Maagang Naulila at Hindi Man Nakapagtapos ng Pag-aaral, Hindi Ito Naging Hadlang Upang Magtagumpay ang Binata
High school pa lamang ay magnobyo na sina Gabby at Aldrin. Mataas ang pangarap nila at marami silang plano para sa isa’t isa pero naging malabo ang lahat nang pumanaw ang ama ni Aldrin. Sa sobrang kalungkutan ay nagkasakit naman ang mommy niya. Kaya ngayon ay ang binata na lamang ang inaasahan ng kanyang pamilya, mayroon pa siyang maliliit na kapatid kaya isinantabi niya na lamang ang page-enroll sa kolehiyo.
Samantalang si Gabby ay nagtuloy sa pag aaral, maayos naman ang lahat. Pag uwian na ni Gabby sa eskwela ay saktong uwian na rin ni Aldrin sa pagawaan ng tela kaya sinusundo niya ang babae. Apat na taon ang nakalipas, naka-graduate ang babae sa kolehiyo samantalang si Aldrin ay doble doble ang trabaho.
“Pasensya ka na love, kung isang bulaklak lang ang nakayanan ko ngayong Valentine’s. Kung marami lang akong pera, isang hardin ng rosas ang ibibigay ko sayo,” nahihiyang sabi ni Aldrin sa nobya. Pumanaw na kasi ang kanyang mommy at nabaon siya sa utang dahil sa gamutan nito.
“Wala yun,” malamig na sabi ni Gabby. Inasahan niya na naman ito eh, wala na talagang mahihita kay Aldrin. Habangbuhay na itong walang unlad.
“Ipagluluto nalang kita sa bahay-“
“Aldrin, okay na nga. Tsaka may sasabihin ako sayo, natanggap yung application ko sa Singapore. I’m leaving,” sabi ni Gabby.
“H-ha? Kailan ka nag-apply mahal?” sabi ni Aldrin, masaya naman siya sa nobya. Nabigla lang talaga siya dahil wala siyang kaalam-alam na may pagnanais pala itong mag-abroad.
“Matagal na, tsaka you wouldn’t understand naman kahit i-explain ko pa sayo.” iritable ito.
Bumuntong hininga nalang si Aldrin at hindi na nakipag-argumento pa. Wala sa mood ang girlfriend niya dahil sa mumurahing bigay niya.
Nang makapag abroad si Gabby, lalong lumamig ang kanilang relasyon. Gustuhin man ni Aldrin na contact-in palagi ang nobya, hindi naman niya kaya dahil kailangan niya pang magbayad sa computer shop para matawagan ito.
Nagtatrabaho pa rin siya sa pabrika ng tela, kapag wala namang pasok ay nagta-tricycle siya.
Araw ng Linggo, namamasada ang binata at naisakay niya ang mga dating ka-eskwela.
“Aldrin? Ikaw naba yan?” sabi ni John.
“Uy! Oo, kumusta kana? Kayo ni Angela?” tanong niya na ang tinutukoy ay ang nobya nito.
“Okay naman, ikakasal na! Sayang kayo ni Gabby ano, akala ko kayo na ang magkakatuluyan. Mukhang masaya naman sya doon sa nobyo nya sa Singapore.” komento nito.
“H-huh?” gulat na gulat si Aldrin.
“Ay, hindi kayo friends sa Facebook? Palagi nagpo-post yan, ang sweet sweet nga eh. Alam ko parang nagbabalak na ring magpakasal dahil nung isang beses eh may inupload na picture ng singsing,” sagot nito. Walang kaalam alam na nagdurugo na ang puso niya.
Hindi naman nakaimik si Aldrin, pag-uwi ay agad siyang dumiretso sa computer shop upang silipin ang sinasabi ng dating kaklase at doon ay na-confirm niya na nagsasabi nga ito ng totoo.
Walang nagawa ang lalaki kundi lumuha, sinubukan niyang tawagan ang nobya. Ang liit-liit ng tingin niya sa kanyang sarili.
“Aldrin, pasensya kana. Kailangan ko lang mag-isip. Habang tumatagal na wala kang nararating sa buhay mo, nawawalan ako ng gana sayo. Joseph, my new boyfriend is stable at may pera. Sorry talaga,” sabi nito sa tawag. Di na siya hinintay pang makasagot at binabaan na.
Ilang araw na tulala ang lalaki, mahal na mahal niya si Gabby at akala niya ay ito na ang makakatuluyan niya. Di niya naman ito masisi dahil naghangad lang ito ng magandang buhay, na siguro ay di nito nakikitang maibibigay niya.
Maging trabaho niya ay apektado, kinausap na tuloy siya ng kanyang boss.
“Adlrin, di kami sanay na nagkakaganyan ka. Alam kong may pinagdadaanan ka, pero sana ay wag maapektuhan ang trabaho mo. Isa ka pa naman sa pinakamagaling rito,” sabi nito.
“Opo Sir. P-pasensya na po..” mahinang sabi ng lalaki.
“Sige, para sumaya ka tingin ko dapat sabihin ko na sayo ang magandang balita,” nakangiti ito.
Nagtatakang napasulyap naman ang lalaki sa boss niya, “Magandang balita po?”
“Actually, lumalaki na ang negosyo kaya dumarami rin ang oportunidad sa trabaho. Nagtatanong ang may ari kung sino ang maaring gawing team leader, sinabi kong ikaw.”
“Ho? Pero wala ho akong pinag-aralan Sir,”
“Ano naman? Ikaw lang ang pinakabagay sa posisyong iyon. Mas magaling kapa nga kaysa sa mga may pinag-aralan.” sabi nito.
Di makapaniwala si Aldrin pero ginamit niya ang mga pinagdaanan sa buhay upang umunlad, di nagtagal ay naging manager siya.
Lalong guminhawa ang buhay niya nang makagraduate na ang kanyang kapatid, tulong-tulong silang nagpagawa ng bahay. Ilang taon ang makalipas ay nakilala ni Aldrin si Marie, minahal siya ng babae ng buong puso. Ngayon ay naintindihan niya na kung bakit sa kabila ng tagal ng kanilang relasyon ni Gabby ay di sila nagkatuluyan. Dahil pala darating si Marie.
Ang kwento ni Aldrin ay isang patunay na hindi hadlang ang kawalan ng edukasyon sa pagtatagumpay. Oo at advantage kung may pinag aralan ang isang tao, ngunit hindi ito hadlang. Kung pursigido ka’t masipag, walang imposible.