Inday TrendingInday Trending
Upang Magustuhan Siya ng Lalaking Napupusuan ay Ginawa Niya ang Lahat Kahit ang Magparetoke; Magsisisi pala Siya sa Huli

Upang Magustuhan Siya ng Lalaking Napupusuan ay Ginawa Niya ang Lahat Kahit ang Magparetoke; Magsisisi pala Siya sa Huli

“Napakalaki na ng ipinagbago mo, Alliah,” ani Sandy sa kaniyang kaibigang si Alliah habang tinititigan ang panibagong hitsura nito, isang buwan makalipas ang operasyong ipinagawa nito sa kaniyang katawan.

“Hindi ka ba masaya para sa akin, Sandy?” tanong naman ni Alliah. Hindi naman agad siya nakasagot bagkus ay napabuntong-hininga na lang.

“Susuportahan naman kita kung ginawa mo ’yan para sa sarili mo at hindi para sa ibang tao,” malungkot pang dagdag ni Sandy. “Mahirap mamuhay nang nagpapanggap, Alliah,” paalala pa nito ngunit hindi iyon nagustuhan ni Alliah.

“Ano ba’ng masama kung gustuhin kong magbago para magustuhan ako ni Mike? Oo, retokada ako, pero hindi naman niya malalaman na ako ’yong pangit at matabang babaeng naging dahilan kung bakit siya pinagtawanan ng mga kaibigan niya dahil lang naging ka-partner niya ako sa sayaw noong hayskul kami, kung walang magsasabi sa kaniya, hindi ba?” Nagbabanta ang tono niya na nagpailing naman kay Sandy.

“Ang ibig mong sabihin, balak mong paniwalain siya na ibang tao ka para lang magustuhan ka niya? Hindi naman naging masama ang trato ni Mike sa ’yo kahit kailan, hindi ba? Lalo na noong nagkita kayo noong nag-reunion tayo? Nagpalitan pa nga kayo ng numbers noon, pero bigla mo na lang siyang hindi kinausap!” katuwiran pa nito.

“Dahil alam kong hindi niya pa rin ako magugustuhan kahit na nag-uusap kami. Sadyang mabait lang si Mike kaya kinakausap niya pa rin ako kahit pa napakapangit ng hitsura ko noon, Sandy!” Medyo mataas na ang tono ng boses ni Alliah. “Sana naman, matuwa ka na lang para sa akin!”

“Pero ikaw lang naman ang iniisip ko, Alli—”

“Iniisip? O baka naman naiinggit ka dahil alam mong kahit anong gawin mong kayod, e, hindi mo kakayaning magparetoke dahil wala kang pera? Kasalanan ko ba na ipinanganak akong may kaya ang pamilya at ikaw naman ay ipinanganak na mahirap?” bigla ay putol niya pa sa sinasabi ni Sandy na ikinabigla naman nito.

Huli na para bawiin ni Alliah ang kaniyang mga sinabi dahil dali-dali na siyang tinalikuran ni Sandy at tumakbo itong palayo sa kaniya. Simula noon ay hindi na rin sila nag-usap pa.

Ganoon pa man ay ipinagpatuloy na lang ni Alliah ang kaniyang planong pang-aakit sa lalaking nagugustuhan, tutal ay mayroon na siyang magandang hitsura ngayon. Mas may tiwala na siyang mapapasa kaniya si Mike kahit na alam niya namang peke ang lahat ng iyon.

Nag-apply siya sa kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Mike bilang isang bisor. Doon ay sinimulan niya ang kaniyang plano. Ang hindi niya alam ay kung bakit kahit anong gawin niya ay hindi siya magawang pansinin ng binata. Ngayong maganda na siya at maganda na rin ang katawan niya’y tila lalo itong lumayo sa kaniya, hindi tulad noon na ito pa ang nangungulit na makipagkita.

“Sir, manhid ka ba?” minsan ay pangongompronta ni Alliah sa binata. “Siguro naman alam mong may gusto ako sa ’yo at inaakit kita, hindi ba?” tanong pa niya. Malakas ang loob niya dahil sa tama ng alak. Araw kasi ngayon ng kanilang sweldo at nagkayayaang mag-inuman silang magkakatrabaho kasama na si Mike.

“Hindi ako manhid, Alliah. Iyon nga lang, hindi kita pinapansin dahil may iba na akong nagugustuhan,” sagot pa nito sa kaniya.

Nabigla si Alliah sa sinabi ni Mike. Halos madurog ang puso niya sa narinig. “G-ganoon po ba?” malungkot na aniya na tinanguan naman nito.

“Ang totoo n’yan, kapangalan mo nga siya, e. Kaklase ko siya noong highschool. Noon ko pa siya gusto pero wala akong lakas ng loob na sabihin sa kaniya, hanggang sa nagkita ulit kami sa reunion. Balak ko na sana siyang ligawan noon pero hindi ko alam kung bakit bigla na lang siyang nawala,” malungkot na sagot pa sa kaniya ni Mike.

Nanlaki ang mga mata ni Alliah. Hindi niya inaasahan ang sasabihing iyon ni Mike kaya naman agad niyang ipinagtapat dito ang lahat ng ginawa niya para lang mabago ang kaniyang hitsura. Ngunit hindi iyon nagustuhan ni Mike, bagkus ay bumakas ang matinding disgusto sa mukha nito.

“Matuto ka munang mahalin ang sarili mo bago ka maghangad ng pagmamahal sa ibang tao, Alliah. Hindi ko akalaing ganoon kababaw ang tingin mo sa akin. Kahit kailan ay hindi ako bumase sa hitsura mo. Minahal kita nang buo… ngunit ngayon ay desidido na akong kalimutan ka,” iyon ang huling sinabi nito bago siya nito tinalikuran.

Kinabukasan ay nagulat si Alliah sa balitang nag-file ng immediate resignation si Mike sa kompaniyang pinagtatrabahuhan nila at simula noon ay hindi na sila nagkita pa. Tuluyan na niyang pinagsisihan ang ginawang pagpaparetoke para lang sa lalaki. Tama ang kaibigan niyang si Sandy.

Dahil sa sobrang kawalan niya ng tiwala at pagmamahal sa sarili, ang lahat tuloy ng taong nagmamahal din sa kaniya ay tinalikuran siya. Isang leksyon ang natutunan ni Alliah sa nangyari na habambuhay niyang pagsisisihan niya.

Advertisement