Basagulero at Machong-macho ang Lalaking Ito, Hanggang sa Dumating ang Babaeng Magpapalambot sa Kaniyang Pagkatao

“Hoy, magsipasok na kayo, nandiyan na si Andi Bato!”

Ang hiyaw na iyon ang hudyat upang magpiglasan ang mga taong nakatambay sa kalsada ng barangay na iyon. Mabilis silang nagsipasok sa kani-kanilang mga bahay dahil nandiyan na ang kilalang sigang kung tawagin ay Andi Bato, dahil sa pagiging basagulero nito. Siguroʼy lasing na naman si Andi, palagi naman kasing ganoʼn ang sitwasyon nito. Ang tingin nga ng karamihan ay patapon na ang buhay nito kaya ganoon na lang kung katakutan nila ito.

Ngunit halos maglaglagan ang panga ng mga tagaroon nang makita ang isang Andi Bato, na ngayon ay bagong ligo. Hindi na ito hubad baroʼt tuwid itong maglakad ngayon!

“Hindi lasing si Andi?” tanong ng isang tsismosa sa kapwa tsismosang si Aling Miling na siyang may-ari ng sari-sari store na madalas nilang pagtambayan.

“Himala nga! Saan kaya paparoon ʼyan? Bihis na bihis!” komento naman nito.

“Baka naman sa wakas ay maiisipan na niyang magtrabaho?” Tumawa pa ang ka-tsismisan ni Aling Miling. “Good luck na lang sa kaniya!”

Samantala, si Andi ay inihanda na ang sariling makarinig ng mga ganoʼng salita mula sa ibang tao. Sa tagal ba namang namayagpag ng masamang reputasyon niya sa lugar na ito, sigurado siyang mahihirapan siyang baguhin ang mga pananaw ng kaniyang mga kabarangay.

Ngunit talagang determinadong magbago si Andi. Simula nang makilala niya ang dalagang si Francia, ang probinsyanang pamangkin ng kanilang kapitan ay ginusto na niyang magbago. Wala, e. ‘Ika nga ay talagang tinamaan siya ng pana ni Kupido. Balak niyang umakyat ng ligaw rito.

Advertisement

Bago ang lahat, kailangan niya munang patunayang hindi patapon ang kaniyang buhay; na hindi lang siya basagulero at kaya rin niyang magbago, kaya naman ngayon ay papunta siya sa bayan upang maghanap ng trabaho.

“Trabaho? Paanong makakahanap ng trabaho iyang si Andi, e, wala namang alam sa buhay ʼyan kundi ang makipag basag ulo. Naku! Sa umpisa lang ʼyan.”

“Hindi uunlad ʼyan si Andi. Wala na siyang pag-asa.”

Kasabay ng mga salitang iyon ay ang halakhakan ng karamihan ng kaniyant mga kabarangay sa tuwing makikita nila siyang umaalis. Hindi naman niya sila masisi dahil matagal-tagal din naman siyang naging sakit sa ulo ng mga ito kaya naman tinitiis niya ang lahat ng natatanggap niyang masasakit na salita kahit pa minsan ay gusto na niyang sumabog.

Pasensiya, sipag at tiyaga ang tatlong pangunahing katangiang pinag-aralang pairalin ni Andi habang nasa proseso siya ng pagbabago…

“Sorry, Andi…i-ikakasal na ako.”

Iyon ang pinakamasakit na salitang narinig ni Andi mula sa kauna-unahang babaemg minahal niya. Nang mga panahong iyon, pakiramdam niyaʼy pinagsakluban siya ng langit at lupa at parang gusto na lang niyang bumalik sa dating gawain. Ngunit nasayangan siya sa mga naabot na niya. Tinanong niya ang sarili: “Ngayon pa ba ako susuko?”

At sinong mag-aakalang ngayon, isa na siyang ganap na negosyante? Nakapagpatayo na siya ng bahay at may kaunti na siyang ipon. Dahil sa matiyagang pagpapalit-palit noon ng trabaho at disiplinadong pag-iipon ay nakapagpatayo ng isang maliit na talyer si Andi, hanggang sa lumago iyon nang lumago.

Advertisement

Iyon nga lang, simula nang ma-basted siya sa unang babaeng minahal niyaʼy hindi na muling tumibok pa ang kaniyang puso para sa iba; ngunit isang araw…

“Francia? Ikaw ba ʼyan?”

Nagulat si Andi nang muli silang magkita ni Francia. Nahihiya siya nitong nginitian at tinanguan.

“Long time no see! Kumusta ka na?” excited na tanong ni Andi sa kausap. Kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob kay Francia, kahit pa nga binasted siya nito noon. Ito pa rin naman kasi ang naging dahilan kung bakit siya nagbago.

“Ito, single pa rin.” Kumunot ang noo ni Andi sa sagot ni Francia.

“Ha? Akala ko ba—”

“Hindi natuloy ang kasal ko, Andi. Hindi ko naman kasi mahal iyong lalaking pinipilit ipakasal sa akin nina tito, kaya umatras ako.”

Hindi nakapagsalita si Andi dahil sa narinig. Hindi nga rin siya makapaniwalang single pa rin ang babaeng hanggang ngayon ay mahal pa niya!

Advertisement

Simula nang araw na iyon ay muling niligawan ni Andi si Francia. Masugid na panliligaw hanggang sa ito ay mapasagot niya!

Ngayon ay isa nang ehemplo ng mabubuting mamamayan si Andi. Nagtagumpay siyang baguhin ang pananaw ng maraming tao tungkol sa kaniya. Binago siya ng pag-ibig niya kay Francia na sa susunod lamang na buwan ay magiging asawa na niya.