Inday TrendingInday Trending
Pinalaki ng Tiyuhing Sugarol ang Binata, Paglaki Niya ay Isang ‘Di Inaasahang Bagay ang Kanyang Nagawa

Pinalaki ng Tiyuhing Sugarol ang Binata, Paglaki Niya ay Isang ‘Di Inaasahang Bagay ang Kanyang Nagawa

Lumaki si Jason sa isang magulong tahanan. Bata pa lamang siya ay iniwan na siya ng kaniyang mga magulang sa kaniyang tiyuhin na walang ibang ginawa kundi ang mag organisa ng mga illegal na pasugalan.

“Jason ikaw muna bahala sa pasugalan mamaya, may lakad ako.” Wika ng kaniyang Tyong.

“Ako nanaman? Ako na kagabi ah.”

“Nagrereklamo ka? Eh kung hindi kita pakainin ng isang linggo?”

Sa tuwing susuwayin niya ang mga utos nito ay ginugulpi siya at hindi pinapakain, kaya walang magawa si Jason kundi sumunod. Pagkatapos niya noon sa elementarya ay pinahinto na siya nito sa pag-aaral at pinilit na tumulong sa kanilang mga pasugalan.

“Gusto kong umalis dito tol, gusto kong yumaman at magkaroon ng maayos na pamilya.” Wika niya sa kaibigang si Migs.

“Paano? Eh hindi ka naman na nag-aaral, bakit ka pa kasi pinahinto ng tiyuhin mong yan?”

“Di naman daw kasi niya ako anak, ayaw niya akong pagkagastusan.” Sagot niya.

Matagal na silang hindi nagkakasundo ng tiyuhin, simula nang pahintuin siya nito sa pag-aaral ay nawala na ang kakaunting respeto niya para rito. Kung kaya’t nagbabalak na din siyang lumayas at subukan ang kaniyang kapalaran na mag-isa.

“Ano to Jason? Pinagtataguan mo ako ng pera? San mo nakuha to?” Galit na tanong ng tiyuhin niya nang makita nito ang kaniyang iniipon.

“Akin yan! Hindi ko yan ninakaw sayo, inipon ko yan para sa sarili ko.”

Pinilit niyang kunin ang pera mula sa tiyuhin pero mas malakas ito. Ang plano niyang lumayas ay na- purnada at labis niyang kinasuklaman ang tiyuhing basagulero.

“Di ko na kaya tol, bukas ay aalis na ako, bahala na kung san ako mapunta.”

“Sige tol, sana maging masaya ka, mag- ingat kang wag mahuli ng tiyuhin mo, tyak magugulpi ka noon.” Sagot ni Migs.

Kinaumagahan ay maagang umalis ang kaniyang tiyuhin at nakita niya ang pagkakataong iyon upang maghalungkat sa silid nito at maghanap ng pera. Ngunit hindi pa natatagalan si Jason sa loob ay bigla itong bumalik at nahuli ang kaniyang ginagawa.

“Sinasabi ko na nga ba at pagnanakawan mo akong traydor ka! Pinalamon kita, pinatira kita sa bahay ko, tapos eto igaganti mo?”

Sunod sunod na suntok at tadyak ang inabot ni Jason na agad na tumumba sa sahig, naalala niya ang maliit na kutsilyong tinatago ng tiyuhin sa ilalim ng unan nito at gumawa sya ng paraan para makuha iyon, nang makapa ang kutsilyo ay agad niya itong isinaksak sa tiyuhin na agad ding bumagsak sa sahig.

Nagdilim ang paningin ni Jason sa sobrang galit at hindi niya tinigilan ang pagsaksak hanggang sa kumalat na ang dugo sa silid.

Sa takot niya ay agad siyang tumakbo palabas, hindi niya lubos maisip ang krimeng nagawa.

“Hindi! Hindi ako pwedeng makulong.” Bulong niya sa sarili.

Dalawang araw siyang nakapagtago at nagpalipat lipat ng lugar ngunit madali siyang nahuli ng awtoridad. Inamin ni Jason ang krimeng nagawa ngunit nasintensyahan lamang siya ng sampung taon sa kulungan dahil sa walang tumestigo laban sa kaniya. Kilala ang kaniyang tiyuhin bilang isang sugarol at basag ulo kaya walang sinumang nagnais na ipagtanggol pa ito.

Tinulungan si Jason ng ilan sa kaniyang mga kaibigan na nagpatunay na siya ay minamaltrato ng tiyuhin at hindi pinag-aaral.

“Salamat tol! Kundi dahil sa inyo baka habang buhay na ako dito sa kulungan.” Wika niya.

“Wala yun, ikaw pa ba? Sadyang naubos lang siguro ang pasensya mo sa kanya kaya mo iyon nagawa, pero alam namin na mabuti kang tao.” Sagot nito.

Sa loob ng kulungan ay sumali si Jason sa ilang book reading session at mga math lessons na inoorganisa para sa mga presong may mababang sintensya.

Makalipas ang sampung taon ay nakalabas si Jason, ibang iba na ang kanyang kapaligiran, ngunit sa pagkakataong ito ay handa na siyang simulang buuin ang kaniyang mga pangarap. Mapalad siyang natanggap sa isang programa ng gobyerno kung saan ay hahasain ang kanilang abilidad sa mga teknikal na trabaho at bibigyan ng pagkakataong makapasok sa mga maliliit na kompanya.

“Tol! Masayang masaya ako para sa iyo. Anong plano mo ngayon?” tanong ni Migs.

“Magsimula ng bagong buhay at tuparin lahat ng pinangarap ko, hindi pa huli ang lahat para sa akin diba?”

Buo ang loob na naglakad si Jason papalayo sa bilibid dala sa kaniyang puso ang mga aral na natutunan sa nagdaang mga taon.

Tayo bilang mga tao ay hindi perpekto at nakakagawa ng mga pagkakamali, sa huli, ang tunay na pagsisisi at pagbabayad sa ating kasalanan ang magpaparaya sa atin mula sa pait na dulot ng nakaraan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement