Inday TrendingInday Trending
Tinanggap ng Dalaga na Magpakasal sa Isang Sinto-Sinto, May Lihim Palang Itinatago ang Lalaki

Tinanggap ng Dalaga na Magpakasal sa Isang Sinto-Sinto, May Lihim Palang Itinatago ang Lalaki

“Ano, nasisiraan ka na ba, Marigold at naisipan mong magpakasal sa sinto-sinto?” gulat na tanong ng kapatid na si Ariana.

“Ate, kailangan ko ng malaking halaga para sa pagpunta ko sa abroad. Babayaran ako ng doble pa sa kailangan kong pera kapag nagpakasal ako sa lalaking iyon!”

Ang tinutukoy ng dalaga ay ang pagpapakasal sa isang lalaki na nakita lang niya sa Facebook. May mag-asawa kasi na naghahanap ng mapapangasawa para sa nag-iisa nilang anak na lalaki. Arranged marriage ika nga ngunit ang lalaking nakahanda niyang pakasalan ay isang sinto-sinto kaya nakahandang magbayad ng malaking halaga ang mag-asawa para pakasalan lang ang kanilang anak. Dahil sa may diperensiya sa isip ang lalaki ay walang nagtangkang pumayag sa alok ng mag-asawa, tanging siya lang ang tumanggap sa hamon.

Bago ang napipintong kasalan ay kailangan muna nilang magkakilanlan ng lalaki kaya pumunta siya sa bahay nito. Laking gulat niya nang makita ang mala-mansyong tirahan ng kanyang mapapangasawa. Mayamaya ay sinalubong siya ng isang matandang lalaki.

“Magandang umaga, hija! Ikaw na ba si Marigold Infante?” tanong ng matanda.

“Ako nga po. Ako po ang mapapangasawa ni Adriel Buenavista,” aniya.

“Ikaw pala, sige tuloy ka, hija!” anito at pinapasok siya sa sala.

Pinagmasdan niya ang kabuuan ng bahay at wala siyang ginawa kundi ang mapanganga sa kanyang mga nakikita. Magagandang muwebles at mamahaling dekorasyon ang nakalagay sa buong sala.

Nang biglang lumitaw ang isang matandang babae at lalaki na maayos ang pananamit. Halatang mayaman ang dalawa dahil sa mga alahas na suot sa mga katawan ng mga ito.

“Ikinagagalak kitang makilala, hija! Ako si Emma Buenavista. Ako ang ina ni Adriel, ang mapapangasawa mo,” pagpapakilala nito.

“Ako naman ang kanyang ama na si Alberto Buenavista,” sabi naman ng matandang lalaki

“Ganoon din po ako! N-nasaan po siya?” tanong niya sa dalawa.

“Huwag kang mainip, hija at bababa na ang anak namin,” ani Emma.

Maya-maya ay nakita niyang pababa ng hagdan ang isang matangkad at guwapong lalaki. Mayroon itong mahabang buhok at mapupungay na mga mata. Nakaramdam ng kilig ang dalaga nang makita ang kanyang husband to be.

“Oh, my… Ang guwapo ng mapapangasawa ko!” bulong niya sa sarili.

“Siya ang anak naming si Adriel. Siya ang magiging asawa mo, hija!” wika ni Alberto.

“H-hello! Ato Adriel, itaw ano panalan mo?” sabi ng lalaki.

Nang magsalita na ang lalaki ay biglang nadismaya ang dalaga.

“A, e a-ako si Marigold.”

“Itaw ba ang magiging atawa ko?”

Napabuntong-hininga na lamang si Marigold bago sagutin ang tanong nito.

“O-oo yata!” aniya.

Nagpaalam muna ang mag-asawa na maghahanda ng makakain ng dalawa kaya naiwan sina Marigold at Adriel sa sala. Niyaya siyang maglaro ng bahay-bahayan ng lalaki.

