Isinumpa ng Babaeng Ito na Hindi na Siya Muling Iibig, Isang Lalaki ang Muling Nagpatibok ng Matigas Niyang Puso
Isang mapait na karanasan ang dahilan kung bakit hindi na naniniwala si Tanya sa pag-ibig. Minsan na kasi siyang nagmahal, sinaktan at niloko. Magmula noon ay ipinangako niya sa sarili na hindi na siya iibig muli.
“Hay naku Lea, tigilan mo ang kakareto sa akin, sinabi ko naman sayo noon pa, wala na akong panahon sa mga date na iyan.” wika niya sa kaibigang madalas magreto sa kaniya ng lalaki.
“Tanya, hindi naman pwedeng hindi ka mag-asawa, sayang ang ganda mo kung hindi ka magpapalahi.” sagot naman nito na may kasamang pagtawa.
“Alam mo, wala na sa isip ko yang pag-aasawa, okay na ako na tumandang dalaga kesa sumakit pa ang ulo ko sa mga lalaking iyan.”
“Sige ganito, pagbigyan mo lang itong huling irereto ko sayo, kung hindi mo talaga siya magustuhan eh hihinto na ako, pangako.”
Sa sobrang pilit ni Lea ay pinagbigyan na ito ni Tanya, isa pa’y sigurado naman siyang hindi niya magugustuhan ang lalaking ipakikilala nito at nangako itong hihinto na sa pagreto kung pagbibigyan niya.
Napagkasunduan nilang magkita sa isang mall malapit sa kanilang lugar at doon ipinakilala ni Lea si Peter.
“Peter si Tanya nga pala ang matalik kong kaibigan na single pa rin hanggang ngayon. At Tanya eto naman si Peter, mabait yan kaya huwag mong takutin ha.” pabirong pagpapakilala nito sa dalawa, pagtapos ay iniwan na ni Lea ang dalawa.
Hindi maintindihan ni Tanya ang kaniyang nararamdaman, kung paanong sa unang pagkikita ay nagustuhan niya si Peter. Napakalinis nitong manamit, masayahin at mabait. Ngunit hindi niya ito ipinahalata dahil isinumpa niya sa sarili na hindi na siyang iibig muli.
“Nagugutom ka na ba? Meron kasi akong restaurant na palaging kinakainan dito, dun sana kita dadalin.” mahinahong tanong ni Peter
“Sige kahit saan, hindi naman ako mapili sa pagkain.” sagot niya
Masaya itong kausap, maraming kwento at talaga namang napakamagalang. Madalas din siya nitong napapatawa ngunit pinilit ni Tanya na itago ang kilig na nararamdaman. Alas-nwebe ng gabi nang ihatid siya nito sa kanyang bahay. Ayaw man niya ay nagpumilit ito. Hindi niya ito inimbita sa loob at nagpasalamat na lamang sa paghatid.
“Pasensya kana hindi na kita maiimbitahan, gabi na kasi baka malayo pa ang uuwian mo.” wika niya
“Okay lang, ang mahalaga ay ligtas kita naihatid dito.” nakangiting sagot ni Peter.
Pagkahiga sa kama ay halos hindi makatulog si Tanya, iniisip niya ang maghapong date nila ni Peter kung saan ay nanood sila ng sine, kumain at namasyal. Naalala niya ang mabangong amoy at matatamis nitong ngiti habang masayang nagkukwento.
“AHHH Tanya! Hindi pwede! Bawal! Ayoko!” sigaw niya sa sarili
Kinabukasan ay laking gulat niya ng makitang naghihintay si Peter sa labas ng kaniyang bahay.
“Anong ginagawa mo dito? Wala naman tayong usapan na magkikita tayo ah.”
“Oo nga eh, kaso namiss agad kita Tanya.” pabulong na sagot nito sa kaniya habang lumalapit
Ramdam ni Tanya ang biglang pamumula ng kaniyang pisngi, ngunit buo ang kaniyang loob na hindi na siya papasok muli sa relasyon.
“Peter, wala akong balak na makipag relasyon, wala kang mapapala sa akin, mabuti pa’y maghanap ka nalang ng iba.” sagot niya
“Ang cute mo talaga! Wala akong pake Tanya, liligawan kita sa ayaw at sa gusto mo.” sabay tingin sa kaniya ng malalim.
Pumupunta si Peter sa kaniyang bahay tatlong beses sa isang linggo, at kahit anong taboy niya dito ay hindi nito tinigilan ang pagsuyo kay Tanya. Minsan ay dinadalan siya nito ng bulaklak, tsokolate, mga regalo, at kung ano ano pa.
“Tanya, kahit paulit-ulit mo akong itaboy, kahit masungit ka minsan, kahit ayaw mo ng umibig ulit, at kahit pa pusong-bato ka hindi ako titigil, alam kong balang araw matututunan mo rin akong mahalin.” minsang wika nito
Sa paglipas ng mga buwan ay nahulog na rin ang loob ni Tanya kay Peter, hindi man niya ito pinahalata noong una ay hindi rin niya naitago ang bugso ng damdamin. Kaya’t nang minsan dumalaw ito ay napagpasiyahan niya nang sagutin ang lalaki.
“Peter, di ka ba tlaga titigil?” tanong niya.
“Saan? Sa panliligaw sayo? manigas ka diyan dito lang ako.” sagot naman nito at pagkunwa’y pinisil ang kaniyang pisngi.
Nangiti si Tanya at hinawakan ang kamay ni Peter, hindi na siya nagsalita at binigyan na lamang ito ng isang halik sa pisngi. Agad namang namula si Peter at ginantihan rin siya ng isang halik.
Niyakap niya si Peter ng mahigpit at bumulong ng,
“Sayo na ang matamis kong oo.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!