Walang Nasabi ang Babaeng Ito Nang Harap Harapang Ipamukha sa Kanya ng Tadhana na Dapat Siyang Makuntento sa Buhay Niya Ngayon
“Ilang ulit ko na kasing sinabi sayo tapalan na ang bubong natin! Ayan kung kailang tag ulan saka magkukumahog, ang hirap na magsahod ng palanggana sa mga tulo niyan!” pabulyaw na sabi ni Meddie sa kanyang mister. Karpintero ang lalaki at siya naman ay isang mananahi. Mayroon silang apat na anak na pawang nag aaral pa. Si Mary Anne, 13 taong gulang; si Anelle, 10 taong gulang; si Michael,7 taong gulang at ang bunsong si Aira na 6 taong gulang. “Oo na, sa Sabado. Kita mo namang pagod ako lagi.” sagot naman ng lalaki sa asawa. “Ayan ka na naman, pang ilang Sabado na ba yan? Ang hirap hirap na nga ng buhay, ang pangit na nga ng bahay ayaw pang magpakaayos!” aburidong wika ni Meddie. Tahimik lang ang kanyang mga anak, alam ng mga ito na kapag nagkulit sila ay mapapalo talaga sila ng ina dahil mainit ang ulo nito. Ang mister naman niya ay napabuntung hininga na lang at itinuloy na ang pagkain. Hindi sila mayaman, pero hindi rin naman masasabing sobrang hirap nila. Masipag ang lalaki at naibibigay ang sapat na pangangailangan ng pamilya, pagkain, tirahan, pang baon ng mga bata. Kinabukasan ay naisipang pumunta ni Meddie sa palengke, alas singko na ng hapon noon at mamimili siya ng sangkap para sa ihahanda niyang hapunan. Pagkatapos bumili ay tumayo na siya sa gilid na bahagi ng palengke ubang mag abang ng tricycle. Habang naghihintay, natanaw niya ang mag iinang pulubi na inaayos ang kariton ng mga ito. Ang nanay ay itinatali ang isang luma, at kapirasong tarpaulin ng politiko sa gilid ng kariton, ang dalawang maliit na anak naman nito ay masayang masaya na nanonood sa kanilang ina. “Sana wag masyadong umulan mamaya ano, minalas tayo kagabi eh, nabasa tayong mabuti.” sabi ng nanay ng mga ito habang abala pa rin sa ginagawa. “Ayos yan nanay, para na tayong may bahay.” nakangiting sagot ng batang babae na tila naglalaro ang edad sa 8 hanggang 9 taong gulang. “Ang saya, may bubong tayo.” sagot naman ng isa pang bata, lalaki ito at mas maliit kaysa sa batang babae. Biglang natulala si Meddie, naisip niyang mas maswerte pa pala siya. May butas man ang bubong ay may bahay pa rin siyang maituturing, mahirap man ang buhay ay nakakakain pa rin naman sila ng tatlong beses sa isang araw, nakakapag aral ang kanyang mga anak at nabibihisan ang mga ito ng maayos. Higit sa lahat, mayroon siyang masipag na asawang katuwang niya anumang problema ang kanyang harapin. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.