“Lika, lalo tayo bahay-bahayan! Ako tatay, ikaw nanay,” sabi ng lalaki.

Walang nagawa ang dalaga nang hilahin siya nito sa loob ng isang kuwarto.

Pinaupo siya ng lalaki sa maliit na upuan at piniringan ng kulay pulang panyo ang kanyang mga mata.

“Teka, bakit mo tatakpan ang mga mata ko?” tanong ng dalaga.

“Basta, suplise!”

Bumilang ng tatlo ang lalaki at saka inutusan siya na tanggalin na ang piring. Laking gulat ni Marigold nang bumungad sa kanyang harapan ang magandang bungkos ng bulaklak na rosas at mga tsokolate na may makukulay na balot at nakalagay iyon sa ginintuang lalagyang kahon.

“Ano iyan?” tanong ng dalaga.

“Pala sa iyo! Ikaw ang magiging atawa ko kaya bigay ko iyan ta iyo!” wika ni Adriel.

Nakaramdam ng kakaibang pakiramdam si Marigold. Marami nang nagbigay sa kanya ng bulaklak at tsokolate ngunit ang pagbibigay sa kanya ng lalaki ang pinakakiniligan niya.

“Ikaw naman, nag-abala ka pa. Salamat!”

Buong maghapon silang naglaro at nagkuwentuhan ng lalaki. Sa maikling oras na pinagsamahan nila nito ay madaling gumaan ang loob niya sa kanyang mapapangasawa. Napansin ni Marigold na kahit may kakulangan sa pag-iisip si Adriel ay para itong normal na tao kung magpakita ng totoo nitong emosyon.

Di nagtagal ay tuluyang nahulog ang loob niya sa lalaki at natutunan na itong mahalin sa kabila ng kondisyon nito.

“Alam mo, Adriel mula nang makilala kita ay binago mo ang pananaw ko sa mga kagaya mo. Napatunayan ko na kahit ganyan ka kung mag-isip, magsalita, kumilos ay hindi ka mahirap mahalin. Wala na rin akong pakialam sa ibabayad na pera sa akin. Magpapakasal ako sa iyo kahit walang anumang kapalit. Hindi na rin ako mag-a-abroad. Dito lang ako sa piling mo,” aniya sa lalaki.

“Kung ganoon totoong mahal mo na ato?” masaya nitong sabi.

“Oo, Adriel. Mahal na kita!”

“Ako rin, e. Mahal na rin kita, Marigold!”

Nabigla ang dalaga nang marinig ang matuwid na pagsasalita ng lalaki.

“T-teka, nakakapagsalita ka ng maayos?” takang tanong ng dalaga.

“Oo, Marigold. Matuwid akong magsalita. Hindi ako sinto-sinto gaya ng pagpapakilala sa iyo nina Mama at Papa.”

Halos hindi nakakilos si Marigold sa kinatatayuan sa ibinunyag ni Adriel.

“Hindi ako sinto-sinto. Nagpanggap ako na may diperensiya sa pag-iisip para mahanap ko ang nararapat na babae na aking iibigin at pakakasalan. Babaeng tatanggapin at mamahalin ako kahit ako ay sinto-sinto. Kinasabwat ko ang aking mga magulang para maisakatuparan ang aking plano.

Hindi makapaniwala ang dalaga na sinubok lang pala siya ng lalaki para malaman kung makakaya niya itong mahalin kahit na sinto-sinto ito at dahil natutunan niyang mahalin si Adriel sa kabila ng inakalang kondisyon nito ng walang hinihinging kapalit ay nakahanap tuloy siya ng tunay na pag-ibig sa katauhan ng lalaki.

“I love you, Marigold! So, will you still marry me?” anito.

“Yes, Adriel. I will marry you!” masayang sagot ng dalaga.

Natuloy ang kasal ng dalawa at nagsama ng maligaya sa piling ng isa’t isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement