Napakarami nang Naging Nobyo ng Babae Kaya’t Pinaghinalaan siyang Nagtataksil ng Lalaki; Laking Pagsisisi niya Nang Malaman ang Katotohanan
Si Sasha ang isa sa pinakamagagandang dilag sa kanilang nayon. Napakaraming kalalakihan ang nagkakandarapa na makakuha ng kaniyang atensyon. Nakailang palit na rin siya ng nobyo dahil pawang hindi naman nagseseryoso ang mga ito sa kaniya, sa halip ay ginagamit lamang siya upang magpasikat.
“Girl, break na daw kayo ni Tristan?” tanong ng kaniyang kaibigan
“Oo nung isang buwan pa, wala naman kasing kwenta ang lalaking iyon,” sagot niya.
Sa dami ng kaniyang mga nakakarelasyon ay tila nawawalan na rin ng gana si Sasha, kaya kung sino na lang ang makilala niya ay pinapatos niya na. Wala rin naman siyang plano na magseryoso pa sa pangmatagalang relasyon.
“Oh sino na naman yang bago mong lalaki? Nakita ko sa Facebook iba na naman ang kasama mo ah,” wika ng kaniyang kuya na si Bran.
“Wala lang yun kuya, nakilala ko lang sa isang party.”
Sa pagsapit ng kaarawan ni Bran ay nagpahanda ito ng ng maliit na salo-salo at nagimbita ng kaniyang mg kaibigan. Wala namang pakialam si Sasha sa handaan ng kaniyang kapatid kaya’t maghapon lamang siyang nagkulong sa kaniyang silid. Ngunit nang nagutom ay napilitan siyang bumaba upang kumuha ng makakain.
“Ma, kuha niyo naman ako ng lumpia dun sa handa ni kuya, ang daming tao sa labas eh,” wika niya sa kaniyang ina.
“Uutusan mo pa ‘kong bata ka eh ang dami kong ginagawa dito. Ikaw na ang kumuha don!”
Napilitan si Sasha na lumabas upang puntahan ang lamesa ng mga pagkain, nakayuko niyang dinaanan ang lamesa ng mga bisita ng kaniyang kuya na nag-iinuman. Kilala niya naman ang mga ito ngunit mayroong isa sa kanila na bago sa kaniyang paningin.
“Uy, bumaba na rin ang paborito kong kapatid,” wika ng lasing na si Bran.
“Sino pa bang magiging paborito mo eh kayong dalawa lang naman ang magkapatid?” sagot ng kaniyang kaibigan sabay tawanan ng kanilang barkada.
Hindi naman maalis ang tingin ni Sasha sa bagong lalaking kaibigan ng kaniyang kuya, sa dami ng mga barkadang ipinakilala nito sa kaniya ay bukod tanging ang estranghero lang ang nakakuha ng atensyon niya. Batid niyang interesado din itong makilala siya dahil kanina pa siya nito tinitingnan.
“Kuya, kukuha lang ako ng lumpia, happy birthday, enjoy kayo diyan,” paalam niya.
“Uy wait lang dito ka na kumain, tabihan mo si kuya,” paglalambing ni Bran.
Dahil sa kakulitan nito ay napilitan siyang makipaghalubilo sa kanilang lahat. Maya-maya pa ay kumuha na rin siya ng beer na maiinom. Madaling araw na nang matapos sila sa pagsasaya at nagsiuwian na ang lahat.
“Kuya, sino yung gwapo mong bisita kagabi? Yung nakapolo na itim?” tanong niya sa kapatid.
“Si Gab? Sinasabi ko sa ‘yo Sasha ha, magloko ka na sa lahat ng lalaki wag lang sa mga kaibigan ko, kilala kita,” wika ni Bran.
“Grabe ka sa ‘kin ha, nagtatanong lang eh,” pagbibiro niya.
Lingid sa kaalaman ni Sasha ay kinausap ni Gab ang kaniyang kuya ng araw ding iyon.
“Bran, wag ka sanang magagalit ah, tatanong ko lang kung may nobyo ba ang kapatid mong si Sasha?”
“Pati ba naman ikaw, Gab? Binabalaan na kita, maloko yan si Sasha sa mga lalaki, hindi yan nagseseryoso, baka masaktan ka lang.”
