Isang Panaginip ang Nag-udyok sa Lalaking Mag-resign sa Pinagta-trabahuhang Casino, Nangusap Pala ang Panginoon sa Kanya
“Sir, natalo si Mr. Velayo, itinaya pa naman daw ang bagong biling kotse.” sabi ng isa sa mga tauhan ni Arlo sa casino. Napangisi naman ang lalaki, ang dami talagang naloloko sa sugal. Siya ay 62 taong gulang na at sa 35 years na nagtatrabaho siya dito sa isang casino, kay rami na niyang nasaksihang eksena ng pagkatalo, nariyan ang itinaya ang puhunan, ang titulo ng bahay, at pang tuition fee ng mga anak. Mataas na ang kanyang pwesto at malaki na rin ang kanyang sahod kaya mahal na mahal niya ang trabaho. “Tanga kasi, ayos lang yan para marami tayong kubra ngayong gabi. Maraming papaikutin diba,” sabi niya sa tauhan. Mag iikot-ikot sana si Arlo at titignan ang takbo ng sugal ngayong gabi pero bigla siyang nakaramdam ng pananakit ng dibdib, napahawak siya sa pinakamalapit na mesa at umasang mawawala na iyon pero nagtuloy-tuloy pa at lalo pang kumikirot. “T-tulong..” daing ng lalaki pero walang tao roon, bukod sa maingay sa labas at imposibleng marinig ang mahina niyang panaghoy. Hindi na siya makahinga at di nagtagal, nagdilim ang paningin ng lalaki. Buti na lang ay saktong pumasok ang isa pa sa mga tauhan niya, may itatanong kasi sana ito sa kanya pero laking gulat nang makitang nakahandusay ang amo. Agad itong humingi ng tulong at dinala siya sa ospital. Kinailangang operahan sa puso ang lalaki. Makalipas ang tatlong araw, pagmulat niya ng mga mata ay nakita niyang nagbabantay ang kanyang misis. Ang dalawa niya namang anak ay naroon din at karga ang apo niya. “Daddy! Kumusta ang nararamdaman mo?” tanong agad ng kanyang asawa. “M-magre-resign na ako.” sabi niya. Akala naman ng mga ito ay wala pa sa ayos ang pag-iisip niya dahil sa matagal na pagkakatulog at sa gamot na itinurok sa kanya. Pero makalipas ang ilang oras, iyon pa rin ang sinasabi niya. “Mabuti naman kung yan ang gusto mo. Pero nagtataka lang ako dad, matagal ko nang sinasabi sayong mag-resign diba dahil may edad na tayo pero ikaw itong tumatanggi dahil mahal mo kamo ang trabaho mo at dyan kana tumanda, bakit bigla yatang nag-iba ang ihip ng hangin?” tanong ng misis niya. “H-habang wala akong malay Celia, nanaginip ako. Ipinakita sa akin lahat ng taong natalo at nasira ang buhay dahil sa sugal. Mga pamilyang nagkawatak watak, mga tatay na nalulong. Ipinamukha sa akin na isa ako sa mga instrumento bakit nangyari iyon at ito na marahil ang karma ko.” paliwanag niya. Tahimik namang nakinig ang kanyang pamilya. Makalipas ang ilang buwan, payapa nang namumuhay si Arlo. Nakapagpatayo sila ng mini grocery gamit ang kanyang naipon at napakasaya ng puso niya na ngayon ay naghahanapbuhay na siya nang malinis.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.