Inday TrendingInday Trending
Ninakawan at Sinaktan ng OFW ang Mabait na Matandang Among Arabyano, Ang Lupit ng Karma Pagbalik Niya sa Pinas

Ninakawan at Sinaktan ng OFW ang Mabait na Matandang Among Arabyano, Ang Lupit ng Karma Pagbalik Niya sa Pinas

Magdadalawang taon nang nagtatrabaho sa UAE si Manuel, nakailang palit na rin siya ng amo. Noong una ay nagtrabaho siya sa isang matandang dalagang Arabiano, pero napaalis rin siya kaagad dahil sa angkin niyang kayabangan at katamaran.

Ang ginawa niya, imbes na umuwi sa Pilipinas ay lumabas lang siya ng UAE at nagpunta sa Oman, nagpalipas ng ilang araw roon upang masabi lang na lumabas siya ng bansa at hindi masilip na hindi siya umuwi sa Pilipinas. Pagbalik niya sa UAE, sinuwerte naman siyang nakahanap ng bagong trabaho kaya di niya na kailangan pang mag-TNT.

Isa siyang driver ng mayamang pamilya, ang mga anak ng amo niya ay may kani-kaniya nang asawa at minsan nalang siya mautusan. Tanging ang dalawang matanda na lamang ang kasama niya sa bahay.

“Len, swerte ko rito sa mga amo ko. Mga mukhang uto-uto eh, tsaka tiba-tiba,ang yaman,” kwento niya sa misis habang ka-videocall ito.Wala pa silang anak pero pag uwi niya sa December ay nais niya nang buntisin ito.Ilang buwan na lang.

“Ayos ‘Pa ah, edi papadalhan mo ako ng mas malaki? Kasi naiinggit ako kay Mareng Jeraldine, nakabili ba naman ng samsung X,” nakangusong sabi nito.

“Baka iPhone X, misis talaga!” natatawang sabi niya, medyo mahina ang ulo ng asawa niya pero maganda naman ito. Di tulad niya na mautak at hindi maloloko.

Ilang sandali pa ay dumating na ang amo niya kaya ibinaba niya na ang tawag. Nagpahatid ito sa bangko.

“How’s your day Sir Fariq?” usisa niya habang sinusulyapan ito sa salamin sa unahan.

Ngumiti naman ang matanda sa kanya, “Good. Eh, just a little busy.And you? Do not overwork okay? When it is your day off, rest,”

Mabait ang mag-asawa, kapag may mga okasyon ay binibigyan pa siya ng mga ito ng regalo. Maayos rin kung kausapin siya at hindi kailanman siya itinratong utusan. Sa kabila naman ng lahat ng iyon ay nakabuo pa rin ng maitim na plano si Manuel.

Isang araw bago siya umuwi sa Pilipinas ay binabalak niyang nakawan ang mga ito. Tapos di na siya babalik, magne-negosyo nalang sila ng misis niya. Tutal, malaki-laki na rin ang naipadala niya dahil lahat ng sahod niya ay sa babae napupunta. Idagdag pa ang mananakaw niya kung sakali.

Inaral niyang mabuti ang galaw ng dalawang matanda, kung saan nagtatago ang mga ito ng pera at kung kailan bumibisita ang mga anak.

Tamang tama lang, may business meeting ang matandang lalaki kaya ang matandang among babae lang ang naiwan sa bahay. Tulog na tulog naman ito sa kwarto, pag ganitong oras ay siyesta nito kaya tyinempo niya. Naglakad siya sa isa pang kwarto, alam niyang doon nakatago ang mga pera.

Dumakot siya ng 10,000 Dirham, katumbas iyon ng 100,000 mahigit kung ipapalit sa piso. Punong-puno ang bag niya at papalabas na sana siya nang kwarto nang manlaki ang mata dahil nakita niya ang among babae na nakatayo sa pintuan, kunot ang noo.

“M-Ma’am Kareena, I was just-“

“You know why I came here? I was supposed to get money,because I want to give you money before you go home to Philippines. Because I thought you were not like the others. Turns out you’re not different, what a shame! We trusted you!” sabi nito, kahit na hirap sa ingles ay dire-diretso ang salita dahil sa galit at pagkadismaya.

Wala nang nagawa pa si Manuel, kung aatras siya ay mapupurnada ang lahat.Wala na ngang pera, kulong pa.

Kaya sinugod niya ang matandang babae, sinuntok ito ng pagkalakas-lakas dahilan upang mawalan ito ng malay.

Ang laki ng ngiti ng lalaki nang lumapag ang eroplano sa Maynila, sosorpresahin niya ang misis sa dala niyang pera. Hindi alam ni Lenlen na uuwi siya ngayong araw.

Nagtaxi nalang siya pauwi sa kanila pero ganoon nalang ang panlalaki ng mata niya nang makitang halos walang nagbago sa bahay nila. Akala niya pa naman ay gawa na dahil kung anu-anong hinihingi ni Lenlen sa kanya buwan buwan. Kesyo pampagawa ng bakod, kesyo sariling kuntador, pangkisame. Pero heto, barung-barong pa rin ang bahay nila.

Napalingon nalang siya sa kapitbahay na nagwawalis, bigla itong nagsalita.

“S-si Lenlen ba? Hindi ba ikaw iyong dati niyang asawa?” tanong nito.

Nagtaka siya, dati? Eh katatawag lang nito kagabi, nagpasalamat pa nga sa padala niya. “H-ho?”

“Matagal nang lumipat iyon eh, mga tatlong buwan na ang nakalipas. Ang alam ko, uuwi na sa probinsya kasama yung bago niyang mister. Walong buwang buntis na nga siya noon eh, paniguradong nanganak na ngayon,” kwento nito.

Hindi makapaniwala si Manuel kaya nagtanong pa siya sa iba pero pare-pareho ang sinasabi ng mga ito. Anak ng teteng, naloko siya ni Lenlen!

Ang matindi pa, ang bahay niya ay isinanla nito para raw sa panganganak. Ibabayad niya na sana ang perang nanakaw pero biglang dumating ang mga pulis dahil may hinabol siya ng mga anak ng dalawang matandang amo.

Napaluha nalang si Manuel sa sinapit niya, ang bilis ng karma. Mas matindi pa, doble ang sakit sa nagawa niya.

Advertisement