Ipinagkibit balikat ni Gab ang payo ni Bran at kinulit pa rin itong pumayag na ligawan si Sasha.
“Hi Sasha,” bati ni Gab sa babae.
“Ah hi, Gab tama? Wala si kuya dito eh,” sagot ng naguguluhang si Sasha.
“Ah eh ikaw talaga ang ipinunta ko dito.”
“Ako? Bakit? May kailangan ka ba?”
Ipinaalam ni Gab kay Sasha ang kaniyang intensiyon na ligawan ito. Labis man itong ikinagulat ng babae ay pinagbigyan niya ang lalaki. Naging madalas ang pagbisita ni Gab sa kanilang bahay, dinadalhan siya nito ng mga pagkain at kung ano ano pang regalo. Sa ikalimang buwan ng panliligaw ni Gab ay sinagot niya ito.
“Gab, gusto ko lang sabihin na sinasagot na kita.” wika ni Sasha.
“Talaga? Seryoso ka diyan? Di ka nagbibiro?” nakangiting tanong ni Gab.
“Oo nga, tayo na.”
Hindi na nakapagpigil si Gab at halos magtatalon na siya sa tuwa. Sa unang tatlong buwan ng kanilang relasyon ay napakasaya ng kanilang pagsasama, ngunit maraming lalaki ang nainggit kay Gab kaya’t gumawa sila ng paraan upang siraan si Sasha.
“Bro, ikaw ba yung nobyo ni Sasha?” tanong ng lalaking nagchat sa kaniya.
“Oo ako nga, sino to? Pano mo nalaman ang tungkol samin?”
“Payong lalaki ng bro, ingat ka sa babaeng yan, makamandag yan.”
Matapos noon ay sunod-sunod na ang mga chat na kaniyang natatanggap na paninira sa kaniyang nobya. Pakiramdam tuloy ni Gab ay pinaglalaruan siya ng tadhana, naisip niya ang babala noon ni Bran na hindi niya pinakinggan, kinompronta niya ang nobya dahil dito.
“Sasha, nakakatanggap ako ng mga chat mula sa iba’t-ibang lalaki na manloloko ka, na niloloko mo lang ako, totoo ba iyon?” galit na tanong niya.
“Gab, hindi yan totoo, simula nang nakilala kita ay nagbago na ako, wala na akong ibang tinatanggap na manliligaw, ikaw lang.”
“Sabi sakin noon ng kuya mo wala kang plano na magseryoso, na playgirl ka, pero hindi ako naniwala kasi gusto talaga kita. Tapos ngayon makakatanggap ako ng napakaraming chat sa mga taong hindi ko kilala?”
Mas maniniwala ka ba sa kanila kaysa sa akin?”
Hiniwalayan ni Gab si Sasha ng araw na iyon, hindi niya hahayaang lokohin siya ng isang babae, lalo pa ng kapatid ng kaniyang kaibigan, wala namang nagawa si Sasha dahil hindi niya mapapaniwala ang nobyo. Hanggang sa nakausap ni Bran ang kaibigan.
“Tol bat naman ganun, bakit mo naman sinaktan yung kapatid ko?”
“Hindi mo ba alam Bran? Niloloko niya lang ako,marami nang nakapagsabi sa ‘kin.”
“Para sabihin ko sa ‘yo nagtino si Sasha nung naging kayo, ni hindi nga lumalabas ng bahay yun, paano ka niya lolokohin? Tsaka kilala ko yun, alam kong totoo ang pagmamahal niya para sa ‘yo, sobrang lungkot niya ngayon kasi bigla mo siyang binitawan.”
Natauhan si Gab sa mga sinabi ni Bran at agad na humingi dito ng tawad, hindi rin siya nagpatumpik-tumpik pa at agarang umalis upang puntahan si Sasha.
“Anong ginagawa mo dito?”
“Sasha please, I’m sorry, hindi dapat ako naniniwala basta-basta sa mga tsimis. Patawarin mo ako.”
Agad namang nagkapatawaran ang dalawa at binigyan ni Sasha si Gab ng pangalawang pagkakataon. Natutunan ni Gab na mali ang basta niyang pakikinig sa mga tsismis at hindi pakikinig sa panig ng nobya.
Mula noon ay mas pinagkatiwalaan niya ang nobya at mas lalo pang tumatag ang kanilang relasyon.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.