa mga sinabing iyon ng kaniyang mga kapitbahay. Naalala niya ang kaniyang mga nagawang kasalanan sa mga ito. Napaluha na lamang siya sa pagsisisi at nang mga sandaling iyon ay nagpasiya siyang humingi ng tawad sa lahat ng nagawan niya ng kasalanan.

Dahil hindi makapagsalita’y isinulat na lamang ni Jenny sa papel ang paghingi niya ng tawad at isa-isa iyong iniabot sa kaniyang mga kapitbahay at kabaranggay at kabilang na roon si Anne.

Dahil doon, naisipan na ng babae na tanggalin ang parusa kay Jenny. Laking tuwa naman ng dating tsismosa nang bumalik na sa normal ang kaniyang buhay! Ipinangako niya sa sarili na hindi na niya uulitin ang kasalanan upang hindi na kailan man dapuan ng karma.